MUKHANG gusto pang makabawi at kumita ng paldo-paldong kwarta ang mga ganid na ismagler habang papalapit ang pagtatapos ng administrasyong Duterte.
Akala siguro ng mga ulupong na ito ay hindi sila mapapansin ng mga tauhan ni Customs Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero dahil abala sila sa paghahanda sa paglisan ni Pangulong Rody.
Diyan sila nagkakamali. Sa katunayan lalong pinagbubuti ng mga taga-Bureau of Customs (BOC) ang kampanya laban sa ismagling para maging ehemplo ito ng papalit na administrasyon.
Kita naman ito sa sunod-sunod na seizure ng mga kontrabando sa ibat-ibang parte ng bansa.
Kamakailan lang ay nakasakote na naman ang BOC, sa pamamagitan ng Intelligence Group (IG) na pinamumunuan ni Depcom Raniel Ramiro, ng mga ukay-ukay at ibat-ibang counterfeit personal apparel.
Ang mga pekeng produkto ay may tatak na Crocs, Adidas at Nike, ayon sa BOC team members na armado ng Letter of Authority (LOA) and Mission Order na pirmado ni Guerrero.
Ang LOA ay inisyu ni Guerrero laban sa mga may-ari, representante o kahit sino mang may hawak ng mga kontrabando na nakaimbak sa mga bodega.
Nagkakahalaga ng mahigit P45 milyon, ang mga kontrabando ay nakita sa ilang warehouses sa Baltao, Paranaque City.
Ang mga ukay-ukay at pekeng personal apparel ay tinatayang nagkakahalaga ng P25 milyon at P20 milyon, ayon sa pagkakasunod.
Congrats, Comm Guerrero, Depcom Ramiro at sa Intel buong Group.
***
Pagkatapos ng dalawang taong lockdown dahil sa Coronavirus disease (COVID-19) pandemic, para tayong mga nakawalang ibon sa hawla ngayon.
Punong-puno ang mga pasyalan ng taumbayan, kagaya ng shopping centers, beaches, resorts at parks.
Ang maganda ay suot-suot ng mga namamasyal ang kani-kanilang mga mask kahit na patuloy ang pagbaba ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas.
Hindi kagaya sa ibang bansa na marami na namang nagkakasakit ng COVID-19 dahil sa pagragasa ng Omicron variant.
Kaya tama ang ginagawa nating pagsunod sa minimum health protocols na kagaya ng pagsusuot ng maskara, paghuhugas ng kamay at social distancing.
Nandiyan din ang pagpupursige ng gobyerno na mabakunahan ang mga hindi pa nababakunahang kababayan natin sa ibat-ibang parte ng bansa, lalo na ang mga elderly.
Kagaya nang laging sinasabi ng mga otoridad, huwag tayong magpakakampante dahil nasa paligid pa rin ang nakakatakot na virus.
Dahil sa kakulangan ng pondo, baka mahirapan na ang gobyernong kontrolin ang sitwasyon kung magkakaroon muli ng panibagong surge ang COVID-19 sa bansa.
Huwag natin payagang i-lockdown muli ng gobyerno ang maraming parte ng Pilipinas.
Tulong-tulong tayong lahat para bumalik na ang normal na pamumuhay natin habang papalapit ang Mayo 9, kung kailan natin iboboto ang kapalit ni Pangulong Duterte.
Patuloy tayong magdasal upang tuluyan ng mawala ang salot na virus.
***
Sakaling bumalik na ang face-to-face (F2F) classes sa lahat ng pampubliko at pampribadong paaralan, baka manibago ang mga estudyante, magulang at titser.
Maaga na namang gigising ang mga magulang para ihanda ang pagpasaok ng mga bata sa paaralan.
Nandiyan pa ang problema ng mga magulang, lalo na ang mga mahihirap, kung saan kukuha ng pambili ng agahan, perang baon ng mga bata para sa pamasahe at meryenda.
Sa tingin natin ay may mga batang ayaw pumasok sa paaralan dahil nasanay na sila na walang ginagawa kundi maglaro maghapon dahil mga magulang naman ang sumasagot sa kanilang mga school module.
May mga balita ngang maraming bata ang hindi marunong bumasa kasi dalawang taon nga namang hindi sila naturuan ng mga titser.
Apat na taong nag-aral ang mga titser sa kolehiyo.
Ang iba ay kumuha pa ng masteral at doctoral para magpa-kadalubhasa.
Kaya naman bihasa sila kung paano turuan ang mga bata para matuto.
Sa isang banda, maraming mga magulang ang hindi man lamang yata nakatapos ng haiskul pero sila ang napipilitang sumagot sa mga module.
Wala talagang matututuhan ang mga bata.
Sana pagtiyagaan ng mga guro na turuan ang mga bata dahil siguradong maninibago ang mga ito sa tagal na wala silang pasok.
Kayang-kaya ng mga guro na i-motivate ang mga estudyante para pag-igihan ang pag-aaral pagkatapos ng mahabang panahong wala sila sa loob ng silid-aralan.
Tama ba kami, Education Secretary Leonor Briones?
(Para sa inyong komentonat suhestiyob, tumawag o mab-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).