BoC, nakatutok sa Revenue Collection at Anti-Smuggling

WALANG kaduda-dudang magiging “banner year” ang 2022 para sa Bureau of Customs (BOC) kung ang pag-uusapan ay pangongolekta ng buwis, taripa at ibang charges.

Hindi lang kasi maaabot kundi malalampasan pa ng malaki ang 2022 revenue collection target nito na P740 bilyon kahit nandiyan pa rin ang coronavirus disease (COVID-19).

Sa buwan ng Agosto pa lang, umabot na ng P60.524 bilyon ang koleksyon ng ahensya. Ito ay 2.8 percent o P1.675 bilyon na mas mataas sa target nitong P58.849 bilyon sa buong Agosto.

Kaya umabot na ng P541.663 bilyon ang total na koleksyon ng BOC mula Enero hanggang Agosto 23, 2022.

At dahil dito, kailangan na lang makakolekta ang BOC ng monthly average na P49.5 bilyon sa nalalabing apat na buwan ng taon para maabot ang 2022 target na P740 bilyon.

Sa tingin natin, hindi na ito problema dahil inaasahang lalo pang tataas ang koleksyon ng ahensya sa apat na “BER” months (September, October, November at December).

Sa isang buwan ay magsisimula na ang pagdagsa ng mga “Christmas item” na ipinagbibili sa bansa sa panahon ng Kapaskuhan.

Sa totoo lang, ang Christmas Season sa Pilipinas ang siyang pinakamahaba sa buong mundo. Ito ay nagsisimula sa unang araw ng Setyembre.

Kaagad ngang pinuri ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz ang kanyang mga opisyal at kawani dahil sa maganda nilang “performance” sa kabila ng pandemya.

Congratulations to the men and women in BOC uniform for a job well done.

Mabuhay kayong lahat!

***

Habang abala ang Malakanyang sa pag-resolba sa mga problema ng bansa ay mukhang abala rin ang mga ismagler ng ibat-ibang produkto.

Ang maganda lang ay isa-isang nasasakote ng mga otoridad, sa pangunguna ng mga taga-Bureau of Customs (BOC), ang mga kontrabandong ipinapasok sa bansa.

Lalo pa ngang pinaigting nina Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz ang kampanya laban sa ismagling.

Sa Port of Zamboanga (POZ) sa Zamboanga Sibugay, mga puslit na sigarilyo ang natimbog ng mga taga-BOC.

Nagkakahalaga ng P3 milyon, ang mga sigarilyo ay lulan ng isang trak nang masabat ito ng mga otoridad sa Tungawan, Zamboanga Sibugay noong Agosto 23.

Sinabi ni POZ District Collector Segundo Sigmundfreud Barte Jr. na kasama nila sa anti-smuggling operations ang Regional Mobile Force Battalion at Tungawan Municipal Police Station.

Ayon kay Barte, nauna ng nakatanggap ang kanyang opisina ng isang tip na nagsasabing ang trak ay naglalaman ng illegal goods.

Kaya nga nagkasa sila ng operasyon na nagresulta sa pagkakasakote ng mga sigarilyo at tatlong taong sakay ng trak na nasa pagngangalaga na ngayon ng Port of Sibugay.

Ang matagumpay na anti-smuggling operation ay nagpapatunay lamang na laging alerto ang mga otoridad para masawata ang iligal na pagpasok ng mga produkto sa bansa.

Salamat sa inyo mga bosing diyan sa Port of Zamboanga.

***

Mabuti naman at hindi na masyadong nag-uulan ng malakas sa Metro Manila at mga karatig-pook.

Kung hindi ay baka lumobo pa ang nagkakasakit ng coronavirus disease (COVID-19), leptospirosis, trangkaso, ubo, sipon at pagtatae.

Maliban sa COVID-19, ang limang sakit na ito ang usong-uso tuwing panahon ng tag-ulan sa Pilipinas, na paboritong bisitahin ng malalakas na bagyo.

Umaasa ang mga taga-Metro Manila na sana ay nalinis nang mabuti ang mga daluyan ng tubig, kasama na ang mga ilog, sapa at drainage canal.

Madali kasing umapaw ang tubig-baha sa mga daanan ng tubig kapag barado ang mga ito.

Kahit paulit-ulit kasing nakikiusap ang mga otoridad, marami pa ring pasaway na naninirahan malapit sa mga daluyan ng tubig.

Ginagawa nilang malaking basurahan ang mga ilog, sapa, estero, drainage canal at iba pang pampublikong lugar na kagaya ng kalye, plaza at parke.

Sana mahigpit na bantayan ng mga opisyal at kawani ng mga barangay ang kani-kanilang nasasakupan upang kahit papaano ay mabawasan ang madalas na pagbabaha.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Comments (0)
Add Comment