Iluklok sa Senado si Gen. Eleazar

KASABAY sa pormal na pagreretiro ni Chief PNP, P/Gen. Guillermo Lorenzo Tolentino Eleazar noong Nobyembre 13, 2021, pormal nang inanunsiyo ni Sen. Panfilo Lacson na tatakbo siyang senador, sa ilalim ng kanilang Partido Reporma ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, kung saan kandidatong pangulo si Lacson katambal si Sotto.

Hindi naman naging isang malaking sorpresa sa atin ang desisyon ni Gen. Eleazar—matagal na natin itong inaasahan.

Sa katunayan, bandang Agosto-Setyembre, halos tatlong buwan matapos siyang maupo bilang Chief PNP noong buwan ng Mayo, nakakarinig na tayo ng “ugong” na “kinukumbinsi” siya ng ilang grupo na tumakbong senador pagkatapos niyang magretiro.

At siyempre, kahit anong “pangungulit” natin sa kanya, “dedma” lang at “ngiti’ ang sagot sa atin nitong ating kaibigan.

“Tumibay” naman ang “hinala” ng karamihan sa pagtakbong senador ni Gen. Guillor sa pamamagitan ng ‘candidate substitution’ nang mag-file ng kanyang kandidatura sa ilalim ng Partido Reporma noong Oktubre, si radio anchor/newsman, Paolo Capino, anak ni ‘Kuya’ Alvin Capino (sumalangit nawa) na isa sa ating mga ‘mentor’ sa media at kababayan sa San Pablo City, Laguna.

Bukod dito, sa panayam kay Sotto noong Nobyembre 6, 2021, “nadulas” si SP Sotto nang sabihin na “hindi” pa niya maibulgar ang bago nilang kandidato dahil “sa Nobyembre 13 pa siya magreretiro.”

Aber, sino bang sikat at respetadong personalidad ang magreretiro sa Nobyembre 13 bukod kay Gen. Guillor, aber, hehehe.

Noong Biyernes, Nobyembre 12, 2021, “bisperas” ng kaarawan ni Gen. Eleazar, naglabas na ng pahayag si Paolo na umaatras na siya sa kanyang kandidatura, pabor sa matikas at respetadong heneral.

At ngayon nga ay malinaw na ang lahat—‘stand-in candidate’ si Paolo para kay Gen. Eleazar.

Hmm. Kaya rin pala kahit anong “pagpipilit” natin na mabigyan ng ‘extension’ si Gen. Guillor, “matamlay” ang kanyang sagot, hehehe.

At kahit itong ating kaibigan na si DILG secretary Ed Año, hindi rin “itinulak” ang ‘term extension’ ni Gen. Guillor. “Nag-usap” kaya sila hinggil dito? Hmm.

Ngayon namang pormal na ang pagsabak sa pulitika ni Gen. Guillor, eh, dapat lang nating siyang suportahan, mga kabayan.

Malaki ang ating paniniwala sa kanyang kakayahan at sadyang kailangan natin ang mga katulad niya sa ating Senado!

Aber, kung nagawa niyang ibangon ang malansang imahe ng ating pambansang pulisya sa buong panahon niya sa serbisyo, naniniwala tayong malaki rin ang magagawa niya upang maibalik ang nadungisan—at palaging nadudungisan—na imahe ng ating Senado.

Iluklok natin sa Senado si General Guillermo Eleazar.

Abangan!

Comments (0)
Add Comment