BoC nalampasan ang 2020 collection target!

SA tingin ng marami ay isang “well-oiled machinery” ang Bureau of Customs.

Ito ay kung ang pag-uusapan ay tax-collection  na pangunahin namang trabaho ng ahensya.

Bakit natin nasabi ito sa panahon pa naman ng Covid-19 pandemic?

Sa 7 sunod-sunod na buwan kasi ay nalampasan ng BoC ang  assigned tax take noong Disyembre.

Ayon sa BoC Financial Management Service, ang koleksyon ay umabot ng P47.316 bilyon noong Disyembre.

Ito’y lampas ng 9.1 porsiyento kumpara sa target na P43.368 bilyon.

Kaya ang total na koleksyon ng BoC noong nakaraang taon ay pumalo ng tumataginting na P539.660 bilyon, sobra sa target nitong P506.150 bilyon sa 2020.

Sampu sa 17 collection districts ang  nagawang lampasan ang kani-kanilang target.

Ito ang mga distrito ng Cebu, Tacloban, Surigao, Cagayan de Oro, Zamboanga, Davao, Subic, Clark, Aparri at Limay.

Pero hindi ibig sabihin nito na nagpabaya sa trabaho ang mga distritong nabigong maabot ang kanilang target.

Kagaya nang lagi natin sinasabi, wala sa kamay ng mga taga-BoC ang laki o lìit ng makokolekta nilang buwis at taripa.

Nasa dami at klase ng mga dumarating na importasyon ‘yan.

Dahil sa magandang performance ni BoC chief Rey Leonardo Guerrero ay siguradong napapasuntok na lang sa hangin ang mga kritiko ng dating Army general.

Lalo na ang mga naglalaway sa puesto ni Sir Jagger.

Sa totoo lang, wala silang balang gagamitin para pabagsakin si Commissioner Guerrero.

Isa pa, mahirap na ang magpalit ng konduktor ng “BoC orchestra” dahil meron na lang kasing 18 buwan si Pang. Duterte sa Malakanyang.

Matagal bago matutunan ng isang bagong komisyuner ng BoC ang ‘ins and outs’ sa Aduana.

Si Sir Jagger, gamay na niya ang trabaho sa ahensya.

Alam na niya kung paano “gamutin” ang mga sakit sa pantalan.

Hindi ba, Senador Bong Go?

***

Kahit may pandemya, tuloy-tuloy pa rin ang pagtitinda ng mga ukay-ukay sa bansa.

Marami kasing “naloloko” sa mga segunda manong damit.

Mura kasi ang mga imported na ukay-ukay kumpara sa mga lokal na damit.

Kaya naman bago matapos ang 2020 ay nakakumpiska sa Port of Manila (POM) ng mga ukay-ukay na galing China.

Nagkakahalaga ng P7.8 milyon, ang kontrabando ay nakalagay sa dalawang container vans.

Ang shipment ay idineklarang naglalaman ng “tissue,” ayon kay District Collector Michael Angelo Vargas.

Ito’y naka-consigned sa MGGF International Trading Corporation.

Inalerto ni Vargas ang kargamento matapos “”timbrehan” ng BoC Intelligence Group sa ilalim ni DCI Rainier Ramiro.

Kinumpiska ang shipment dahil sa paglabag sa Republic Act 10863.

Kagaya ng ibang collection districts, laging alerto ang POM laban sa ismagling at iba pang pandaraya sa mga pantalan.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 09214765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Comments (0)
Add Comment