‘Kabutihan’ ng NCAP, ipinaliwanag ni Mayora Honey

NAKABUTI ba para sa mga motorista, sa pedestrian at sa maayos na daloy ng trapiko sa Maynila ang ipinatutupad na no-contact apprehension program (NCAP)?

Para kay Manila Mayor Dra. Honey Lacuna, aba, naging maayos naman ang implementasyon ng NCAP at kahit nga gusto niyang ipagpatuloy ito, siyempre dahil may inilabas na temporary restraining order (TRO) ang Supreme Court, tungkulin niya na sumunod.

Kinuwestiyon kasi ng ilang grupo sa public transport sector ang NCAP, kasi raw hindi malinaw ang guidelines sa paraan ng paghuli at ang akusasyon, parang ginagawang ‘milking cow’ ang mga motorista.

At sobra ang laki ng singil sa mga traffic violations at abala rin kung iko-contest ang violation na nahuli ng traffic camera.

Pero sa paniniwala ng Manila City Government, kung may di-magandang resulta ang NCAP, mas matimbang ang mabuting naidudulot nito sa mga motorista, sa pedestrian at sa publiko.

Unang ipinatupad ang NCAP sa Maynila noong Setyembre 21, 2020, batay sa inaprubahang City Ordinance No. 8676 (“An Ordinance Implementing the No Contact Apprehension Program (NCAP) of the City Amending for the Purpose Certain Sections of City Ordinance No. 8092 and Ordinance No. 8327 and for other Purpose.”

Ito, ayon kay Dra. Honey ang pakinabang na natamo ng lungsod gawa ng NCAP:

Bumaba ang insidente ng aksidente at kumonti ang mga traffic violators, at ano ang resulta nito, siyempre, kaligtasan ng mismong driver at pasahero, ng mga tao sa lansangan.

Kung may mga ‘masama’ sa NCAP, mas marami ang “mabuti” na dulot nito.

Isipin lang ang datos na ito mula sa Metro Manila Development Authority Authority (MMDA): 47 porsiyento ang ibinaba ng road accidents sa Maynila at salamat ito sa NCAP.

Yung dating 1,950 fatal ang non-fatal injuries sa Maynila noong 2020, ito ay bumaba sa 1,033 noong 2021, kaya ating isipin ang maraming buhay at ari-ariang nailigtas gawa ng sistemang ito sa trapiko.

Ayon naman sa Manila Police District (MPD), nitong 2019, ang aksidente sa kalsada ay 11,093 pero nang dahil sa NCAP, nagtala lamang ng 4,206 na aksidente noong 2021.

Isa pang magandang resulta ng programang ito, naging disiplinado ang mga motorista ng publiko at pribadong sasakyan at dahil dito, sabi nga ni Mayora Lacuna, mas ligtas ang pagtawid sa kalsada at paglalakad sa mga bangketa at daan sa Maynila.

Dahil madisiplina na ang galaw sa kalsada, ano ang resulta: mabilis na daloy ng trapiko, at kung maayos ang agos ng mga sasakyan, malaki ang epekto nito sa komersiyo, hanapbuhay at malaking tipid sa gastos sa gasolina at krudo.

Tama rin nga na mabusisi ang pagpapatupad ng NCAP na may mga depektong inilahad ang mga kontra rito sa SC na may nakitang merito sa petisyon kaya naglabas ito ng TRO.

***

Inalis naman ni Mayora Honey ang pangamba ng publiko sa mga kontra sa NCAP dahil, sabi nga niya, parehas kung duminig ang adjudication board sa mga naghaharap ng kaso ng mga motorista na nagsasabing mali ang ginawang paghuli sa kanila, base sa nakita ng traffic camera.

Kung may makitang mali sa pagbibigay ng violation citation, ipinaliwanag ni Mayor Lacuna na ito ay agad na inaaksiyonan at itinatama.

Tinitingnan din nila ang paratang ng ibang sektor na minamanipula ng mga taong may hawak sa mga camera at digital operations ng mga traffic lights.

Wala namang perpektong programa sa simula kaya nararapat ngang tingnang muli ang konsepto ng NCAP at sang-ayon dito ang ilang mambabatas, at maging si Mayora Honey.

Aniya, sa TRO, muling mabibisita ang ordinansa ng NCAP sa Maynila, at kung may makitang depekto, agad itong maaamyendahan.

Sa gagawing oral argument na iniutos ng Korte Suprema na gagawin sa Enero 2023, may pagkakataon ang mga tagasuporta at kontra sa NCAP na ipaliwanag ang kani-kanilang panig.

Sa huli ay sinabi ni Dra. Honey Lacuna na iginagalang at nauunawaan niya na karapatan ng sinomang mamamayan na kwestyunin ang pagpapatupad ng NCAP.

Anoman ang maging resulta sa pagdinig ng Korte Suprema, nagtitiwala si Mayor Lacuna na magiging resulta nito ay ang kabutihan ng lahat.

“Anoman po ang maging final decision ng ating Supreme Court, kami sa Maynila ay lagi nang handa sumunod,” wika ni Mayora Honey.

Ang pagtiyak niya, kabutihan ng lahat, ng mamamayan ng Maynila at ng publiko, kaya ginawa ang NCAP ordinance sa Maynila, hihintayin nila ang pasiya ng SC sa gagawing pagdinig dito sa susunod na taon.

P58.31 milyon, kumpiskado sa Maynila

Bunga ng masigasig na pagbabantay at kooperasyon ng iba-ibang ahensiya ng Bureau of Customs (BoC), nasabat at nakumpiska noong isang Linggo ang isang kargamento mula sa Nigeria na naglalaman ng methamphetamine hydrochloride na mas kilala sa tawag na shabu.

Naharang ang iligal na kargamento sa San Andres, Maynila ng isang tropa ng BoC-Ninoy Aquino International Airport (BoC-NAIA), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Bureau od Plant Industry (BPI) at NAIA-Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA IADITG).

Umaabot sa 8.575 kilo ng shabu na itinago sa mga pakete ng mga tuyong spices at tinatayang may halagang P58.31-M.

Idineklarang ‘food stuff’, nang suriin ang lahat ng dokumento, natuklasang iligal ang importasyon dahil walang naipakitang import permit mula sa Department of Agriculture at Bureau of Plant Industry (DA-BPI).

Matapos na busisiin at personal na tingnan ang mga kargamento, nakita na peke ang deklarasyon ng ‘food stuff’ at ang mga pakete na nanggaling sa Nigeria ay naglalaman ng 8.575 kilo ng puting pulbos na nakumpirmang shabu nang idaan sa PDEA Field Test.

Kaugnay nito, pinuri ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz si NAIA district collector Mimel Talusan, PDEA, BPI at NAIA-IADITG sa mahusay na trabaho sa pagkasabat sa kontrabandong shabu.

Inihahanda na sa mga hindi pa pinangalanang personalidad ang mga kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 in relation to Section 1401 of the Customs Modernzation and Tariff Act of 2016.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment