BoC, DA magkatuwang laban sa mga puslit na agri products

MARAMI ang natutuwa dahil sa pagbaba ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-l9 sa bansa.

Bukod dito, mukhang natuto nang sumunod sa health at safety protocols ang marami sa ating mga kababayan.

Sa totoo lang, marami ang takot lumabas ng bahay hanggang ngayon kung hindi talagang kailangan.

Nakabuti ang information dissemination campaign tungkol sa nakamamatay na sakit na inilunsad ng gobyerno at pribadong sektor.

Sana magtuloy-tuloy na ang pagbaba ng kaso ng COVID-l9 para mas masaya ang parating na Pasko.

At sana pagpasok ng bagong taon ay pabalik na tayo sa dating normal na pamumuhay.

Kaunting tiis na lang tayo.

Lahat naman ng mga pandemya at epidemya na nanalasa sa mundo ay natapos sa tulong ng siyensa at panalangin.

Tandaan natin, walang imposible sa Panginoong Diyos.

***

Dapat alisin na ang patakarang puwedeng umatras ang kandidatong nag-file ng CoC para palitan ng isang kapartido.

Nakagugulo lang at nagiging sanhi pa ito ng mainitang pagtatalo.

Ang dapat lang na payagan ng Comelec ay ang mga kandidatong madedeklarang nilang nuisance candidate at mga namatay bago ang halalan.

Huwag natin kalimutan na kada ikatlong taon lang nagkakaroon ng eleksyon sa bansa.

Ang ibig sabihin niyan, tatlong taong pinag-iisipan ng isang pulitiko kung kakandidato siya o hindi.

Kaya para maiwasan ang kalituhan at maling ispekulasyon kung bakit umaatras ang isang kandidato ay alisin na ang patakaran na puwedeng magpalit ng kandidatong nag-file ng CoC.

Dagdag trabaho at gastos pa ang pagpapalit ng kandidato.

Wala tayong karapatang pilitin ang isang tao para kumandidato.

Ang sa atin lang, iwasan natin kung puwedeng iwasan ang mga bagay na maaaring maging sanhi ng kalituhan at hindi pagkakaunawaan.

***

Babaguhin ng Bureau of Customs ang kanilang mga protocol para maiwasan ang iligal na pagpasok ng agricultural products sa bansa.

Ayon kay Atty. Philip Vincent Maronilla, Assistant Commissioner at BoC spokesman,  nagpulong na ang BoC at Department of Agriculture (DA) hinggil sa ang ismagling ng mga produktong agrikultura.

Ito’y kasunod ng reklamo ng mga magsasaka at magbababoy na “bumabaha” (na naman) ang mga puslit na produktong agrikultura sa bansa.

Umaaray na ang mga magsasaka at magbababoy sa laki ng nalulugi sa kanila.

Dahil sa pagdagsa ng mga puslit na gulay at karne ng baboy ay bagsak presyo na ang mga ito.

Hindi na alam ng mga magsasaka kung paano nila mababayaran ang kanilang mga utang sa mga usurero.

Mataas ang production cost pero mababa naman ang presyo ng kanilang mga produkto.

Busog na busog ang mga importador pero namamatay naman sa gutom ang mga magsasaka at kanilang mga pamilya.

Mabuti na lang at gumagawa ng paraan ang BoC para matigil o mabawasan man lang ang pagpupuslit ng mga produktong agrikultura.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #(0969) 037 7083/email: tingnannatin@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Comments (0)
Add Comment