KAMAKAILAN ay inilunsad ang isang landmark publication ng Bureau of Customs (BOC), ang pangalawang pinakamalaking revenue-generating agency ng gobyerno. Ang publication ay ang ‘Compendium of Disposal Processes’ na inakda ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio, katulong sina BOC lawyers Marlon Agaceta at Tristan Langcay.
Eksakto ang nabasa ninyo, mga suki, hindi lang beteranong intelligence agent si Comm. Rubio—‘book author’ na rin siya ngayon!
Samantala, si Agaceta ay chief of staff, Office of the Commissioner (OCOM), samantalang si Langcay ang hepe ng BOC Legal Service.
Sinabi ni Commissioner Rubio na ang publikasyon ay isang mahalagang “reference material” para sa mga beterano at baguhang opisyal. Dagdag pa niya:
“Whether you’re a veteran or new to the field, this is a tool you can use to navigate customs disposal processes.
“The book offers clear explanation and practical insights, making it easily understandable for policy makers, customs officials, stakeholders and scholars alike.”
Kasama rin sa compendium ang mga latest decisions ng Korte Suprema tungkol sa ibat-ibang customs processes at aktibidades.
Mababasa rin ang mga mahahalagang probisyon ng iba’t ibang batas na kagaya ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at Tariff and Customs Code of the Philippines.
Talagang kailangang basahin ang librong ito hindi lang ng mga opisyal at empleyado ng BOC,
Kundi, pati mga miyembro ng media, print at broadcast, na nakabase sa snake-infested waterfront.
***
Tuloy na tuloy na ang ginagawang pag-amyenda sa 1987 Constitution natin.
Ayon sa balita. tatlong economic provisions ng Saligang Batas ang a-amiyendahan ng Senado at House of Representatives.
Ang isinusulong na pagbabago sa Saligang Batas ay naglalayong mapabilis ang pag-unlad ng Pilipinas na napag-iiwanan na ng mga kalapit-bansa.
Pati Vietnam, na maraming taong pinahirapan ng kaguluhan at giyera, ay mukhang naungusan na tayo kung ang pag uusapan ay ekonomiya.
Maging mga dayuhang namumuhunan, marami na ngayon sa Vietnam.
Ang mga nagsusulong ng Cha-Cha ay naniniwala na gaganda ang kinabukasan ng bansa kung mababago ang ating Saligang Batas.
Sinabi naman ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na puwedeng pagsabayin ang plebisito at national/local elections sa 2025.
Mas magastos daw kapag hiwalay ang plebisito at eleksyon.
Makatitipid tayo ng malaki kung pagsasabayin ang dalawang political exercises na ito sa susunod na taon. Gaganapin ang halalan sa Mayo 12, 2025.
Okay ‘yan, Chairman Garcia.
***
Bumalik na ang sigla sa panahon ng summer sa maraming bayan, siyudad at barangay sa bansa.
Pista dito, pista doon ang nangyayari ngayon sa ibat-ibang parte ng Pilipinas pagkatapos ng dalawang taong “katahimikan.”
Napilitang “manahimik” ang tao dahil sa sobrang takot sa nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19) na nagpahirap sa Pilipinas at napakarami pang bansa.
Pero ngayon na bumalik na sa dati ang sitwasyon ay sumasakit naman ang ulo ng mga lokal na politiko dahil nga sa parating na eleksyon.
“Takot” pa nga sila. Kasi mapipilitan silang gumastos dahil ayaw nilang may masabi ang mga botanteng hihingi ng kung anu-anong tulong.
Sa dami ng mga okasyon, siguradong “mamumulubi” ang mga kakandidato sa 2025.
Alam ng mga kandidato, lalo na sa probinsiya, na ibang-iba na ang eleksyon ngayon sa bansa.
Kahit nga barangay polls ay napakagastos na.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #09178624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).