MAHALAGA ang papel na ginagampanan ng mga opisyal at kawani Bureau of Customs (BOC), hindi lang sa ating gobyerno kundi sa buong lipunang Pinoy.
Aminado tayo na hindi lang pangongolekta ng tamang buwis at taripa ang trabaho ng ahensyang ito na pinamumunuan ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz.
Pati pagsawata sa iligal na pagpasok ng baril, pampasabog, bala, paputok at “controlled chemicals” na ginagamit sa paggawa ng mga ito ay nakaatang din sa BOC.
Kaya nga kamakailan ay nagtayo si Commissioner Ruiz ng isang opisina na ang pangunahing trabaho ay i-monitor ang importasyon at exporstayon ng mga ito.
Alam naman natin na malaking problema ang dulot ng mga puslit na baril, bala at pampasabog dahil ginagamit ang mga ito sa mga iligal at kriminal na gawain.
Trabaho din ng Customs Firearms and Explosives Unit (CFEU) na i-monitor ang implementasyon ng “policies and procedures relative to Republic Act (RA) No. 10591.”
Ang malagang batas na ito ay mas kilala sa tawag na “Comprehensive Law on Firearms and Ammunition and Providing Penalties for Violation Thereof.”
Sa ilalim ng CMO No. 27-2022, ang mga piling tauhan ng Enforcement and Security Service (ESS) na nakatalaga sa 17 ports of entry sa bansa ang siyang contact persons ng CFEU.
“In addition, the unit will ensure an effective working relationship with other law enforcement agencies for efficient and effective firearms and explosives control,” sabi ng BOC.
Ayon pa sa CMO No. 27-2022, ang CFEU ay nasa “direct supervision” ng BoC ESS-Enforcement Group.
-o0o-
Ang pagbuo ng bagong unit ay kasama sa seven-point priority program ni Commissioner Ruiz bilang pagsunod sa utos ni Pangulong Marcos na patigilin na ang ismagling.
At determinado ang mga taga-BOC na ipatupad ang lahat ng customs laws, rules and regulations “without fear or favor.”
Nang nasa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si Commissioner Ruiz ay maraming drug personalities sa Visayas ang nasakote niya at marami pang iba ang tumigil sa iligal na negosyo.
Sa totoo lang, binansagang “Drug Buster” si Ruiz nang siya ang regional director ng PDEA sa Visayas.
Umalis lang siya sa Visayas nang dalhin siya sa BoC Manila ni dating Customs Commissioner Isidro Lapeña, na naging director-general din ng PDEA.
Si Lapeña, na miyembro ng Class 1973 ng Philippine Military Academy na taga-Urdaneta City, Pangasinan, ay retiradong three-star general ng Philippine National Police.
-o0o-
Hindi na biro ang hindi mapigilang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, lalo na ang mga produktong pagkain, kasama na ang gulay, isda at karne.
Mabuti na lang at ginagawa naman ng mga otoridad ang kanilang tungkulin para maibsan ang kahirapang nararanasan ngayon sa buong bansa.
Kaya nga lang ang dinaranas natin ngayon ay bunsod ng pagtaas ng presyo ng petroleum products sa pandaigdigang merkado dahil sa gulo sa Ukraine.
Nandiyan pa ang pagkasira ng mga pananim, kasama na ang gulay, palay at mais, dahil sa sunod-sunod na pagtama ng malalakas ng bagyo sa ating bansa.
Ang tanging magagawa ng gobyerno ay bantayang mabuti ang mga negosyanteng ang tanging pakay ay kumita ng sobra-sobra kahit na nahihirapan ang publiko.
Ito ang mga tinatawag na “profiteers at hoarders” na naglipana hindi lang sa mga siyudad kundi sa buong bansa.
Dapat hulihin ang mga ito at kung maari lang ay huwag ng payagang magnegosyo pa.
-o0o-
Ayos naman ang ginagawa ng ating gobyerno na dinadala na sa mga barangay at eskuwelahan sa buong bansa ang vaccination program laban sa COVID-19.
Ang balita natin ay mga magulang na ang nagpapabakuna sa kani-kanilang mga anak.
Tama naman dahil sa isang buwan ay “full implementation” na ng face-to-face classes sa bansa.
Kailangan talagang magpabakuna na ang lahat para may panlaban tayo sa nakakatakot na virus na ito.
Ayon sa mga otoridad at eksperto, nandito pa rin ang nakakahawang coronavirus disease (COVID-19) na naghihintay lang na malingat tayo at magpabaya.
Mas magastos ang magpagamot. Kaya, magpabakuna na tayo dahil libre naman ito.
-o0o-
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: philipreyes08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan)