BOC, huwag “magpagamit” sa FDA

SA isang ‘press release’ noong Marso 28, 2021, ibinida ng Bureau of Customs (BOC) ang isinagawa nitong dalawang ‘raid’ sa Mandaluyong City at Paranaque City, noong Marso 25, 2021, kung saan higit P13 milyon ng hinihinalang “palusot” (read: ‘smuggled’) na mga produkto ang kanilang nakumpiska.

Sa nasabi pa ring press release, sinabing malaking bulto ng nakumpiska ay ang Chinese-made, anti-COVID-19 na gamot na ‘Linhua Qingwen Jiaonang.’

Sadyang hindi natin ginamit ang nasabing press release na ito ng BOC, DCI Raniel Ramiro at ESS director, Yogi Ruiz.

Bakit kanyo?

Dangan kasi, sa “pag-amin” mismo ng kora… ehek, kontrobersiyal na “bosing” ng FDA na si Eric Domingo, noon pang nakaraang taon nila binigyan ng permit na magamit laban sa COVID- 19 itong Linhua Qingwen! Ang pag-amin ay ginawa ni Domingo sa hearing ng House Committee on Health noong Marso 30, 2021, na nasubaybayan natin.

Ang “nakapagtataka” lang, bakit hindi man lang yata naglabas ng ‘public advisory’ hinggil dito ang FDA? Samantalang kapag produkto ng ‘Big Pharma,’ “mabilis pa sa alas-kuwatro” ang anunsiyo ng FDA—at “paulit-ulit” pa!

Hmm. “Sinadya” ba ng FDA na “ilubog” ang anunsiyo dahil ‘made in China’ at “hindi nakikipag-usap” sa kanila katulad ng mga ahente ng Big Pharma? Sinadya rin ba ng FDA na “bulagin” ang BOC para patuloy na “magamit” ang “pangil” ng Aduana laban sa mga produkto na sa totoo lang ay “ayaw” nilang maibenta sa ating merkado?

At dahil mayroon na ngang ‘FDA approval,’ eh lumalabas tuloy na “illegal raid/confiscation” ang ginawa ng BOC? Aber, mabuti naman at hindi pa sila kinakasuhan ng may-ari na ang pangalan ay hindi naman ibinulgar ng BOC, hehehe.

Kung may dokumento kasi at may permiso pala ng FDA (na marahil ay hindi pa rin alam hanggang ngayon ng BOC), aba’y “swak” sa kaso sa Ombudsman sina DCI Raniel, Dir. Yogi, etc., etc.

Take note: ‘Ignorance of the law excuses no one,’ hehehe!

Kumbaga, hindi puwedeng ikatwiran nina DCI Raniel at Dir. Yogi na “hindi nila alam na aprubado na pala ng FDA ang Linhua Qingwen,” hehehe, ayy, huhuhu!

***

Mabuti na lang at sa ngayon ay “sumisingaw” na ang mga kabuktutan d’yan sa FDA— na matagal na rin nating isinusulat at inirereklamo.

Oh yes, dear readers. Aprub sa atin ang sinasabi ni ‘Idol’ Raffy Tulfo, na d’yan sa FDA, “palakasan” din at “bidding” ang ginagawa para ang isang produkto ay mabigyan ng ‘approval.’

At sa panahon ngayon na “imbudo” sa FDA at DOH ang desisyon kung alin sa mga puwedeng gamot sa COVID-19 ang gusto nilang “ipagamit” sa mga Pinoy, hindi tayo magtataka na sa pag-alis sa puwesto ng mga nakaupo d’yan sa FDA at DOH, “bilyonaryo” ang iba d’yan at ang kawawa at patuloy na “pinepeste” ng pandemya ay tayong mga ordinaryong Pinoy.

Na sadyang mistulang ‘Mafia’ na ang diskarte ng ilan dyan sa FDA at DOH ay makikita sa isyu ng paggamit ng ‘Ivermectin’ laban sa COVID-19; kung hindi pa lumikha ng “ingay” sa social media at nakarating ang mga reklamo sa Palasyo, hindi pa kikilos ang GDA na “payagan” nang magamit ang Ivermectin ng mga may sakit at gustong makaiwas sa sakit na dala ng COVID-19.

Bakit “ayaw” ng FDA/DOH sa Ivermectin? Eh, sobrang “mura” (very cheap) kasi kumpara sa mga inilalakong gamot ng ‘Big Pharma.’

***

Sa panig naman ng BOC, dapat nang “umiwas” ang ‘Team Jagger’ na magamit ang ahensiya para sa pansariling interes ng iilan, katulad nitong mga tulisan d’yan sa FDA.

“Iwas-Pusoy” na rin dapat sa iba pang mga sektor sa industriya na may transaksyon sa Aduana at ang diskarte ay “gamitin” ang BOC, partikular na ang IG (Intelligence Group) upang ipaalerto at ipakumpiska ang kargamento ng mga kalaban nila sa negosyo.

Naniniwala tayo sa sinseridad ng Team Jagger pagdating sa paglaban sa smuggling at pagsusulong ng reporma sa pantalan ang pag-uusapan.

‘Yun nga lang, ‘yang “sinseridad” na yan, kung minsan ay isang “kahinaan” na aabusuhin ng mga may pansariling interes, partikular na ‘yung mga “kabaro” nila sa gobyerno, tama ba, PACC chair, Greco Belgica?

Comments (0)
Add Comment