Cheers, congrats, Customs Comm. Jagger!

NASA bansa na ang bagong variant, ang nag-mutate na virus ng COVID-19, na mas “mabagsik,” mas mabilis makahawa.

Dahil “pakuya-kuyakoy” lang si Department of Health (DoH) Secretary Francisco Duque III, wala, saklot tayo ng takot kasi wala pa tayong bakuna.

Teka, kung ‘nag-smuggle’ kaya ng sariling COVID-19 vaccine si dating Customs Deputy Commissioner for Intelligence at Metro Manila Development Authority (MMDA) Chair (ret) General Danny Lim, baka nakaligtas siya sa sakit na COVID-19?

Baka buhay pa siya?

Our deepest condolences po sa pamilya ng magaling na Heneral Lim.

At si Duque, kailan ka ba tatablan ng kahihiyan?

Sa dami ng kapalpakan mo, mahigit nang 15 libong Pinoy ang namamatay sa Covid-19.

Duque, resign, pronto, agad-agad!

***

Wow, huh, kongratz po sa Bureau of Customs (BoC) na na-surpaas ang 2020 revenue collection target: palakpakan natin si Customs Comm. Rey Leonardo “Jagger” Guerrero.

Hindi biro ang ginawang sigasig ng BoC sa pamumuno ni Comm. Jagger kaya lumabis ng P33.5billion (6.6 porsiyento) sa orihinal revenue target; para naman sa Disyembre 2020 na P43.368 bilyon, ang nakolekta ay P47.316 bilyon at ito ay kinumpirma ng BoC Financial Management Service.

Batay sa rekord, kumabig ang BoC ng P539.660 bilyon para sa taong 2020, mas malaki sa target collection na ibinigay ng Department of Finance (DoF) na P506.150 bilyon.

Sa report, ito ay mas mataas ng 106.6 porsiyento sa aktuwal na target, kaya ang balita natin, tuwang-tuwa si Presidente Presidente Rodrigo Roa Duterte sa magandang accomplishment ni Comm. Jagger.

Eto pa ang maganda, 10 sa 17 collection districts ay kumolekta rin ng mas mataas sa kanilang target nitong 2020, tulad ng Port of Cebu, Port of Tacloban, Port of Surigao; mga port sa Cagayan De Oro, Zamboanga, Davao, Subic, Clark, Aparri, at Limay.

Cheers at Happy New Year po, Comm. Jagger at sa makikisig at magagaling na district collectors sa mga nabanggit na pantalan ng BoC.

***

Ano ba talaga ang ikinatatakot ng mga kontra na ibalik ang death penalty?

Kung ikaw naman ay hindi plunderer, hindi ka drug lord, hindi ka naman drug pusher, o kidnapper o murderer o rapist, ano ang ikatatakot mo?

Sabi, kasi raw baka mahihirap lamang ang mabitay at makawala ang mga kriminal na masalapi at maimpluwensiya.

Naman, eh, bakit nabitay ang mga rapists noon ni Maggie dela Riva?

Nang patayin sa firing squad ang drug lord na si Lim Seng noong Pebrero 1973, natakot at nabawasan ang ‘drug problem’ sa bansa noong panahon ni dating Pang. Ferdinand Marcos.

Saka, ‘humane’ ang paraan ng bitay ngayon na tuturukan ng lason ang convicted criminal, na ang epekto ay matutulog nang sobrang himbing na hindi na gigising pa.

Painless, hindi tulad ng electric chair o gas chamber.

Sa marami nang survey, pabor ang maraming Filipino na ibalik ang parusang kamatayan at sana, kausapin ni Tatay Digong ang mga kaalyado na gawing ‘urgent legislation’ ang pagbabalik ng death penalty sa lahat ng heinous crimes.

***

Sabi ni retired Chief Justice Reynato Puno, dahil sa unitary presidential system of government kaya napakasama ng politika sa Filipinas.

Binanggit niya ito sa isang constitutional convention noong Sept. 2015 sa Legazpi City sa Albay.

‘Horrible,’ ‘disastrous’ daw ang presidential form of government natin na ang sentro ng kapangyarihan ay nakabukod at naiipon sa kamay ng isang pangulo.

Sabi ni CJ Puno, kaya raw tamang maging pambansang bayani si Dr. Jose Rizal kasi noon pa, nais nito na gawing gobyernong federal ang sistema sa ating bansa, at ito kahit paano, makapagbibigay ng mas matino, mas mahusay na serbisyong bayan sa mamamayang Filipino.

Ang totoo, wala namang perpektong sistema, kasi may katiwalian din sa mga bansang federal at parliamentary na porma ng gobyerno.

Pero mas malakas ang poder ng taumbayan sa sistemang pederal na isinusulong ni Pres. Duterte subalit “urong-sulong” ang mga lawmakers natin.

Kasi, mas pabor sa mga tiwaling politiko ang maruming sistema natin na katuwang ng Comelec na nabibili, nasusuhulan at nagagawang takutin ng mga mandarambong na politiko.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment