MABISA talagang sandata ang “fuel marking program” (FMP) ng gobyerno para lumaki ang revenue collection ng Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR).
Sa ilalim ng programang ito ay madaling malaman kung bayad ng tamang buwis ang mga imported na gasolina, krudo at gas na ipinagbibili sa lokal na merkado.
Madali nang mabisto ang mga “nagpapalusot” na negosyante kapag walang marka ang mga ipinagbibiling produktong petrolyo sa lokal na merkado sa buong Pilipinas.
Hinahaluan ng BOC at BIR ng isang kemikal ang mga produktong petrolyo para masigurong bayad ito ng taxes at duties.
Lahat ng mga itinitindang gasolina, diesel at kerosene na walang marka ay kinukumpiska ng gobyerno at kinakasuhan ang mga may-ari nito ng smuggling at tax evasion.
Noon ngang unang anim na buwan ng taon ay higit siyam na bilyong litro ng produktong petrolyo ang namarkahan ng BOC at BIR, ang dalawang pinaka-malaking kolektor ng buwis sa bansa.
Kaugnay nito nakakolekta ang gobyerno ng tumataginting na P118 bilyong na ‘additional duties and taxes’ (ADTs).
Nakakumpiska rin sila ng mga produktong petrolyo na walang marka at dalawang gasoline trucks.
Ayon sa rekord, mula September 2019, nang simulant ang FMP, hanggang June 2022 ay nakamarka na ang gobyerno ng 43.65 bilyong litro ng produktong petrolyo na binayaran ng P432.3 bilyong duties and taxes.
Kahit sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic ay tuloy-tuloy ang “fuel marking program” ng gobyerno para masawata ang ismagling ng mga produktong petrolyo.
Malaki ang nawawala sa kaban ng bayan dahil sa fuel smuggling.
At mula noong 2019, nang masimulan ang programa, ay lumaki na nga ang duties at taxes na nakokolekta ng gobyerno.
Malamang sa hindi na natakot ang mga ismagler dahil madaling mabisto ang mga produktong petrolyo na itinitinda sa mga gasoline station na hindi binayaran ng buwis.
Kaya nga dapat regular na mag-conduct ng inspeksyon ang mga otoridad sa mga kinalalagyan ng mga gasolina, krudo at gas, tama ba, BOC Enforcement Group Deputy Commissioner Atty. Teddy Raval?
***
Tuloy na ang pag-arangkada ng sumadsad nating ekonomiya.
Mabuti naman dahil kailangan na nating mabigyan ng trabaho ang taumbayan, mapag-aral ang mga bata, mapagamot ang mga maysakit, at mapakain ang mga naguhutom.
Kung hindi lubusang mabubuksan ang ekonomiya ay mahihirapan ang gobyerno na paangatin ang kalidad ng pamumuhay ng mga mahihirap na bumubuo sa mayorya ng ating populasyon.
Kaya nga dapat lang natin siguruhin natin na hindi na muling tumaas ang kaso ng COVID 19 at kumalat pa sa buong bansa.
Kahit ayaw ng gobyerno na magpatupad muli ng lockdown ay baka mapilitan din itong gawin kung hindi natin mapipigilan ang muling paglubha ng ating ‘health crisis.’
Anong gagawin natin kung mapupuno na naman ng COVID-19 patients ang mga ospital?
Hindi naman puwedeng pabayaan na lang nating nasa labas ng ospital ang mga naghihingalong pasyente na hindi kayang tanggapin ng mga ‘overflowing hospitals.’
Buksan natin ang ekonomiya pero siguruhin naman natin na masusunod ang mga health at safety protocols na ipinapairal ng gobyernong nasyunal.
Tandaan natin, buhay at kabuhayan ang nakasalalay sa labang ito, tama ba, Pangulong Bongbong Marcos?
(Para sa inyong komento atbsuhestiyon, tumawag o mag-text sa #09178624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).