Gawin nating Presidente si Yorme Isko!

BAKIT ba nitong nakaraang mga araw, halos sunod-sunod ang bira, paninira at pagbibintang ng kung ano-ano – na wala namang basehan – laban kay Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso? Eh, wala pa naman siya deretsang sinabi na tatakbo siya sa pagka-Pangulo sa 2022 elections?

Ang sinabi ni Yorme Isko, marami sa politiko ay nangangarap na mahalal na Presidente – at hindi naman ito masama, lalo kung ang hangad nga ay totoong makapaglingkod nang maayos at matapat sa bayan.

Kasi, isinali si Mayor Kois sa mga survey ng mga posibleng kandidato sa 2022, at kasalanan ba niya kung laging nasa ikalawa, ikatlo at lumalabas na No. 1 siya sa puso ng mga botante, kung totohanin nga ng mahusay na alkalde ng Maynila ang mga panghihikayat ng maraming supporter at umiidolo sa kanya na kumandidatong Pangulo sa darating na eleksiyon.

Ang daming kabado, nai-insecure nga at natatakot sa malaking tsansa na manalo si Yorme Isko.

Eh, bakit nga ba iboboto at ipapanalong Pangulo ang batang basurero ng Maynila – kung tumakbo nga siya na Presidente?

Kasi maganda ang track record ni Isko, sabi nga ng marami, “He (Yorme) is one of the great young leaders of our country.”

***

Sa mahigit na dalawang taon lang – sa maikling panahon lamang , – ano-ano ba ang naisilbi at naipaglingkod ni Yorme ng Maynila?

Ngayong pandemya, proteksiyon at panatag na kalooban ng daan-daan libong nabakunahan at tiyak na pagkain sa mesa ng Manilenyo.

Trabaho para sa mga nais magtrabaho, tuition-free hanggang kolehiyo at kalinga sa seniors, at mga kapos-palad; maayos na pamamahala at pagtataas ng kalidad sa serbisyong bayan.

Agad-agad na serbisyong medikal; aksyong mabilis na ayuda sa mga nangangailangan, at mabilis na kamay laban sa kasamaan.

May Tondominium, Binondominium at iba pang pabahay project sa mga iskwater; mabilis na disaster response team; may kamay-na-bakal sa mga tiwali si Yorme Isko at may mapagkalingang kamay ng Ama sa maaayos at masunuring lingkod-bayan at mamamayan.

Bilang alkalde ay napagkaisa niya ang Manila Council na magpatibay ng mga ordinansa para sa mabilis na paglikha at pagpondo sa maraming proyekto upang muling itindig ang dangal at ningning ng Maynila – na ang bawat Manilenyo ay mabigyan ng pagkakataon na makapamuhay nang maayos, at tumulong para mapaunlad ang pangunahing siyudad ng bansa.

***

Si Yorme Isko raw ay maka-komunista, paninira kay Kois, kasi nakita na kasama sa litrato si Joma Sison, kaya ang panlalait sa kanya, siya raw ay si “Jomagoso” na karikatura sa apelyido niyang Domagoso.

Callboy raw si Isko; mayabang, at pasikat.

Foul na ito, kumbaga, suntok sa bayag na bawal sa maginoong labanan, at ito ang ginagawa ng kanyang mga kalaban, at inaasahan, titindi pa ang paninira at pag-iimbento ng maraming pambabalahura laban kay Yorme.

At ano ang iginaganti ni Isko laban sa mapanira at mapangwasak na propaganda laban sa pagkatao niya?

Paminsan-minsan, nagpapatutsada siya; nagpaparinig at tama lang ito, lalo na kung sobrang personal at pagmamaliit ang birada sa kanyang karakter at pagkatao.

Hindi gumagawa ng personal na atake si Yorme Isko sa kanino man: isyu at prinsipyo ang labanan at ang pagsasabi ng kung ano na ang mga nagawa niya at kaya niya pang gawin – kung sakali man na tumakbo nga siya sa Panguluhan.

Sa Oktubre pa ang paghaharap ng certificate of candidacy sa nasyonal at lokal na posisyon, at kung maisipan ni Yorme Isko na kumandidatong Presidente, iisa ang tiyak na mangyayari:

Isisigaw ng marami, gawin nating Presidente si Yorme Isko!

***

Isang hamon ito sa lahat ng kakandidatong pangulo:

Ipangako ninyo sa mga botante na inyo nang ganap, totoong lilipulin ang ismagling sa Bureau of Customs (BoC).

Kung tutuusin naman, political will lang ang kailangan at kayang-kayang tapusin ang ismagling at korapsyon sa Customs.

Kaso nga, “milking cow” ang BoC… kasi nga, ang tingin ng Malakanyang sa BoC at sa Bureau of Internal Revenue, ay mga bukal ng pera na hindi kayang maubos kahit pa balde-balde at dram-dram pa ang isasalok.

Challenge ito ngayon sa lahat ng tatakbong pagka-Pangulo sa 2022 elections: Kaya ba ninyong mawala o tuldukan ang smuggling at ipakukulong ang mga ismagler at mga kasabwat ng mga ito?

Nagtatanong lang naman.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang po sa bampurisima@yahoo.com).    

Comments (0)
Add Comment