Comelec na ba ang “utak” ng dayaan ngayong halalan?

LUBHANG nakababahala ang nabisto ni Sen. Imee Marcos sa ginawang pagdinig ng Senado hinggil sa mga bagong kabulastugan ng Comelec.

At ito ay ang ginawa ng Comelec na pag-imprenta ng mga balota na hindi nalalaman ng mga partido na kalahok ngayong halalan. Ganito rin ang kanilang ginawa sa mga ‘SD cards’ (security digital cards) na naglalaman ng ‘software’ (computer program/instruction) na susundin ng mga PCOS machines sa araw ng eleksyon. Nagawa na pala ang mga SD cards, sila-sila lang sa Comelec ang nakakaalam, sanamagan!

Sa resulta pa rin ng pagdinig noong Miyerkules, halos patapos na ang ‘configuration’ ng mga SD cards dahil ang SD cards para sa 3 rehiyon sa bansa ang hindi pa natatapos habang higit 66 porsiyento na ng mga balota ang na imprenta na uulitin natin: SILA-SILA lang sa Comelec ang nakakaalam!

Kung sobra nang kinabahan ang mga Pinoy sa ginawang pagpayag ng Comelec na gawing ‘fact checker’ at media partner ang walang kredibilidad na Rappler ni Maria Ressa, eh, sa mga bagay na nabisto ni Sen. Imee, mas may dahilan na hindi lang mabahala bagkus, mag-alburuto ang bawat matitinong Pilipino!

Una nga kasi, sadyang mababa rin ang kredibilidad ng Comelec, kahit noon pa man, hindi ba mga kabayan? At ngayon, gumagawa sila ng mga aksyon nang “palihim” at hindi man lang marunong mahiya o mag-isip na lahat ng ito ay magreresulta sa kawalan ng kredibilidad ng ating darating na halalan!

Nalaman din natin na nakikipag-usap ang Comelec sa US Embassy para sa pagpunta dito ng mga election watchers ng mga Amerikano! Bakeet naman, Comelec spokesman James Jimenez?

Are we still a US colony? Are we a part of the US mainland?

“Napakagulo” na ba ng Pilipinas at hindi na puwedeng “pagtiwalaan” ang ating mga eleksyon kaya kailangan ng mga ‘foreign observers’ upang paniwalaan ang resulta nito?

Kung ganito na nga eh, “kasalanan” ito ng Comelec dahil responsibilidad nila na tiyakin ang ‘HOPE’—honest, orderly and peaceful elections.

Nalaman din natin na nasa ‘Tadong Unidos ang isang komisyuner ng Comelec.

Ano naman ang ginagawa niya doon, aber? Ano naman ang lakad niya doon? Kausap ng mga Kano? Bakeet?!

***

Sobra na ba talaga ang korapsyon at kawalanghiyaan dyan sa Comelec at lumalabas na Comelec na ang magiging “utak” ng dayaan ngayong halalan, mismo!

Napakagulo ng mundo ngayon, mga kabayan. May giyera sa Europa, may tension sa Taiwan Strait at lalong naghihirap tayong lahat dahil sa sobrang tapas ng presyo ng mga bilihin, partikular ang walang humpay na pagtaas ng presyo ng gasolina.

Sa madaling salita, mabilis uminit ang ulo ng mga tao ngayon.

At ang “nagpapakalma” lang sa kanila ay ang paniwala na mabibigyan sila ng pag-asa sa magiging resulta ng ating eleksyon ngayong Mayo.

Pero kung nakikita nila na mismong Comelec ang nagmamaniobra upang dayain o pagdudahan ang resulta, eh, hindi malayong magkagulo sa Pinas!

Kaya ba ito ng konsensiya ng mga andyan sa Comelec?

O Wala na kayong pakialam kung masadlak tayo sa giyera-sibil dahil para sa inyo, ang lahat ay “pera-pera” lang?

***

Nagbanta rin ang Commission on Elections (Comelec) na magkakaroon ng parusa ang mga hindi dadalo sa debate na kanilang inorganisa. Ang parusang ibibigay ay mawawalan ng slot sa e-rally platforms ng poll body hanggang sa matapos ang campaign period.

Ang tanong natin, bakit kailangang parusahan ang kandidato kung ayaw niyang makilahok sa ganitong klase ng debate? Hindi ba karapatan ng kandidato kung saan at kailan niya gustong mangampanya?

Oo, nais ng mga tao na mas makilala ang kanilang mga iboboto pero hindi ba kawalan na mismo ng kandidato kung hindi siya sisipot sa mga nasabing debate? Bakit kailangan pa itong parusahan?

Isa lamang ang debate para makita ang husay ng kandidato pero hindi sa debate lamang nasusukat kung ano ang galing ng isang lider.  Hindi lamang sa debate nakikilala ang isang politiko. Kailan pa naging requirements ang pagiging magaling sa debate para lamang makapangampanya online?

Ang hirap sa Comelec ngayon, kung anu-ano ang naiisip. Gaya ng pagpasok nito ng kasunduan sa Rappler para bantayan ang eleksyon.

Kung nais ng Comelec na makilala ng mga tao ang mga kandidato dapat mas magkaroon ito ng iba pang mga daluyan o pagluluwag para makapangampanyan hindi iyong lilimitahan pa.

Karapatan pa rin ng kandidato at kaniyang partido kung anong mas makakabuti para sa kanilang kandidatura.

Dahil sa huli, ang tao rin naman ang magpapasya kung sino ang iboboto nila.

Kung gusto ba nilang bomoto ng kandidatong hindi nila nakikita o naririnig, karapatan nila ‘yun. At hindi na ito dapat pakialaman ng Comelec, hane?

Comments (0)
Add Comment