BAKIT nga kaya patuloy na ginagamit ng mga ismagler ang mga parcel para magpasok ng shabu, marijuana at ecstasy at iba pang ipinagbabawal na droga sa Pilipinas?
Ayon sa ilang eksperto, tanda ito na ang mga sindikato ng iligal na droga, lalo na ang mga dayuhan, ay takot nang magtayo ng kanilang mga clandestine laboratory sa bansa.
Hindi na makaporma ang mga sindikato dahil mismong taumbayan na, ang mga ordinaryong tao sa bansa, ay tumutulong na sa gobyerno para labanan ang iligal na droga.
Kaya nagtatiyaga na lang ang mga matitigas ang ulo na magparating ng iligal na droga sa pamamagitan ng parcel.
Pero lagi naman silang nabubuko ng mga “eagle-eyed” na opisyal at empleyado ng Bureau of Customs (BoC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kamakailan nga ay naka-intercept (na naman) ang mga tauhan ni Port of NAIA District Collector Mimel C. Manahan-Talusan ng isang paketeng naglalaman ng shabu.
Nakita ng mga taga-BOC, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) ang pakete sa DHL Warehouse.
Ang parcel, na galing South Africa, ay deklaradong naglalalaman ng Deep Tissue Massager at dumating sa NAIA noong Disyembre 28, 2022.
Nang dumaan ito sa physical examination ay nakitaan ito ng 200 gramong white crystalline substances.
Ang white crystalline substances ay napatunayang shabu na nagkakahalaga ng P1.36 milyon.
Dito na nagsagawa ang BoC-NAIA, PDEA at NAIA IADITG ng ‘controlled delivery operation’ sa Dasmarinas City, Cavite, na nagresulta sa pagkakaaresto ng claimant.
Ang Port of NAIA ay patuloy sa kanilang anti-smuggling campaign bilang pagsunod sa utos nina Pangulong Marcos at BoC chief Yogi Filemon Ruiz.
***
Nasa custody na ng Port of Davao, na pinamumunuan ni District Collector Erastus Sandino Austria, ang mga puslit na sigarilyo na nagkakahalaga ng mahigit P150,000.
Dahil sa “strengthened coordination” ng Port of Davao at Philippine National Police (PNP) ay nasakote ng Davao City Police Office ang mga puslit na sigarilyo.
Ang mga kontrabando at isang suspek ay nasakote sa Purok 14, Brangay Lubogan, Toril, Davao City noong Martes, Enero 3.
Ang suspek ay nasa kamay na ng PNP-Region Office 11 para sa filing ng appropriate charges laban sa kanya. Siya ay nahaharap sa kasong ismagling ng sigarilyo.
Ang pagkakasakote ng mga puslit na sigarilyo at suspek ay bunga ng suporta ng Port of Davao sa kampanya nina Pangulong Marcos at BoC Chief Yogi Filemon Ruiz laban sa ismagling.
Ito rin ay naaayon sa economic agenda ni Pangulong Marcos na naglalayong mapangalagaan ang kalusugan ng publiko.
Sa isang pahayag, sinabi ng Port of Davao na gusto ng administrasyong Marcos na iligtas ang publiko “from the harmful consumption of smuggled goods.”
At suportado rin ng nasabing collection district ang priority programs nina Pangulong Marcos at Commissioner Ruiz na lalo pang pataasin ang collection ng BOC.
***
Nakalulungkot naman ang balitang may mga magsasaka daw na nagpatiwakal dahil sa pagkalugi.
Ayon sa mga ulat, ang mga nagpatiwakal umano ay mga magtatanim ng sibuyas sa Pangasinan na nagkautang-utang dahil sa taas ng production cost.
Ito ang inireport ng mga magsasaka sa isang pagdinig ng ginawa ng Senate committee on agriculture na pinamumunuan ni Senador Cynthia A.Villar.
Ayon kay Senador Imee Marcos may impormasyon din siyang natanggap na may nagpakamatay din umanong mga magsasaka sa Nueva Ecija at Pampanga.
Kung totoo ang mga balitang ito , talaga namang nakalulungkot dahil alam naman ng lahat na sobra ang taas ng presyo ng sibuyas ngayon sa bansa.
Ito ay sa kabila ng pagdating ng mga imported na sibuyas.
Dahil kulang daw ang naaning local onion ay napilitang bumili ng sibuyas sa labas ng bansa ang gobyerno para huwag masyadong tumaas ang presyo ng sibuyas sa merkado.
Pero ang nakapanlulumo, hindi rin naman bumaba ang presyo ng sibuyas, lalo na ang “red onions.”
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484, email: tingnannatin08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)