EDCA “panangga” sa pambabraso ng China

NOONG wala pa ang additional Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites, sabi ni dating Foreign Affairs Sec. Teddy ‘Boy’ Locsin, di pinansin ng China ang mahigit sa 400 diplomatic protest sa harassments, pagtataboy sa ating Navy at Coast Guard patrol sa West Philippines Sea (WPS).

Kanila raw ang teritoryo sa dagat na tinatawag naman nila na South China Sea (SCS) at nangyari pa, sa isang ‘engkuwentro’ pinasinagan ng nakabubulag na military grade laser ang ating mga barko, at pambobomba ng tubig sa ating Pinoy fishermen.

Eh, ngayon, parang batang umiiyak na nagprotesta ang Beijing na ginagatungan ng US ang galit ng Pinoy sa China sa ginaganap na Balikatan exercises sa karagatang katapat ng Taiwan.

Reklamo ni Chinese Ambassador Huang Xilian, gagamitin ng US sa anti-China agenda nito ang dagdag na EDCA sites malapit sa Taiwan – na pinaghahandaan na ng Beijing na bawiin, kung kailangang giyerahin, gagawin nito.

May pahiwatig ang China, posible, madamay ang Pilipinas kung mangyari, na wag sana, sumiklab sa giyera ang Tawian conflict na suportado ng US at kaalyadong bansa sa North Atlantic Treaty Organization (NATO).

Sabi naman ni US Embassy spokesperson Kanishka Gangopadhyay, ang EDCA ay paghahanda ng US at Pilipinas kung may mangyari krisis.

Krisis ba ng pagsiklab ng digmaan ang tinutukoy na “krisis” ni Gangkopadhyay? Hindi niya ipinaliwanag.

Basta, sabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP), layunin ng EDCA ay palakasin ang ating depensa militar at para maprotektahan ang soberanya ng Pilipinas.

Iba ang pananaw rito ni dating Presidente Rodrigo ‘Digong’ Duterte ang dagdag na EDCA sites na nakaharap sa pinag-aagawang Spratlys na nakatapat sa Taiwan ay gagamitin ng US para sa kilos militar nito.

Na maganda sa pagtingin ng maraming Pinoy, pansamantala, natigil ang pambu-bully ng China sa atin.

Bentahe sa ating depensa ang Benito Ebuen Air Base sa Mactan, ang Antonio Bautista Air Base sa Puerto Princesa – na pwedeng awtomatikong magamit na depensa ng Pilipinas, kasama ang US forces, kung sakali, mangyari ang “krisis.”

Sa totoo lang, kung wala ang EDCA na ‘yan, anytime na gustuhin ng China – na may mga base at naval bases sa ilang bahura sa Spratly, na dito, mayroon ding puwersa militar ang Vietnam.

Tayo lang ang wala nito, pero ngayon ay nasusuportahan tayo ng US EDCA sites – kaya umaangal si Chinese Ambassador Xilian.

Mas “bully” yata ang US kaysa inyo, kaya hayan, kayo ngayon ang inuurungan ng yagbols, ‘buti nga sa inyo.

Sabi ni Tatay Digong, yun daw EDCA sites e “platforms for war” laban sa China, pero sabi naman ni President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, temporary lang ‘yon at gagamitin kung sakali sa emergency situation tulad ng nangyaring oil leaks sa lumubog na oil tanker MT Princess Empress.

Mahalagang paghanda sa “krisis” ang Benito Ebuen Air Base na tulad ng Antonio Bautista Air Base ay magagamit na paliparan at lapagan ng mga eroplano.

Madaling makapaghahanda ng depensa sa dalawang EDCA sites na ito, pati ang Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro na magagamit, kung sakali na mangyari ang krisis – na ayaw nating mangyari, siyempre.

Pero sa patuloy na pagpapalakas ng China, hindi naman pwedeng nakanganga na lang ang Pilipinas sa patuloy na pambu-bully nito sa atin teritoryo at sa nasasakop nating exclusive economic zone.

Ayaw natin ng giyera, at ang hangad natin ay katahimikan upang makabangon tayo sa perwisyong dala ng pandemyang COVID-19 sa ating ekonomya.

Kinikilala rin ng bansa ang pakikipagkaibigan sa China kaya nga, nang magtungo si PBBM ay nakuha niya ang pangako ni Chinese President Xi Jinping na hindi “magagalaw, magugulo, at magagambala” ang mangingisdang Pinoy, pero hindi naman natutupad.

Natigil lang bahagya nang magkaroon nga ng dagdag na apat na EDCA sites at sa ipinakitang lakas ng military exercises ng magkasamang sundalong US at Pilipinas sa ating karagatan.

At bakit hindi matataranta ang Beijing, kasi sa Ebuen, Bautista air bases, pwedeng magpalipad dito ng mabilis na kisap-matang paglipad ng US jet fighters, stealth bombers,at malalaking transport plane.

Sa mga kumokontra sa EDCA, tandaan po, ito ay kasama sa pinirmahan nating Mutual Defense Treaty (MDT) sa US noong Agosto 1951 na kailangan nating sundin.

Sa kasunduang ito, kung atakihin tayo ng ibang bansa, tungkulin ng US na idepensa tayo, at kung atakihin ang US, gayundin ang dapat nating gawin – ang tumulong sa pagdepensa sa kanila.

Kaya nga mutual, ibig sabihin, magdadamayan sa panahon ng kaguluhan ang Pilipinas at US.

Eh ano kung gamiting lunsaran ng giyera ng US ang mga EDCA sites? Kng wala ang mga ito, paano natin kokontrahin ang paglusob ng China na may military at naval bases sa Spratly na ilang kilometro lang ang layo sa Palawan (nasa 729 kilometro).

Dikit na dikit sa atin ang puwersa militar ng China at kung wala ang EDCA sites, ano ang ating magiging depensa kung bigla, maisip na sakupin tayo, tulad ng nais ng China na kuhanin ang Taiwan sa tahimik o magulong usapan.

Opo, seryoso ang usapin ng EDCA, at tiyak ito ay pinag-aralang mabuti ng ating AFP, mga experto sa military defense ng ating bansa, at binigyan nila ng maayos na payo si PBBM.

May nagpapayo kay PBBM na wag nang palawigin ang usapan sa EDCA sites na mag-e-expire ngayong Abril 2023.

Puwedeng konsultahin niya ang Senado tungkol dito, at kung kailangan, magkaroon ng reperendum sa pagpapatuloy ng MDT at ng Visiting Forces Agreement (VFA) at ito ngang EDCA.

Pambansang seguridad na nakataya ang buhay ng mahigit na 110 milyong Pilipino.

Timbangin din na kung walang alalay sa US, di aabot ng dalawang araw, durog tayo kung naisin ng China na sakupin tayo.

***

Pero may isang kaibigan ako na masyadong weird mag-isip.

Sabi niya kasi, sinabi ni PBBM na ang foreign policy niya ay “friends to all.”

Kaibigan natin ang China sa maraming economic trades, mga infrastructure projects at may kasunduan pa nga noon na magkaroon ng joint venture sa paghahanap ng langis sa ating karagatan.

May naantalang oil exploration and drilling projects sa WPS o SCS.

Sabi ng weird kong kaibigan, “Ano kaya, magkaroon din ng Mutual Defense Treaty tayo sa China?”

Kasi raw, sabi ni PBBM ayaw niya ng kaaway, nais niya ay kaibigan ang mga bansa – tulad ng nais noon ni Duterte.

Eh paano kung pumalag ang US, ito ay kung maisipan ngang magkaroon tayo ng MDT rin sa China?

Hanggang ngayon, sumasakit ang ulo ko sa kaiisip sa sinabi ng lokong kaibigan ko.

Parang galing sa mental hospital, o ako kaya ang dapat magpakunsulta na sa psychiatrist?

Sumakit ang ulo ko sa lintek na kaibigan ko na yun, sanabagan!

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment