BAKIT mas maunlad ang ibang kapwa Asianong bansa kaysa Pilipinas, at ano ang masakit na sagot?
Mas tinatangkilik natin ang gawang ‘stateside’ at aminin natin o hindi, hanggang ngayon ay kolonyal pa rin ang isip natin.
Mas prefer o mas gusto natin ang gawa sa ibang bansa pero ang gawang sariling atin, saka na kung wala nang mabibiling iba pa.
Noong matapos ang World War II, isinulong ni Presidente Carlos P. Garcia ang Filipino First Policy — na binigyang prioridad ang negosyong Pinoy kaysa dayuhan, lalo na ang mga produktong gawa natin.
Sa bisa ng Resolution No. 202 ng National Economic Council noong Agosto 28, 1958, lumikha ng mga batas at nagbuhos ng tulong na salapi ang administrasyon ni Garcia para sa lokal na kapitalistang Pinoy.
Kinontra ng mga dayuhang investor at ng mga Chinese-Filipino ang polisiyang ito na sinuportahan ng oposisyon kaya sa eleksiyon ng 1961, tinalo siya at nahalal na pangulo si Diosdado Macapagal.
Sa panahon ni Presidente Ferdinand Marcos, pinatindi niya ang prioridad ng negosyo at pagtangkilik sa gawa, negosyo at produktong Filipino at sinimulan niya ang pagtatayo ng impraestruktura na magpapabilis sa pag-unlad ng negosyong Filipino.
Inadhika rin ang polisiyang Filipino Muna sa Konstitusyon ng 1987 na nagbibigay ng mas tatangkilik sa produkto at negosyong Filipino, bago ang dayuhan.
Kaya itinadhana ang probisyon na limitado lamang sa 100% Filipino ang pagmamay-ari at pamamahala sa negosyong may kinalaman sa media.
Nakalulungkot na ang mga korporasyong Filipino tulad ng Steel Mill, Fil-Oil Corporation, NLEX, SLEX ay ibinenta ng mga nagdaang Pangulo matapos na mapatalsik si Marcos — na inisip na una muna ang Filipino, bago ang dayuhan.
Sa kasalukuyan, itinataguyod ito ng administrasyon ni Presidente Rodrigo Roa Duterte pero ang malungkot, kahit na nais na itaguyod ang Filipino Muna, wala tayong sariling kompanyang Pilipino na masasabi.
Wala tayong sariling produktong masasabi kaya napag-iwanan na tayo ng mga katabing bansa: halos lahat ng ating tinatangkilik ay gawang dayuhan.
Kung mayroon man, ito ay ang lokal na industriya ng Turismo na mabuting lubos nating tangkilikin at unahing puntahan, bago ang ibang bansa.
Nitong 2018, gumastos ng P3.2 trilyon ang mahigit 5 milyong dayuhang dumating sa bansa at kumita ang gobyerno ng P2.2 trilyon sa mga buwis at iba pang bayarin.
Napigil ang malakas na ambag sa ekonomiya ng lokal na turismo dahil sa krisis ng COVID-19 pandemic at sana nga, sa pagtutulungan ng lahat ng taong gobyerno at ng mamamayang Filipino, makatulong nang malaki ang industriyang ito sa pagbangon ng ating lugmok na kabuhayan.
***
PANG-ILAN na bang commissioner ng Bureau of Customs (BoC) si Rey Leonardo Borja Guerrero?
Hindi na natin mabibilang ang makikisig na ginoong naupo sa BoC at lahat ay nangako na babaguhin ang baluktot na gawain sa Aduana.
Lahat sila ay naglunsad ng maraming anti-smuggling campaign, nagpalabas ng sangkaterbang memorandum at naglagay at nagpalit ng mga tao at tauhang pinagkakatiwalaan para sugpuin ang talamak na ismagling , lagayan, tarahan at iba pang ilegal na koleksiyon na nagpabantog sa bulsa ng mga taong pinagkakatiwalaang gaganap ng tungkuling matapat sa bayan.
Marami sa kanila ay umalis sa Customs na nakangiti ang mga labi na nakatitiyak na sa kanilang nakamal na kayamanan.
Sa ligal o ilegal na paraan man, ang pamilya nila ay mabubuhay nang parang nasa paraiso at hindi makararamdam ng hirap o pasakit man lang pagkat sobra sa sapat ang nasa kanilang libreta de bangko at makapal ang bulsa.
Samantala, sa mga kampanya sa katiwalian, ang mga kasabwat sa pagnanakaw sa bayan, partikukar sa BoC ay nananatiling nariyan, maaaring naligalig sa mga reporma ng mga naipupuwestong bagong commissioner at mga katulong nito, pero sa katagalan, sa paggamit ng impluwensiya ng salapi, ng mga kuneksiyon sa Malakanyang, sa Senado at Kongreso, nakababalik sila na mas makamandag kaysa dati.
Ito ang sitwasyong kinaroroonan hanggang ngayon ni Comm. Guerrero na balitang pinapapalitan na anytime soon, abangan!
***
MARAMI nang nagtanong nito, kaya ba natin magkaroon ng malinis na pamamahala?
Maaari bang matuldukan ang kabulukan at katiwalian sa gobyerno at kahit sa mga trabaho at transaksiyon sa pribado?
Maraming kakampi ang kasamaan, at tanging ang matibay na paninindigan, matibay na pagtitiwala na ang baluktot na landas gaano pa kalalim ang pagkakatago nito, ito ay lulutang upang maituwid sa pagkakaliko.
Tayo ang makasasagot sa tanong na kaya ba nating matuldukan ang mga katiwalian.
Nasa taong bayan ang sagot nito.
***
Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.