Good Luck, General Eleazar!

KAMAKAILAN ay iniutos ni PNP Chief Gen. Guillermo “Guilor” Eleazar ang pag-repaso sa mga illegal drug case na ibinasura ng mga korte.

Sakop ng order ni Eleazar ang lahat ng mga kasong na-dismissed mula nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016.

Nais  malaman ni Eleazar ang dahilan ng pagkabasura ng mga kaso.

Hindi lingid sa kaalaman ng publiko na may mga testigong pulis na hindi sumisipot sa mga court hearing.

May mga pagkakataon ding magkakasalungat ang mga testimonya ng mga testigo.

Hangad ni PNP Chief na huwag ng maulit ang mga pagkakamali na naging dahilan ng pagkabasura ng mga kaso.

Gustong malaman ni Sir Guilor kung may mga pulis na nakipagsabwatan sa mga suspek para matalo ang mga kaso.

Meron na lang mahigit na apat na buwan si Eleazar para itama ang mga pagkakamali na humantong sa pagkatalo ng mga kaso sa korte.

Nakatakdang magretiro sa serbisyo ang pinuno ng PNP sa darating na Nobyembre.

Sana nga matukoy lahat ng mga pulis na sangkot bago magretiro si PNP Chief.

Good luck, General Eleazar!

***

Marami ang nananalangin na sana balik na tayo sa normal na pamumuhay bago mag-Pasko.

Kailangang sumigla muli ang ating ekonomiya.

Maraming negosyo ang nagsara dahil sa dami ng restriksiyon na kailangan namang ipatupad para makontrol ang pagkalat ng virus.

Ang mga naiwan namang negosyo ay nahihirapang umarangkada.

Ipanalangin natin na tuloy-tuloy na sana ang pagdating ng mga bakuna, lalo pa at dumarami na ang gustong magpabakuna.

Isa pa, bantayang mabuti ang mga ismagler na magpaparating ng bakuna.

Mahirap na, baka mga pekeng bakuna ang ipuslit ng mga ungas na ito.

Sakaling may mahuling magpupuslit ng mga pekeng bakuna, ipakulong agad at huwag na hayaang makalaya.

Buhay ng mga Filipino ang nakataya sa kagagawan ng ilang naghahangad kumita ng malaki.

***

Talaga namang  marami pa ring ismagler  ang nagtatangkang magpuslit ng kontrabando sa bansa.

Ayon sa ulat, sa unang limang buwan ng 2021 ay nakakumpiska ang BoC ng mga puslit na produkto na nagkakahalaga ng P4.43 bilyon.

Ito ang inireport ni BoC Chief Rey Guerrero kay Finance Secretary Sonny Dominguez.

Ang mga nakumpiskang produkto ay kinabibilangan ng mga counterfeit products.

Umabot ng mahigit P1.98 bilyon ang halaga ng mga pekeng produkto.

Ang mga general merchandise naman ay nagkakahalaga ng P864.44 milyon.

Mula Enero hanggang Mayo, nagsampa rin  ang BoC ng 38 criminal cases laban sa 144 na pinaghihinalaang sangkot sa ismagling. Ang mga kaso ay isinampa sa Department of Justice.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email: tingnannatin@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan)

Comments (0)
Add Comment