Ibinisto ni Pacman may “bahid” ng katotohanan

UMALIS na papuntang Amerika noong nakaraang Sabado, Hulyo 3, ang ating “Pambansang Kamao,” na si Sen. Manny Pacquiao, upang doon ituloy ang kanyang training laban kay WBC/IBF welterweight king, Errol Spence. Gaganapin ang bangasan nila ng mukha sa Agosto 21 (Agosto 22 sa ‘Pinas).

Subalit, bago sumakay ng eroplano, isang press conference ang kanyang ginawa upang “ibulgar” ang aniya ay patuloy na “katiwalian” sa gobyerno ni Pang. Rody—sa DOH, DSWD at DOE—kung saan bilyones ang pinag-uusapan.

Isang linggo nang nakaalis si ‘Pacman’ pero ang mga opisyales ng gobyerno, wala pa ring puknat sa kanilang pagdepensa sa kanyang mga sinabi, hehehe!

Madaling ibalewala ang mga tinuran ni Sen. Manny na ayon pa nga kay Presidential Anti-Corruption (PACC) chairman Greco Belgica ay “hilaw” (translation: walang kuwenta) dahil wala pa umanong imbestigasyon, mayroon nang “konklusyon” ang senador.

Dagdag pa ni DOE secretary, Alfonso Cusi, mistulang walang alam si Pacman sa kanyang mga sinasabi dahil hindi naman (daw) kailangan pang idaan sa ‘bidding’ kung sino ang magiging operator ng WESM (wholesale spot market) ng ating kuryente.

Pero, teka, mukhang ‘missing the point’ itong sina chairman Greco at Sec. Al sa mga sinabi ni Pacman?

Halimbawa d’yan sa WESM at itong operator nito, ang ‘Independent Electricity Market Operator of the Philippines’ (IEMOP) hindi ba mainam ngang silipin kung totoo ang sinabi ni Pacman na nakopo nito ang WESM– hanggang ngayon—kahit naitayo ito sa pondong P7,000.00?

Yes Jose, pitong libong piso lang ang “puhunan” ng mga nasa likod nitong IEMOP pero ang kanilang transaksyon, daan-daang bilyon!

Maari ring “bagito” si Pacman sa proseso ng procurement sa DOH pero, hindi ba totoo naman na matagal nang estilong panis ang ginagawa sa DOH ng ilang opisyal dyan na mga gamot na malapit nang ‘mag-expire’ ang kanilang binibili— ‘at full cost’ pa nga!

At paano na itong ‘Starpay project’ ng DSWD na kahit ‘undercapitalized’ din ang kumpanya, ayon kay Pacman, aba’y bilyones din ang hinahawakan nitong pera ng gobyerno para sa distribusyon ng pera sa mga ‘SAP’ beneficiaries.

Sa ganang atin, may bahid ng katotohanan ang mga ibinisto ni Pacman. At mas mainam kung seryoso itong iimbestigahan ng pamahalaan, sa halip na ibasura sa isyu ng teknikalidad at pagmamaliit sa kanyang mga tinuran.

Sa imbestigasyon lang din kasi lalabas ang buong katotohanan. At kung mapatunayan na talagang “sablay” si Pacman, eh, di… lagapak na siya sa darating na halalan, hehehe!

Abangan!

Comments (0)
Add Comment