ISANG malaking aral mula ‘Watergate Scandal’ na nagpabagsak kay Pres. Richard Nixon ay ang “doktrina” nang ‘follow the money,’ kung saan nasundan pabalik kay Nixon ang perang “pansuhol” sa kanyang mga ‘plumbers’ na nahuling nagtatanim ng mga ‘listening devices’ sa kampo ng mga ‘Democrats’ sa ‘Watergate Hotel’ noong 1972.
Simula 2022, sa ilallim ng ‘America Compete Act,’ naglalaan ng ‘$500-million’ ang US bilang “badyet” sa ‘Global Media,’ mga ‘NGOs’ (non-government organizations) at mga korap na opisyal sa iba’t-ibang bansa para lang gumawa ng mga istorya at mga isyu LABAN sa China.
“Walang bago” dito, mga kabayan. Noong panahon ng ‘Cold War,’ may bukod na pondo ang mga Kano para naman sa propaganda laban sa ‘Soviet Union.’
Kumbaga, isa itong ‘old template’ na ginagamit naman nila ngayon laban sa China.
Ang katotohanang ito ay nagpapasinungaling sa palaging ipinaghahambog ng ‘Tadong Unidos na para ito sa “malayang pamamahayag” (free press) kasama na ang mga alipores nito sa EU (European Union).
“Binabalikan” natin ito dahil napansin natin ang tuloy-tuloy, walang puknat, na mga hinahabing isyu ng ilang kapatid natin sa midya at mga mismong opisyal ng ating gobyerno laban sa China. Pinakahuli ay itong kalokohan ng ‘Chinese espionage.’
Masyado nang “halata” na sadyang “pinagsasabong” ang mga Tsino at mga Pinoy sa isang isyu (West Philippine Sea) na sa totoo lang ay puwede namang daanin sa pag-uusap at diplomasya. Sa magkano, ehek, sa anong dahilan nga ba?
Sabagay, mainam ding “panligaw” ang ‘Sinophobia’ sa mga Pinoy upang di mapansin ang problema natin sa kahirapan, krimen, iligal na droga at hindi maawat na katiwalian.
Kasama rin sa “kamada” ay pagbibintang na mga “taksil” sa bayan at “pro-China” ang sino mang naninindigan na wala tayong dapat panigan—hindi China o Amerika—kundi ang interes ng Pilipinas.
Hmm. Malayo kaya sa katotohanan na kaya “pursigido” ang ilan nating mga opisyal at kahit ang ‘mainstream media’ na “gibain” ang China ay dahil may “dumadaloy” sa kanila mula sa bilyones na “gripo” ng mga Kano laban sa China?
Ang “suwerte” naman ninyo mga bosing?!
Paano naman si ‘Eddie,’ hehehe!
Hindi rin “sikreto” na maraming NGOs na ginawa nang “negosyo” ang paghingi ng pera sa mga Kano (NED/CIA) at EU para sa kanilang mga “adbokasiya.”
Kasama kaya dito ang pagpayag na maging “tuta ng Kano” laban sa China?
‘Yun nga lang, may kahirapan nang matukoy ang kanilang mga alipores ngayon dahil taliwas sa sinasabing kahalagahan ng ‘transparency,’ alam ba ninyo, dear readers, na ngayong lang Enero, INALIS na ng US State Department at mga embahada ng Amerika ang “listahan” (database) ng mga NGOs na regular na tumatanggap sa kanila ng pera partikular mula sa ‘National Endowment for Democracy’ (NED)?
Ang NED ang ligal na prente ngayon ng CIA (‘Central Intelligence Agency’) para sa malawakan at sistematikong panunuhol sa mga NGOs at mga opisyal ng gobyerno para umano “itaguyod” nila ang “demokrasya” at ‘Western values’ sa kani-kanilang bansa.
Ang malawakang korapsyon mual sa mga ‘official grants and aid’ ng mga Kano at EU ang dahilan kung bakit pinalalayas na sila ngayon sa Africa.
Napansin kasi nilang sa halip umasenso, nagkahati-hati at nagkagulo lang sa maraming bansa sa Africa.
Tingnan din ang nangyari sa Ukraine. Nauwi sa giyera, hindi ba?
Paano natin matutukoy ang suspetsa nating may “nakikinabang” sa bilyones na pondo ng mga Kano laban sa China?
‘Let us follow the money and find out!’
Abangan!