BoC, UNIFED, SASO nagkaisa sa paglaban sa sugar smuggling

ISANG panukalang batas ang inihain sa House of Representatives na naglalayong matigil na ang bentahan ng boto tuwing halalan.

Ang House Bill No. 1709, na inihain ni Malasakit at Bayanihan Partylist Rep. Anthony Golez Jr., ay naglalayong gawing isang “heinous crime” ang vote-buying.

Alam naman ng publiko na may mga elective government official ang nasa puwesto ngayon sa ibat-ibang parte ng bansa dahil sa pamimili ng boto.

Sa ilalim ng HB No. 1709 ni Congressman Golez, papatawan ng 20 hanggang 40 taong pagkakakulong ang mapapatunayang sangkot sa pamimili ng boto.

Ang vote-buyer ay papatawan din ng multang hindi bababa sa P5 milyon at “perpetual” na hindi na siya makahahawak ng ano mang posisyon sa gobyerno.

Ang problema lang, papasa naman kaya sa Mababang Kapulungan at Senado ang panukalang batas ni Congressman Golez?

Sigurado kasing “uulanin” ng maraming batikos ang mga opisina ng mga mambabatas natin mula sa mga lokal na politiko.

Ang mga lokal na  politiko, na kinabibilangan ng mga alkalde, bise alkalde  at mga konsehal kasi ang madalas na naaakusahang namimili ng boto para manalo sa eleksyon. At alam nating ang pamimili ng boto ay ginagawa rin ng mga kongresista.

Pati nga ang mga tumatakbong barangay chairman at barangay kagawad ay mahusay na rin daw sa pamimili ng boto. Only in the Philippines!

Abangan!

***

Handang-handa na ang pagbubukas ng schoolyear 2022-23 sa Agosto 22 (Lunes).

Marami ang umaasa na magkakaroon ng “drastic reforms and changes” sa sektor ng edukasyon dahil si Vice President Sara Z. Duterte ang kalihim sa Department of Education (DepEd).

Dahil isang abogada, si VP Duterte ay maraming “fresh ideas” na magagamit niya para ayusin ang maraming problema sa larangan ng edukasyon.

Nandiyan ang matagal ng problema ng pagbaba ng kalidad ng mga elementary, high school at college graduates sa bansa.

Lalo pang nagkawindang-windang ang sitwasyon dahil sa dalawang taong COVID-19 pandemic.

Hanggang ngayon nga ay hindi pa puwede ang full face-to-face (F2F) classes sa mga paaralan.

Para masiguro ang kaligtasan ng lahat – titser, estudyante, magulang at non-teaching personnel – ay sa Nobyembre pa ang “full implementation of in-person classes.”

Tama lang ‘yan Ma’am Sara!

***

Isa sa marching orders ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. kay Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz ay ang pagpapatigil (‘elimination’) sa tinatawag na agricultural smuggling.

Ang iligal na pagpasok sa bansa ng mga produktong agrikultura, na kagaya ng asukal, bigas at gulay, ay sabotahe sa gobyerno at nagpapahirap sa marami nating kababayan.

Ito ang mga magsasaka at mangingisda na napipilitan na ngang maghanap ng ibang trabaho sa Metro Manila dahil sa halos wala na silang kita sa pagtatrabaho sa bukid.

Ang gobyerno naman ay nawawalan ng kitang buwis, na sana’y nagagamit para sa mga programa at proyekto, sa pagdagsa ng mga kontrabandong agricultural products sa bansa.

Kaya naman maraming natuwa nang magsanib-puwersa ang Bureau of Customs (BOC), United Sugar Producers Federation (UNIFED) at Sugar Anti-Smuggling Organization (SASO).

Nagkasundo ang tatlo para labanan ang napaka-lucrative na ismagling ng asukal sa bansa.

Ang UNIFED, na pinamumunuan ni Manuel Lamata, ay siyang pinakamalaking sugar bloc sa Pilipinas.

Sa isang video call kay Commissioner Ruiz, sinabi ni Lamata na buo ang suporta ng UNIFED sa anti-sugar smuggling campaign ng gobyerno ni Pangulong Marcos.

Ayon naman kay SASO chief Edgardo Lomanog, makikipag-palitan ng reports ang kanyang grupo sa customs bureau on “alleged sugar smuggling activities.”

Nangako si Commissioner Ruiz na ang mga taga-BOC “would regularly consult stakeholders to resolve the current issues on smuggling of agricultural products.”

Mabuti naman at nagsanib-puwersa ang tatlong grupo – BOC, UNIFED at SASO – para tuldukan na o mabawasan man lang ang ismagling ng asukal sa ating bansa.

“Good news” ito sa gobyerno at mamamayang Pilipino, lalo na sa mga nagtatanim ng tubo.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmailcom. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Comments (0)
Add Comment