BoC, laging handang tumulong sa Sambayanan

SA KABILA ng pananalasa ng Covid-19 ay patuloy ang kampanya ng Bureau of Customs (BoC) laban sa mga ismagler.

Hindi natatapos sa pagkakasakote ng mga kontrabando ang trabaho ng mga taga-BoC.

Ang hangad nila ay maipakulong ang mga ismagler.

Alam ni BoC Chief Rey Leonardo Guerrero na hindi titigil ang pagpupuslit ng mga kargamento hangga’t nasa labas ang mga ismagler.

Kaya nga noong Marso 5, 2021, ay kinasuhan ng BoC sa DoJ ang dalawang importer dahil sa ismagling.

Ang mga nagsampa ng kaso ay ang mga opisyal ng BoC “Bureau’s Action Team Against Smuggling (BATAS), na nasa ilallim ng tanggapan ni Deputy Commissioner Vener Baquiran.

Kasama sa naghain ng kaso ang mga taga-Port of Manila at Port of Subic.

Ang mga kinasuhan ay ang Arma Consumer Goods Trading at Zhenpin Consumer Goods Trading.

Inakusahan ng BoC ang Arma Consumer Goods Trading ng “unlawful importation” ng mga steel coils at face shields.

Ang mga produkto ay nagkakahalaga ng P959,164.59  at dumating sa PoM.

Kaparehong kaso rin ang isinampa sa  Zhenpin Consumer Goods Trading, bukod pa sa ‘misdecdlaration.’

Nagparating daw sa Port of Subic ang kumpanya ng iba’t ibang produktong agrikultura na nagkakahalaga ng mahigit P8 milyon.

Mahaharap din sa kasong administratibo ang mga broker na sangkot sa ismagling.

Siguradong marami pang ismagler ang kakasuhan sa DoJ habang papalapit ang pagtatapos ng  administrasyong Duterte.

Alam naman natin na galit si Pangulong Rody Duterte sa mga magnanakaw sa gobyerno.

***

Todo suporta ang Bureau of Customs (BoC) sa Covid-19 vaccination program.

Mabilis na nailalabas sa mga paliparan ang mga kargamentong naglalaman ng mga bakuna.

Alam nina BoC Chief Rey Guerrero ang kahalagahan ng mga bakuna na dumarating sa bansa.

Hindi puwedeng maantala ang release ng mga ito.

Kailangang madala agad sa cold storage facility sa Marikina City kung hindi ay baka masira  ang mga sensitibong bakuna.

Sa totoo lang, matagal na pinaghandaan ng BoC-Port of NAIA ang pagdating ng mga bakuna.

Kasama sa preparasyon ang iba pang ahensya ng gobyerno, kagaya ng DoH, IATF, PNP at AFP.

Ayon kay Commissioner Jagger makakaasa ang taumbayan na laging handang tumulong  ang BoC sa mga pangangailangan ng sambayanan.

Lalo na sa panahon ng krisis na kagaya ng pandemya.

***

Bakit kung kailan nandiyan na ang mga bakuna, lalo namang dumarami ang nagkaka-Covid-19?

Kasi, marami tayong kababayan ang sadyang matitigas ang ulo.

Ayaw mag-suot ng mask at face shield at ayaw sumunod sa social distancing policy ng gobyerno.

Huwag na nating hintaying mapuno ang mga ospital ng mag maysakit na Covid.

Maawa kayo sa mga kapwa niyo na sumusunod sa safety protocols at nag-iingat.

Magkaroon naman tayo ng disiplina sa sarili at huwag maging perhuwisyo.

(Para sa inyong komento at suhestiyin, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Comments (0)
Add Comment