Bumaba man ang bilang, nandyan pa rin ang Covid-19

HABANG papalapit ang Hunyo 30, 2022, ay lalo namang kinakabahan ang mga casual, contractual at consultant sa gobyerno.

Apat na buwan na lang kasi ay uupo na ang bagong pangulo ng bansa.

Kasabay nito, sa tanghaling tapat ng Hunyo 30 ay uupo na rin sa puwesto ang mga mananalong local at national officials.

Una syempre sa kalendaryo ng bagong presidente ay pagtatalaga na ng mga bagong hepe ng ibat-ibang opisina.

Dito na mawawalan ng trabaho ang maraming empleyado dahil wawalisin ng mga bagong hepe ang mga kawaning walang security of tenure.

Wala namang magagawa ang mga masisipag na empleyado dahil wala nga silang civil service eligibility.

Iyan ang masakit sa gobyerno. Kung wala kang eligibility, hindi ka qualified maging permanent employee.

Puwede kang matanggal sa puwesto mo kahit mas magaling ka pa sa permanenteng kawani.

Kaya madalas ay mas productive pa ang mga hindi permanenteng empleyado.

Kasi nga naman, kung tatamad-tamad sila ay puwede silang sipain kahit anong oras.

Tsk tsk tsk…

***

Mabuti naman at nasa “new normal” na ang Metro Manila at marami pang lugar sa bansa.

Tama lang ito para makapaghanapbuhay na mga taong natengga dahil sa pandemya.

Kaya “new normal” ang tawag sa sitwasyon, ngayon kasi ay kailangan pa rin natin sumunod sa ilang protocols.

Dapat lagi tayong naka-maskara sa labas ng bahay. Sumunod sa social distancing policy ng gobyerno at laging maghugas ng kamay.

Ang mga simpleng protocol na ito ay naglalayong huwag tayong magkasakit ng Covid-l9.

Kahit bumaba na ang bilang ng mga nagkakasakit ng Covid-l9 ay nandiyan pa rin ang virus.

Kaunting tiis pa hanggang hindi pa available ang mga gamot laban sa nakamamatay na sakit.

Hindi naman puwedeng lagi na lang tayong naka-lockdown.

Kailangang buhayin na ang ating ekonomiya na inilugmok ng pandemya.

Inuulit natin, ugaliing sumunod sa mga health protocol na ipinapatupad ng mga otoridad.

Dahil kung hindi, baka hindi na makabangon ang ating ekonomiya.

***

Tatlong linggo na lang magsisimula na ang official campaign period ng mga lokal na kandidato.

Sa Marso 25 ay puwede ng mangampanya ang mga tatakbo sa pagka-district congressman, gobernador, bise gobernador, bokal, mayor. bise alkalde at konsehal.

Parang pista na naman sa mga barangay sa dami ng mga mangangampanyang local candidate.

At mas “madugo” ang lokal na eleksyon dahil magkakamag-anak, magkakapitbahay at magkakaibigan ang mga naglalaban.

Kaya mainit ang labanan, hindi kasi nawawala ang patutsadahan ng mga kandidato at taga-sunod.

Sa totoo lang, tuloy ang away kahit tapos na ang eleksyon.

Mabuti pa sa nasyonal na halalan.

Pagkatapos ng eleksyon ay magkakabati na muli ang mga kandidato.

Madalas pa nga, magkakasama na naman sila sa kampo ng nanalong presidente.

Mga balimbing!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Comments (0)
Add Comment