MAY kasabihan: Sa kaharian ng mga bulag, ‘yung pisak ang mga mata, siya ang hari.
Ganyan maitutulad ang Pilipinas, sa maraming larangan.
Sa Asya, tayo ang unang bansa na lumaya sa matagumpay na himagsikan sa kolonyal na paghahari ng dayuhan.
Dekada 60 hanggang 70, nangingibabaw ang Pilipinas sa mga bansang Vietnam, South Korea, Malaysia, Thailand, Indonesia at iba pang maliliit na bansa.
Malakas ang puwersang militar at nabal natin noong panahong iyon, pero makaraan ang ipinagmamalaking People’s Revolution noong 1986, ano na ang kalagayan ng mamamayang Pilipino?
Ang “tinulungan” natin ng sibilyang Philippine Civic Action Group (PHILCAG) sa giyera ng South Korea laban sa kalahing komunistang North Korea ay mas maunlad sa atin.
Ang Vietnam na dinurog ng may 30 taon giyera sibil, katulong ang US sa pagsakop dito, ay mabilis na nakahabol at kung magpapakaang-kaang tayo, malungkot na katotohanang iiwanan na rin tayo ng bansang ito.
***
Hinahangaan natin ngayon ang Japan na noong World War II ay ating labis na kinamumuhian; ngayon, ito ang unang superpower sa Asia, at ngayon, ang dating komunistang Sleeping Dragon na China ay katapat na ng US bilang pinakamalakas na ekonomiya sa mundo.
‘Wag na nating usisain ang mga dahilang politikal at ekonomya at suriin natin ang kalagayan natin sa larangan ng telecommunication, halimbawa.
Nakaiiyak, kundi nakagagalit, ulilang cowboy tayo sa rodeo ng mabilis na takbo ng telecommunication at modernong teknolohiya at siyensya, wala pa rito ang larangan ng industriya at agrikultura.
Kulelat tayo sa Asia sa dating karera na noon tayo ang kampeon.
‘Benchwarmer’ na lang tayo, gayong noong una sa basketball, tayo ang superstar.
Kayliit na ng mundo ngayon gawa ng humahagibis na tulin ng teknolohiya, ng pumapaibabaw na signal ng cellphone, ng malakidlat na kindat sa tulin ng internet connectivity.
Dapat ay kasali tayo sa karerang ito, pero ano tayo?
Sa karera ng 139 bansa sa bilis ng ugnayan at paghahatid ng ulat at transaksiyong gamit ang computer, tablet, cellphone, email at iba pa, tayo ay nasa hulihang ika-119th.
Ang “bilis” natin ay 16.44 megabyte per seconds/mbps.
Paano tayo mananalo sa 218.97 mbps ng Singapore at 113.01 ng South Korea?
Tayo ay nasa 106th spot sa “bagal” ng internet speed sa 174 bansa sa larangan ng national broadband network (NBN).
***
Sa nakaiiyak na kalagayang ito, tanging ang dalawang higanteng telecomunications company ang “naluluha” sa malaking tuwa.
Humahamig ang PLDT-Smart at ang Globe ng bilyon-bilyong pisong tubo kada taon sa kabila ng makupad, pawala-walang serbisyo na kailangang-kailangan ngayon sa new normal condition.
Tama ang desisyon ni Pressidente Rodrigo Roa Duterte na bigyan ng ultimatim ang dalawang telcos: pahusayin, patinuin at gawing accessible sa taumbayan ang serbisyo ng internet connectivity.
Matagal na silang nagpasasa sa dugo at pawis ng mamamayang nagtitiis sa makupad sa pagong na serbisyo nila.
Pinagtatawanan na tayo ng mundo.
***
Kulang sa tapang at angas ang nakaraang administrasyon na usigin at panagutin ang PLDT-Smart at Globe, dalawang hari ng bilis sa pagsingil, pero kaytamad magbigay ng mahusay na serbisyo.
Tama ang banta ni Pang. Duterte: kunin ng gobyerno ang operasyon ng telco at bawiin ang prangkisa ng mga ito.
Taumbayan ang may-ari ng serbisyong ito.
Dapat isakamay ng estado ang telecommunication.
Kung hahayaan na manatili ito sa kamay ng dalawang angkan ng oligarko, sa kangkungan at pusalian pupulutin ang talinong Pilipino.
***
Sa Bureau of Customs (BoC), inirereklamo ng legit importer/brokers ang No Contact Policy na ipinatutupad ngayon ng Asian Terminals Inc. (ATI) dahil wala naman umano itong backup plan para resolbahin yung di agad paglabas ng mga cargo shipment.
Imbes na bumilis ang proseso ay lalong bumagal dahil sa ipinaiiral na procedure rito ng ATI. Resulta, nagbabayad ng mga karagdagang storage at demurrage ang mga hirap at kawawang legit importer at broker.
Dahil dito, asahan na sa mga sunod na Linggo pag hindi agad nasolusyonan ito, tiyak na magkaroon na naman ng port congestion, at ang siguradong apektado rito ay ang Port of Manila at Manila International Container Port, tiyak yun!
Eto pa, sa kabila ng pandemyang nararanasan ngayon at dahil marami ang nawalan ng hanapbuhay at mga nagsaradong negosyo ay tila walang pakialam ang Customs Account Management Office (AMO) sa kaliwa’t kanang pagkansela at pagrevoke ng akreditasyon ng mga broker at importer.
Ayon sa samahan ng customs brokerage, wala man lang due process at kahit ang kanilang broker’s Professional Regulation Commission license ay kinansela ng walang show cause order.
Pakibusisi nga po, Comm. Rey Leonardo Guerrero.
(Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com)/