‘Dangal at dating ganda ng Maynila, ibabalik natin’—Yorme Isko

WALANG sino mang lider ang nagtagumpay sa pamamahala kung sarili lamang ang iniintindi.

Walang lungsod o bayan na umunlad kung ligalig ito at talamak sa kriminalidad, nagkalat ang droga at, “bisyo” na ng mga nakaupong opisyal ang magnakaw sa kaban ng bayan.

Sabi nga sa banal na kasulatan, libo-libong anghel sa langit ang nagbubunyi sa magandang pag-awit kung matino ang pinuno at maayos ang pamamahala nito.

Pero kung suwail at taksil sa bayan ang isang lider, tumatangis ang bayan, at dito, ihahanda ng Diyos ang parusa sa kanilang masasamang pamamahala.

Alam na alam ito ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na nakaranas ng kalupitan sa hirap ng buhay noong ito ay bata pa.

Alam niya rin ang damdamin ng isang mahirap at inaapi sa buhay.

Batid din ni Yorme Isko, ang “kamay ng Diyos” ay magpaparusa sa mga masasama at ito marahil ang nais niya – siya ang maging kasangkapan ng Maykapal sa pagsasaayos ng buong Maynila.

Ang hiling niya: pakikipagtulungan at pakikiisa ng lahat ang kailangang-kailangan ngayon sa Maynila para maiayos, mapaganda, mapanumbalik ang katahimikan at masugpo ang lahat ng kailigalan at tunay na maibalik ang dangal ng lungsod.

Kay Yorme Isko: Manila, God First!

***

Malapit na ang 2022 election, at atin nang nakikita ang mga trapo, mga nagpapanggap na public servants na nais na sila sila ay ating iboto.

Kailan ba tayo matututo na iboto ang talagang karapatdapat na manungkulan sa ating mga bayan, lungsod, mga lalawigan, sa dalawang kapulungan ng Kongreso at pagkapangulo at bise presidente?

Kilala naman natin ang karakter ng mga politikong ito, pero sa kung anong dahilan kung sino pa ang tiwali, sila ang madalas na nailuluklok? Dahil lang ba sa pandaraya? O, sadyang sanay na ang mga Pinoy na tumanggap ng suhol kapalit ng kanilang boto?

Kailan tayo magbabago?

***

May nagmumungkahing gawing mano-mano ang ilang piling probinsya dahil sa takot na hindi maging reliable at credible ang gagawing pagbibilang ng mga boto ng ‘PCOS machine’ ng Smartmatic sa 2022 presidential and vice-presidential elections.

Hindi ba ito rin ang reklamo ng maraming “talunan” ng mga nakalipas na halalan na hindi binilang at hindi binasa ng PCOS ang kanilang mga boto, bukod sa hinalang ang boto sa computer ay kayang-kayang manipulahin nang magagaling na “hacker.”

Bilyones na pera natin ang ginastos noong mga nakalipas na halalan sa PCOS at kung totoo nga ang pangambang ito ay kayang “dayain” at maulit ito, ano ang magiging sukli kung sakali ng malaking pera ng taumbayan: ang pagluklok ng mga taong ang kapital ay pandaraya sa halalan?

Dapat marahil na apurahin na ngayon ng Comelec ang nakitang problema sa mga nakaraang halalan tulad ng hindi pagbasa ng PCOS sa balota, o ang makapal na papel na ginamit sa balota kaya hindi “makain” ng makina at computer para basahin ang boto ng isang botante.

Mabagal pati ang transmittal ng mga election returns at iba pang delay at kahinaan ng computerized elections.

Tandaang ang politikong inihalal sa iligal na paraan ay hindi gagawa nang matino at maayos sa bayan, at maging aral sa atin ang nakalipas na panguluhan  na nahuli sa “Hello, Garci” at iba pang paraan ng pandarayang nagluklok dati sa kanya sa basbas ng Senado noong 2004 sa mga oras ng madaling araw kung kailan ang taumbayan ay mahimbing na natutulog at walang nagbabantay.

Sabi nga sa Biblia: ang magnanakaw ay dumarating sa panahong hindi inaasahan.

Magnanakaw nga ang turing natin sa mga kandidatong nanalo sa daya at panlilinlang.

***

Dapat ang bawat bayan at siyudad ay maging masikap na ipatupad ang maayos na singil sa mga tricycle na madalas ireklamo na hindi nagbibigay ng 20 percent discount sa senior citizens at sa PWDs o taong may kapansanang pisikal.

Nagkalat din ang mga kolorum na tricycle na bukod sa panganib sa kalsada ay nagnanakaw pa ng dapat ay buwis sa pamahalaan.

Kailan kaya titino ang pamamahala ng mga traffic management officials sa mga bayan at siyudad natin?

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment