DALAWANG magkasunod na batas ang inaprubahan upang palakasin pa ang kampanya laban sa ‘smuggling,’ partikular ng mga ‘agricultural products.’
Batay sa Administrativer Order 23, na inaprubahan nitong Mayo 23 ni PBBM, muling ibabalik ang ‘pre-shipment inspection’ (PSI) gamit ang serbisyo ng mga ‘accredited’ “Testing and Inspection Companies” (TICs) para sa epektibong implementasyon ng ‘digital pre-border technical verification/cross border electronic invoicing’ sa lahat na produkto na pumapasok sa bansa. Ang mga TICs, sabihin pa, ay mga pribadong kumpanya.
Bantayan natin itong mabuti mga kabayan dahil itong “eksperimento” sa PSI kontra smuggling ang isa sa pinakamalaking raket sa BOC noong Ramos administration gamit ang kumpanyang ‘SGS.’
Natigil/nakontrol ba ang smuggling at tumaas ang buwis ng BOC sa buong panahon na meron tayong PSI? Hindi. Paano ba tataas ang buwis samantalang kahit ‘tax-free importations’ nagbabayad ng serbisyo sa SGS, hehehe.
Pero maraming kumita dito—hindi lang ang tanggapan ni FVR bagkus, kasama na ang mga congressman at senador noon. Tayo ang “nagtimon” sa “krusada” noon ng BOCEA upang ibisto ang kalokohan nitong PSI kaya alam natin ang sinasabi natin dito.
Hmm. Bakit kaya gusto itong ibalik ngayon? May mga tao ba talagang… walang kabusugan?
Nitong Setyembre 26, “pinalakas” naman (daw) ng RA 12022 (Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, AGES), kaya pinalitan nito, ang RA 10845 (An Act Declaring Large-scale Agricultural Smuggling As Economic Sabotage), batas na “pinaghirapan” ni Sen. Cynthia Villar na maipasa noong 2016. Kumbaga, ang RA 10845 ang “kakambal” na batas ng RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) na naisabatas din noong 2016 upang matiyak na maging epektibo ang paglaban ng gobyerno sa ismagling, partikular sa smuggling ng mga ‘agri products.’
Pansinin na kasabay sa pagiging pangulo, pinamunuan din ni PBBM ang DA at masasabing ang mga hakbang na ito ay bunga ng kanyang pasisikap na maprotektahan ang ating mga magsasaka at sektor ng agrikultura.
Sa ilalim ng AGES, bukod sa “hebigat” na parusa, magkakaroon din ng ‘daily price index’ upang alam ng publiko ang presyo ng pagkain at mga ‘agri products.’ Kung wala kayong nakikita ngayong DPI, mga mahal na konsumers, eh, di… wow, hehehe!
May bago ring ‘enforcement group’ sa ilalim ng batas, na hindi na bago sa atin. Dangan kasi, bawat administrasyon may sariling ‘anti-smuggling group’ maliban sa termino ni PDU30 dahil tiwala naman siya sa kakayahan ng BOC sa ilalim ng kanyang termino.
Kung totoong ‘Task Force’ at hindi ‘Ask Force’ naman itong bagong grupo na inaasahang nasa poder ng DA, malalaman natin.
At kung hindi nga totoong task force, dear readers? Eh, di… wow ulit, hahaha!
Abangan!