Dapat lang may makulong dahil sa ‘NCAP’

KUMBAGA sa bulkan, tuluyan na nga pong sumabog itong No Contact Apprehension Policy o NCAP, aka, ‘Nasa Camera Ang Pera,’ na ipinatutupad ng ilang lokal na gobyerno (LGUs) sa Metro Manila na talaga namang imbes na makagawa ng solusyon ay perwisyo ang inabot ng milyung-milyong motorista.

Paano naman hindi magbubunga ng problema ang kagaya ng NCAP kung sa una pa lamang ay magulo na at wala pa rin, hanggang ngayon, na maipakitang mga papel gaya ng Memorandum of Agreement ang LTO at ang mga LGUs?

Samantalang ilang taon na itong ipinatutupad na sinimulan ng Paranaque noong 2019 na sinundan naman ng Maynila, Quezon City, San Juan, Valenzuela at Muntinlupa kasama ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ito ang isa sa mga lumalabas na gusot nang ibinahagi sa atin ni Atty. Ariel Inton ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) at Mr. Ariel Lim, presidente ng Alliance of Transport Coalition/Stop NCAP nang sila ay maging panauhin natin sa Meet the Press on Air sa Radyo Pilipinas nitong Linggo, Setyembre 11, 2022.

At ito pa ang lumalabas ngayon, na ang nakukuhang pera mula sa NCAP na ibinayad ng mga nahuli dito ay napupunta sa isang NCAP trust fund at hindi sa general fund ng LGU o gobyerno.

Ang malaking tanong natin ngayon bakit kailangan pang gumawa ng isang trust fund at hindi na ilagay ito sa general fund gaya nang iba pang mga binabayaran ng publiko? Para ba mas mabilis ang ‘withdrawal’ ng pinaghahatian ng third party/joint venture at LGUs?

Ayon kay Atty. Inton, kapag gumagawa ng trust fund kailangang malinaw na nakalagay ang purpose o layunin nito.

Pero dahil wala pang malinaw sa ngayon na totoong MOA (memorandum of agreement) na nakikita ang publiko, aba’y “drowing” ang lahat ng ito kung para saan ang trust fund.

Ang malinaw lang sa mga dokumento na nakuha nila Atty. Inton, may komite na nangangasiwa dito na appointed ng mayor at subject (umano) sa COA (Commission on Audit) audit.

Kung napupunta sa trust fund ang nakukuhang pera mula sa NCAP, ang tanong, ngayong naglabas ng TRO (temporary restraining order) ang Korte Suprema ay intact pa ba o naririyan pa ba ang perang iyan?

Magkano pa ang nasa trust fund? Ilan na ang na-withdraw at sinu-sino ang puwedeng mag-withdraw? Kung hindi na intact ang pera, saan na ito napunta?

Lalo na ngayon na may panawagan na ma-refund ang mga ibinayad dahil sa kapalpakan ng NCAP na ito.

Kailangan natin itong malaman dahil pera na po ng taong bayan iyan. Pera na po iyan ng mga vehicle owners  na napilitang magbayad sa mga traffic violation na karamihan, hindi naman sila ang may gawa dahil nga ‘a traffic violation is personal to the driver and not to the vehicle owner.’

Isa pa, paanong ang data ng LTO o ng gobyerno ay napunta at ipinagamit sa isang pribadong entidad na katulad ng QPax Traffic Systems Inc. na siyang kasabawat ng mga LGUs para sa pagpapatupad ng NCAP?

Ano rin ang papel dito ng Dermalog na siyang may kontrata para sa ‘computerization’ ng sistema ng pagrerehistro sa LTO? Bakit sila pumayag ng LTO na “makisawsaw” dito sa NCAP na umano’y “wala” naman silang kinikita kahit singkong duling? Eh, sino naman ang gustong maniwala ‘dyan? Datos ng gobyerno ibinigay ang kontrol sa isang pribadong kumpanya nang “libre” lang? Eh, mga “ogags” kayo ‘dyan sa LTO, hehehe!

At hindi ba ito labag sa batas laban sa korapsyon o RA 3019 na ipinagbabawal ang pagbibigay ng ‘undue favor and ‘advantage’ sa sino man?

Ang dami na tanong at sabog-sabog na nga ang lumalabas na isyu at parang naghihintay na lang ng major eruption ang isyu ng NCAP.

Dahil lumalabas din sa pagtingin ng mga kritiko na ito pinagkakitaan iilan– LTO, LGUs at itong QPax– ang problema sa trapiko kaya mas lumalaki ngayon ang problema ng mga motorista.

Kaya ayon kay Atty. Inton na ating sinasang-ayunan, kailangang may managot dito.

Heads must roll wika nga dahil milyung-milyong Pilipino ang naapektuhan dito at posibleng umabot na sa bilyung-bilyong piso ang pinag-uusapan dito. Ang mga kawawang motorista ang nabiktima nitong NCAP.

Sasang-ayunan natin na maganda ang NCAP sa “ideya” pero sa implementasyon, napakasagwa!

Nakakasuka sa alingasaw ng anomalya at katiwalian kaya hinihintay natin ang mga nanguna at nagtatanggol sa implementasyon nito na magpaliwanag.

Hindi rin si Land Transportation Office (LTO) Asst. Sec. Teofilo Guadiz III ang dapat lamang nakaharap sa isyung ito. Dahil kung tutuusin ay “minana” lamang niya ang problemang ito.

Kaya nga ang hamon natin ay dapat lumabas sina dating Department of Transportation Sec. Art Tugade at dating LTO chief Assistant Secretary Edgar Galvante. Take note: Sinasabi sa atin ng ilang mga tauhan ng LTO na itong NCAP at itong QPax, ang mga nasa “likod” umano ay itong si Tugade at Galvante, kaya dapat talaga silang “lumutang” at magpaliwanag.

Bukod pa nga sa katotohanan na ang NCAP ay ipinatupad sa ilalim ng kanilang termino, period.

Kaya ang tanong din ni Atty. Inton bakit kaya nananahimik ang dalawang ito sa isyu ng NCAP? Hindi ba kung ito ay inyong ipinatupad dapat may alam kayo dito?

Harinawang matuloy na ang planong imbestigasyon sa NCAP ng Kamara at Senado.

Dahil talaga namang malinaw na napakagulo ng sistemang ito at parang nakadisenyo para mapagkakitaan ng husto ang mga motorista.

Nabawasan nga ang mga kotong sa kalsada pero napunta naman sa mas malala o mas matatakaw na buwaya na may kontrol dito sa NCAP.

Alam natin na malayo o malalim pa ang mahuhukay natin sa NCAP na ito at sana magkusa na ang mga LGUs na tuluyan nang ibasura kung ano mang MOA ang kanilang pinasok dito sa QPax.

Huwag na ninyong panghawakan ang isang maruming sistemang malinaw na nagiging balon ng korapsyon– maliban na lang kung kayo ay kasangkot diyan!

Aber, sakaling lumabas sa pagbusisi na talagang ginawang ‘gatasang baka’ ng iilan itong NCAP, eh, “swak” kayong lahat sa Ombudsman, sigurado tayo dyan!

Abangan na lang natin kung sino o sinu-sino ang talagang masasabugan ng isyung ito at sino ang mga dapat makasuhan, masuspinde sa puwesto at maghimas ng rehas na bakal kaya…

Abangan ulit!

Comments (0)
Add Comment