‘Hugas-kamay’ na ang Bangko Sentral

NAUWI sa sampahan ng kaso ang ating ‘National ID Project,’ mga kabayan. Dangan nga kasi, sa hindi malinaw na dahilan, “ipinasa” ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang trabaho ng pag-imprenta nito sa ‘AllCard Inc.’ (ACI), isang pribadong kumpanya.

Ayaw man umamin ng BSP, ‘subcontracting’ ang ginawa ni ex-BSP governor Benjamin Diokno sa proyekto pabor dito sa AllCard noong 2020– kahit malinaw sa MOA ng BSP at Phil. Statistics Authority (PSA) na hindi ito puwede. Ayon pa nga sa PSA, “nasorpresa” sila sa naging diskarte nitong si Diokno.

Pagpipilit pa ng BSP sa pahayag nitong Setyembre 12, ‘lease and supply contract’ ang kasunduan sa AllCards at hindi ‘actual production’ ng mga ID. Eh ‘di…wow, hehehe!

Ginastusan natin ng higit P3 bilyon ang nasabing proyekto para sa suplay ng 116 milyon National ID cards para sa lahat ng Pilipino, kasama na ang mga ‘resident aliens.’

Dapat din na-deliver na ang kabuuang bilang noon pang 2023. Kayo ba, dear readers, may national ID na, hehehe.

Reklamo naman ng Crime and Corruption Watch (CCWI), wala pang 43 porsiyento (higit 50 milyon) pa lang ang natapos na IDs sa pagtatapos ng 2023. Anyare?

Nitong Enero, kinaladkad na ng CCWI ang BSP, si Diokno at AllCards sa Court of Appeals (CA) upang panagutin sa transaksyon na amoy ‘rigged/favored bidding,’ batay sa mga dokumentong nakita natin.

Aber, alam ba ninyo na higit P162 milyon na ‘penalty’ (liquidated damage) ng AllCard, “bantulot” pa ring singilin ng BSP– at “pumayag” pa nga sa ‘arbitration.’ Sa kuwenta rin ng CCWI, aabot na sa higit P1 bilyon ang dapat na penalty nitong AllCards!

 

Bakit arbitration? Para ayusin kung magkano ang dapat na areglo, err, danyos, nitong ACI at “sila-sila” na lang ang magkakausap dahil “etsa-puwera” na ang CCWI? Hmm.

Bilang “hugas-kamay” sa “lumansang transaksyon,” kinansela ng BSP ang kontrata noong Agosto 15. “Bumuwelta” ang AllCards at nitong Setyembre 9, nakakuha ng TRO sa QC RTC.

‘In the end,’ may maparusahan kaya? At paano na ang pera  at ID ni Juan dela Cruz?

‘Charge to experience,’ na lang ulit?

Abangan!