Ipamahagi na ang Bakunang Gamot! Tigilan ang Paninira at Intriga!

NARITO ang mga sinabi ni dating AFP chief, Carlito Galvez Jr. ang vaccine czar o ang namamahala sa mga bagay na may kinalaman sa mga bakuna sa isang pulong balitaan noong Enero 13, 2021.

Napili ang Sinovac dahil medyo mura po ito… Kapresyo ang Novavax, Gamaleya. Nasa middle ang Sinovac. Mas mura siya kaysa Moderna at ibang vaccines ng US. Very fair ang treatment namin sa Sinovac dahil binagsak niya [ang presyo]…

“Sana tanggalin na po natin ang diskriminasyon sa ibang vaccine kasi nakita natin ginamit na nga ng Malaysia, Singapore, Turkey, Argentina. Bakit hindi natin gamitin sa atin,” dagdag pa niya.

Aniya, nakuha natin ang CoronaVac na gawa ng Sinovac sa pinakamagandang presyo dahil na rin sa tulong ni Chinese Ambassador to the Philippines, HE Huang Xilian.

Kamakailan lamang ay naunang nagpa-bakuna ang Pangulo ng Indonesia na si Joko Widodo ng bakuna galing Sinovac.

Bakit ito ang napili nila gayong kaya naman nila bumili ng ibang brand? Nagpapatunay lamang na maayos naman ang Sinovac kahit pa marami ang naninira dito.

Kagaya na lang dito sa atin, walang tigil talaga ang paninira nila sa lahat na lang ng mga ginagawa ng Tsina at kasama pa ang ilang opisyal ng kasalukuyang administrasyon.

Bakit daw pinayagan bumili sa Sinovac kahit wala pa itong Emergency Use Authorization (EUA).

Paliwanag naman ni Sec. Galvez, inaasahang mabibigyan ng EUA ang Sinovac bago ang ika-20 ng Pebrero, 2021.

Sa dumaraming kumukuha ng bakuna ng Sinovac, hindi naman napakalaking isyu ang EUA na binibigyan ng malisya ng ilang mambabatas.

Tungkol sa pakiusap ni Sec. Galvez na alisin natin ang diskriminasyon sa ibang bakuna, naalala natin ang sinabi ng isang R. Haydarian na wala naman daw patunay na nakagagawa ng bakuna ang Tsina.

Ito ay tahasang diskriminasyon sa makitid niyang utak. Dahil ayon kay Dr. Lulu Bravo, matagal ng panahon ginagamit ang patay na virus sa paggawa ng bakuna sapagkat ito ay ligtas at mabisa. Sa limang teknolohiya na ginagamit ng Tsina sa paggawa ng bakuna, masasabi pa ba na sila ay walang alam sa paggawa ng bakuna?

***

Palagi na ring idinadawit ng iilan ang mabuting pakikipag-kaibigan ng ating Pangulo sa lider ng Tsina, na ito ang dahilan kaya sa kanila tayo bumili ng bakuna.

Ilang beses na natin sinabi na taimtim ang pangako ng Tsina na tumulong sa mga umuunlad na bansa at mag-alok ng hindi naman kamahalan ang presyo ng bakuna.

Sa pag-uusap ng magkaibigang bansa, naging prayoridad tayo sa ilang mga bansa na makabibili mula sa Tsina.

Isipin na lang na sa higit 7 bilyong tao sa mundo, kulang talaga ang bilang ng bakuna na nasa produksyon. Malaking bagay ang oras at panahon na ito ay dapat na maituturok sa mga nangangailangan.

Sa yugtong ito mula nang kumalat ang COVID-19, hindi na mahalaga ang mga walang kuwentang pagpapapogi para kumita o mapansin. Ipamahagi na ngayon ang gamot at hindi ang mga tsismis at intriga!

(Samahan si Ka Mentong Laurel at mga panauhin sa “Power Thinks” tuwing Miyerkules @6pm Live Global Talk News Radio (GTNR) sa Facebook at sa Talk News TV sa You Tube; at tuwing Linggo 8 to 10am sa RP1 738khz AM sa radyo.)

Comments (0)
Add Comment