ISA tayo sa milyong Pilipino na nalungkot sa pagpanaw kahapon ng madaling araw ni Edward Solon Hagedorn sa kanyang minamahal na lungsod ng Puerto Princesa. Pumanaw ang ating “bosing” ilang araw bago ang kanyang ika-77 kaarawan ngayong Oktubre 12, 2023.
Napansin natin na pumanaw si Hagedorn eksaktong 11-taon, Oktubre 3, 2012, nang mag-file siya ng kanyang certificate of candidacy (COC) bilang senador para sa 2013 midterm election.
At siyempre, bilang kaibigan, tumulong tayo sa kanyang kandidatura—at sa lahat ng kanyang mga laban sa pulitika, panalo man siya o talo, bagaman nga bihira kaming magkita.
Ito rin naman ang bagay na gusto ko sa kanya, mga kabayan. Hindi kailangan na magkita kayo palagi para lang maramdaman mo na kaibigan mo siya o “kaibigan” ka niya.
Gaano man kalayo ang inyong distansiya at tagal na hindi kayo nagkikita, “alam” ninyo sa bawat isa na magkaibigan kayo.
Bagaman tubong Parañaque ang kanyang pamilya at “lumipat” lang ng tirahan sa Puerto Princesa, Palawan, sadyang hindi matatawaran ang kanyang ambag sa pag-asenso ng Puerto Princesa City at sa pagpapahalaga sa kalikasan.
Hagedorn was already an ardent environmentalist when fighting for the environment is not yet the favorite “buzzword” of modern-day environment advocates.
At sapul nang maging mayor siya ng Puerto Princesa City noong 1992, masasabing ito ang naging simula ng ‘transformation’ ng Puerto Princesa bilang pangunahing ‘tourist destination’ ng bansa na tanyag sa buong mundo.
At sa “kainitan” ng isyu ng jueteng noong termino ni Cory Aquino at PGMA, alam ba ninyong ang konsepto ng ‘STL’ (small town lottery) ay ideya ni Hagedorn?
Sa ating obserbasyon pa, sadyang “maganda” at makulay ang naging buhay ni Hagedorn, na mula sa pagiging “sanggano” noong kanyang kabataan ay naging modelong lingkod-bayan. Hindi tuloy nakapagtataka na nung ginawang pelikula ni ‘Da King’ (FPJ) ang kanyang buhay noong 1996 (‘Hagedorn’), “tumabo” ito ng husto sa takilya!
Sa kasagsagan ng kanyang katanyagan may isa pang bagay tayong nagustuhan sa kanya: ‘Very humble and approachable’ pa rin ang mamang ito! Bakit ko nasabi ito?
Aber, isa lang tayong “hamak” na ‘correspondent’ dito sa ating pahayagan nang mga panahong una kaming nagkikita at nagkakausap ni “mayor” pero ramdam mo na binibigyan ka niya ng pagpapahalaga.
At sadyang ‘loyal friend’ si Hagedorn, patunay ang kanyang ipinakita kay Pang. Erap na siya ang kasama nang umalis si Pang. Erap sa Malakanyang noong Enero 2001 matapos ang matagumpay na kudeta sa kanya ng mga elitista.
At si Hagedorn din ang kasama ni Erap nang lumabas siya sa kanyang ‘house arrest’ sa Tanay, Rizal, nang bigyan siya ng ‘full and unconditional pardon’ ni PGMA noong 2007.
Alam nating milyon sa ating mga kababayan ang kasama nating nalungkot sa balitang pumanaw na nga si Hagedorn.
At ang pitak na ito ay alay natin sa masaya, makulay at mahalaga na mga oras na nakasama natin si Hagedorn. You will always be fondly remembered, my friend.
Mabuhay ka!