Handa ba tayong ipagtanggol sa giyera ang mga islang “atin?”

KAMAKAILAN ay kahanga-hanga ang ipinakitang katapangan ng ating mga sundalo sa Pag-asa Island na sakop ng West Philippine Sea (bahagi ng South China Sea).

Kahit na anong pagtitimpi ang mga opisyal ng AFP-Western Command kasama ang tropa ng gobyerno kapag talagang sobra na ang pambabraso at pandadarag, paano pa nga tayo magpapapigil isambulat ang ating pagkainis at pagkagalit?

Akalain mo, ginawa pa tayong sinungaling ng mga opisyal ng Chinese Coast Guard na wala raw insidente nang pang-aagaw sa sinasabing unidentified floating object (UFO) na natagpuan ng tropa ng ating gobyerno sa nasabing isla.

Eh, maliwanag ang sinabi ng AFP-Western Command, nang makita ng mga sundalo natin na nakatalaga sa Naval Station Emilio Liwanag (NSEL) ang sinasabing naaanod na UFO nitong November 20 ay agad nila itong hinila patungong NSEL, pero habang naglalayag na ang tropang gobyerno pabalik ng isla ay bigla silang hinarang ng barko ng Chinese Coast Guard at sapilitang inagaw sa kanila ang nasabing bagay.

‘Yan ang barumbadong asta ng China na umano ay kaibigan ang turing sa Pilipinas.

Doble-kara ang China na sa harapan ay magiliw ang pakitungo sa atin, pero binabastos at tinatadyakan tayo sa talikuran.

Yan ba ang kaibigan?

***

May estilo pa minsan ang Chinese Foreign Ministry, aba’y kadalasan ay inuutusan tayo na itigil ang pagpapatrolya at maritime drill natin sa West Philippine Sea (WPS) na nasasakop ng ating exclusive economic zone (EEZ)?

Ano ba ang pakialam ng China na sabihin kung ano ang dapat at hindi dapat na gawin natin sa ating sariling karagatan, di po ba dear readers?

Sa totoo lang tayo; walang naman talagang katotohanan ang paggiit ng China na may ‘historical right’ ito sa pag-aangkin na sa kanila ang WPS, at ito mismo ang sinabi sa 2016 arbitral ruling sa The Hague.

Bukod sa pagsasariling-angkin sa WPS, gayong ito ay ipinipilit din na sa kanila ng Vietnam, Brunei, Taiwan, at Indonesia, buong yabang na iginiit ng China na kanila rin ang Nansha (Spratlys o Kalayaan Group) at Zhongye Island at Huangyan (mga isla ng Pag-asa at Panatag).

Ang nakapagtatagis ng mga ngipin ay ang buong kayabangang palaging sinabi ng China na dapat nang itigil ang ating pagpapatrolya sa WPS at igalang daw natin ang soberenya ng China sa naturang mga karagatan at mga isla.

Ang nagpapainit ng ulo ay ang buong yabang na sinasabi ng China na itigil na raw natin ang pagpapainit ng tensiyon na nakaaapekto ng pagkakaibigan ng China at Pilipinas.

Kung makapagsalita ang China, ipinamumukha sa atin na lehitimo at talagang sila nga ang tunay na may-ari sa WPS.

Sa inaastang ito ng China, maliwanag na hindi kaibigan ang trato nito sa atin: tayo sa kanila ay puwedeng sipain, anomang oras na naisin nila.

***

Suportado natin ng 100 porsiyento ang katapangan na ipinapakita ng tropa ng gobyerno at ang ating matinding paggiit sa karapatan sa mga isla ng Spratlys, Panatag at Pag-asa na ang katotohanan ay noon pa nasasakop ng ating EEZ.

Para sa atin, hindi lang ang palagiang pagpapatrolya ng BRP Gabriela Silang (OPV-8301) at BRP Sindangan (MRRV-4407) sa Panatag Shoal, at BRP Cabra (MRRV-4409), BRP Malapascua (MRRV-4403) at barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa Pag-asa Island ang noon ay dapat nating ginagawa.

Panahon na marahil sa panahon ngayon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na magtayo na rin tayo ng sarili nating istrakturang militar sa mga islang ito.

Ngayon na ang panahon nang gawin ito kahit pa ito ay tutulan ng China: atin ang mga islang ito, at tayo lamang, wala nang iba pa ang may karapatang angkinin ito.

Dapat maging consistent tayo sa pagbabandila sa mundo, lalo na sa China na atin ang mga isla: hindi ito sa kanila at basura ang pag-aangkin nila sa mga isla sa WPS.

Dapat na itigil na ng China ang pakikialam sa atin: umalis na kayo, lumayas na kayo sa aming karagatan.

Hindi tayo dapat tumigil na igiit ang karapatan natin sa mga isla batay sa international law na ating pinagwagian sa The Hague.

Tandaan natin: Atin ang WPS!

***

Sa totoo lang mga masugid kong tagasubaybay, noon pa man ang maraming isla at bahura sa katubigan ng West Philippine Sea (South China Sea) ay okupado na ng China, Vietnam at Taiwan noon pang 1978.

May mga nakatayo na ring military at naval facilities sa mga katubigang iyon ang tatlong bansa, e tayo wala kahit kapirasong “bato” sa inaangkin nating atin, ayon sa desisyon ng The Hague, Netherlands.

Dahil okupado na nila ang mga isla roon, hindi sila papayag na makuha natin iyon, at kung ipipilit natin na kuhanin at okupahin, ang resulta ay giyera.

Eh, ang tanong, kaya ba nating giyerahin ang China, Taiwan at Vietnam?

Ang alam ko ay ito: We can only own, what we can defend.

Kaya ba nating i-defend sa giyera ang mga islang atin?

Kakampi ng US ang Taiwan at malakas ang puwersa ng Vietnam na kakampi ang Russia.

Superpower ang China na hindi basta isusubo ng US ang militar nila para lamang ipagtanggol tayo, ayon sa Mutual Defense Treaty natin sa America.

Sa maraming pagkakataon sa kanyang mga talumpati na may kinalaman sa WPS ay mismo sa bibig ni US President Joe Biden, mananatili siya sa pagpapatrolya sa pinag-aagawang teritoryo para maiwasan ang giyera.

At giyera lamang ang paraan para pisikal na mabawi natin ang mga isla sa WPS – na armado na ng warship, fighter jets, nuclear submarine ng China at ng Taiwan at ng Vietnam.

Uulitin ko dear readers, kung sakali nga na giyera nga lang ang tanging paraan: Handa na ba tayo sa giyera?

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment