‘Galit’ na ang Pangulo

ANO kaya ang mensahe ng makikisig na heneral ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na nasa likod ni Presidente Rodrigo Roa Duterte sa kanyang public address noong Huwebes ng gabi sa Malakanyang patungkol sa bangayan sa Kongreso ni Speaker Alan Peter Cayetano and Marinduque Representative Lord Allan Velasco?

Kahit ang pagtitimpi ng Pangulo sa kanyang boses ay hindi maikakaila ang galit sa away at batikusan sa publiko ng dalawang ginoo sa agawan sa liderato ng Kamara – at ang masamang resulta, nalalagay sa alanganin ang pagpapatibay ng Php4.5-trillion national budget na kailangan upang matugunan ang maraming problema ng bansa, at ang masamang epekto ng pandemyang COVID-19.

Ayusin na agad ang awayan, sabi ng Pangulong Duterte at ipasa ang badyet sa maayos at legal na paraan at wag isakripisyo ang kapakanan ng mamamayang Filipino sa kanilang awayan sa politika.

Matindi ang babala: ‘Pag hindi ninyo ginawa, ako ang gagawa para sa inyo.”

***

Kaugnay nito, nagpatawag na ng isang special session si Presidente Duterte na ang layunin ay matalakay ng Kongreso ang 2021 national budget na sinertipikahang ‘urgent’ ng Pangulo.

 

Base sa inilabas ng Proclamation No. 1027, ang special session ay gagawin sa Oktubre 13 hanggang Oktubre 16.

Ang agarang aksiyon na ito ng Pangulo ay para siguraduhing maipapasa ang panukalang national budget sa takdang oras dahil nakapaloob dito ang pondo para sa pagtugon ng gobyerno sa COVID-19.

Sa tindi ng galit ng Pangulo, umaksyon agad ito dahil ayaw niyang madamay sa away ng dalawang mambabatas ang pagpapatupad ng mga programa para sa mamamayang Pilipino.

Matatandaang nagbakasyon ang Kamara dahil sa girian nina Cayetano at Velasco.

Mabuti na lang din at agad namang tumugon ang Senado at Kamara sa ipinatawag na special session ni Pangulong Duterte.

***

Umani ng maraming reaksiyon sa publiko, lalo na sa social media, ang babala ni Duterte kina Velasco at Cayetano.

Kapit-tuko raw sa puwesto si Cayetano.

Bintang ng tropa ni Cayetano, walang kakayahan si Velasco na mamuno sa Kamara, lalo na at duwag ito na dumalo sa sesyon at sa Facebook at social media naghahayag ng saloobin.

Kantiyaw nga ng marami, lalo na ang mga blogger at karaniwang mamamayan, walang umaagaw kay Velasco sa pagiging “Speaker of the House of Facebook.”

Malinaw naman ang kahulugan ng babala ng Pangulo at ang pangungutya ng mamamayang Pilipino.

Sawa na sila sa drama, sa personal na pamomolitika ng dalawang lalaki na nagbubunyi na sila kapwa ay “Honorable”, pero ano ang sabi ng taumbayan?

Kapwa sila, “Horrorible” at sinasang-ayunan ng taumbayan ang pagkadismaya ng Pangulo.

***

Mahalaga ang badyet ng gobyerno na naiipit sa awayan ng dalawa – na sinusuportahan ng kani-kanilang kaalyado at nagagatungan pa ng nag-aaway ring opinyon at sagutan ng publiko.

Kitang-kita ang malasakit ng Pangulo nang sabihin na kaawa-awa ang mga Pilipino na maaaring namatay at mamamatay dahil sa kawalan ng badyet para sa kanilang gamot.

May mas mahalagang dapat na ikilos ang dalawang maginoo, at ito ay ‘wag idamay ang kapakanan ng taumbayan sa kanilang pamomolitika.

“Wag nyo akong idamay!” mariing sabi pa ni Pang. Duterte.

Dahil sa away ng dalawa, nabibigyan ng dahilan ang mga kritiko na upakan siya at tawaging “inutil” na Pangulo dahil hindi magawang rendahan ang kanyang mga kaalyado – ito nga ay “kung” kaalyado sila at kasama ni Duterte sa kagustuhan makapaglingkod nang matapat sa bayan.

“Huwag ninyo ako idamay sa away ninyo. Tapos in the future, people will be asking what happened to the administration of Duterte,” sabi ng Pangulo.

Kung hindi maaayos ang away at hindi maaprubahan ang 2021 budget, maangas at matigas ang sabi ni Duterte – “Ako ang gagawa para sa inyo!”

Ang larawan ng mga heneral ng PNP at AFP sa likod ng Pangulo ay malinaw na babala.

Kamay na bakal na ang susunod na gagalaw upang matapos ang problema ng bansa.

Galit ang Pangulo at ‘yon ang mas nakatatakot na babala.

(Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.)

Comments (0)
Add Comment