Joma Sison, oportunista; tuta ng Kano

MULING napatunayan ang pagiging sinungaling ni CPP founder Jose Maria ‘Joma’ Sison at ng kanilang “ka-alyado” ngayong halalan na si Vice President Leni Robredo, hinggil sa ulat na lumabas sa pahayagang ito noong Abril 21, 2022, na si ‘Ka Joma’ ay isa sa mga ‘advisers’ ni Robredo.

Ilang araw lang kasi matapos ang kanilang pagtanggi, ang kaparehong ulat ay inilabas ng Eagle News radio—ang istasyon ng Iglesia Ni Cristo (INC) at ginawa pang banner story ng Manila Times noong Abril 24.

Masaklap pa para kay Joma, umikot na rin sa social media ang kanyang video clip kung saan nagbanta siyang guguluhin ng kanyang teroristang grupo ang ‘Pinas sakaling manalo si BBM bilang presidente at si Mayor Inday Sara bilang bise-presidente. Kumbaga, gagawa sila ng senaryong ‘People Power/EDSA Uno’ para lang mailuklok bilang pangulo si Robredo—katuwang ang mga Amerikano.

***

Matagal nang umaani ng batikos at “pagwawasto” si Ka Joma sa hanay ng iba pang mga sosyalista at Marxista sa buong mundo dahil sa patakaran nito at ng CPP na “suportahan” ang isang seksyon ng naghaharing-uri sa tuwing halalan—at hindi ang panawagan ng pag-aaklas ng buong masang anak-pawis upang ibagsak ang buong sistema at palitan ito ng bago.

Sa pagsasaliksik pa nga ni Joseph Scalise, isang Marxista at historyador sa kasaysayan ng kilusang komunista sa Pilipinas, alam ba ninyo na noong 1969 ay sinuportahan din ni Sison si Pang. Marcos laban kay Diosdado Macapagal?

At nakita natin ito na ginagawa pa rin ng CPP noon at ngayon—sinuportahan si GMA laban kay Erap, pagkatapos, sinuportahan si Erap laban kay GMA; sinuportahan si PDU30 noong 2016 at ngayon naman, suportado si Robredo laban kay BBM.

Ang tanong: “Nasaan” ang rebolusyunaryong prinsipyo sa lahat ng ito? Hindi ba malinaw na ito ay oportunismo lang lahat?

***

Para naman sa mga aktibista at ibag pang patuloy na panatiko nitong si Ka Joma. Alam kong napanood din ninyo ang nasabing video ni Ka Joma, hindi ba? Hindi ba kayo tinayuan ng balahibo na marinig ang inyong idolo na mistulang naninikluhod sa mga Amerikano na makialam ngayong halalan para lang magtagumpay ang kanilang panggugulo at mailuklok si Robredo bilang presidente, kahit pa sa paraang iligal?

Baka naman… “nadulas” si Ka Joma at ‘unconsciously’ (dahil ito ang nilalaman ng kanyang ‘subconscious’ ay inuudyukan niya ang mga Kano na makialam dahil si Uncle Sam naman talaga ang “among tunay” ng CPP?

Sabagay nga, bakit ba mistulang ‘echo chamber’ ngayon ng CPP sa kanilang mga propaganda itong Facebook at Rappler na parehong ahensiya ng Amerika sa pangguguglo dito sa atin?

Gagawin ba nila yan ng libre? O dahil may nagmamando sa kanila? Ang CIA, halimbawa.

At bakit nga ba kahit 2002 pa ay nasa US terrorist list na itong si Ka Joma at ang CPP-NPA pero walang ginawang aksyon ang ‘Tadong Unidos para hulihin o “patahimikin” ang mga ito, katulad ng ginawa nila kay Bin Laden at iba pang mga lider terorista na nasa listahan nila?

Maliban na lang siyempre, kung gumagampan ng mahalagang papel ang CPP-NPA at si Sison para isulong ang interes ng mga Kano dito sa ‘Pinas, tama ba, mga kabayan?

Esep-esep din pag may time, mga kasama!

Comments (0)
Add Comment