Huwag ka namang magmadali, Yorme

NATUTUWA naman tayo at tumugon ang ating mga kasamahang organisasyon sa midya na magpahayag din ng kanilang suporta kay NIA administrator, Benny Antiporda, na dalawang beses nahalal bilang pangulo ng National Press Club (NPC).

Kung hindi pa rin alam ng lahat, “nabiktima” si Benny ng ‘Ombudsman Express’ kung saan sa loob lang ng 12-araw, naisyuhan siya ng suspensyon na 6-buwan—batay pa sa isang ‘anonymous complaint’ na idinulong ng isang “concerned citizen” noong Nobyembre 3, 2022.

‘Saktong 12-araw pagkatapos, noong Nobyembre 15, personal pang pinirmahan ni OMB Samuel Martires ang suspensyon ni Benny.

Kantyaw naman ng  mga miron, ang aksyon ni Martires ay ‘very first sa kasaysayan ng OMB sapul nang maitatag ito ni Pang. Ferdinand Marcos Sr, ang “daddy” ni PBBM, noong 1978.

Kagulat-gulat din anila na nagbuo pa ng kangaroo, ehek, ‘special panel’ si Martires para lang sa isang “administrative case” na buod ng reklamo kay Benny.

Special panel para lang sa isang administrative complaint? Talaga?!

Hmm. Napapanahon talaga ang panawagan ng Crime and Corruption Watch (CCWI) ni Carlo Batalla, na panahon na rin upang imbestigahan ng Kongreso at Senado ang mga nangyayari ngayon sa Ombusman.

Abangan!

***

Sa kanilang letter of support, sinabi ni Edd Gumban, pangulo ng Manila Police District Press Corps na nagkakaisa sila sa pagsuporta kay Antiporda sa paghahanap nito ng patas na pagtrato ng batas para sa katarungan.

Hindi umano dapat binabalewala ng Ombudsman ang legal procedure na nakasaad sa batas.

Sinabi naman ni James Catapusan, pangulo ng Reporters’ Organization of Pasay City, na hindi binigyan ng pagkakataon si Antiporda na makasagot sa gawa-gawang reklamo ng mga korap na empleyado ng NIA kung saan agad naglabas ng suspension order ang Ombudsman nang hindi ipinababatid sa kanya ang nakasaad sa reklamo.

Ayon naman kay Jay Reyes, pangulo ng Manila City Hall Press Club, suportado nila si Antiporda sa kanyang ipinaglalaban na naglalayong malinis ang kanyang pangalan sa mga walang basehan at pekeng akusasyon ng mga mapanlinlang, mapang-abuso, mapanira at mga tiwaling opisyal at kawani ng nasabing ahensya.

Naniniwala naman si Almar Danguilan, pangulo ng Quezon City Police District Press Corps, na isang pagsubok lang ang nangyari kay Antiporda na lalong magpapatibay at magbibigay sa kanya ng lakas para harapin ang mga bagong hamon sa buhay bilang opisyal ng pamahalaan na naghahangad ng malinis na gobyerno.

Mariin namang tinutulan ng Pamamarisan-Rizal Press Corps sa pamumuno ni Neil Adrales Alcober ang umano’y pagtatangkang patahimikin si Antiporda sa kanyang kampanya para malinis ang NIA sa mga korap na opisyal at empleyado.

Ganito rin halos ang nilalaman ng letter of support ng Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela Press Corps sa pamumuno ni Arlie Calalo; Central Luzon Media Association sa pangunguna ni Carmela Reyes-Estrope;  Quezon city Press Club Inc., na pinamumunuan ni Rio Araja; Southern Metro Manila Press Club, Inc. sa pamumuno  ni Celestino Sicat; NCRPO Press Association na pinamumunuan ni Lea Botones; NCRPO Press Club ni Lily Reyes; Airport Press Club ni Ariel Fernandez at Press Photographers of the Philippines na pinamumunuan ni Roy Domingo.

***

Sa isa namang social media (FB) post noong Miyerkules, nakita natin ang panayam kay Engr. Edwardo ‘Eddie’ Guillen, dating mayor ng Piddig, Ilocos Norte na ipinakakalat na ngayon bilang “bagong administrador” ng NIA.

Sa bandang dulo ng panayam, sinabi ni Guillen na “hindi totoo” ang “balita” na “siya” na ang hinirang ni PBBM bilang kapalit ni Antipoda sa NIA.

‘Yun nga lang, ibinulgar din ni Guillen na bagaman hindi pa siya “appointed” ni PBBM, ay “nagkausap” na umano sila at “hinihintay” na lang niya ang desisyon ng Pangulo.

Sa ating pagkaalam, si Guillen ay nakaupo rin bilang miyembro ng NIA Board kung saan magkasama sila ni Antiporda.

Sa ipinapakalat ng video na ito sa social media, hindi kaya alam ni Yorme Guillen na mas marami ang naaasar at nadidismaya sa kanyang asal?

Sa halip nga naman kasi na kahit pabalat-sibuyas ay magpakita ng suporta kay Benny bilang administrador pa rin ng NIA, aba’y idinadaan sa ‘self-promotion’ at ‘self-advertising’ para sa kanyang personal na interes.

Aber, hindi ka ba makapaghintay, Yorme Guillen at para tuloy lumalabas na “naglalaway” ka sa nasabing posisyon ni Antiporda?

Delicadeza yata ang tawag dito, dear readers?

Abangan!

Comments (0)
Add Comment