Kailangan nang magtayo ng ‘typhoon and flood-resistant’ school buildings

BAWAT taon na lang, maraming public school buildings ang nasisira dahil sa bagyo, baha at iba bang natural disasters.

Malaking pera ni Juan dela Cruz ang napupunta sa pagre-repair ng mga nasirang gusali at ari-arian at mga paaralan sa buong bansa.

Paulit-ulit na lang ang nangyayaring ito kaya napapanahon na marahil na simulan na natin ang pagtatayo ng mga typhoon at flood-resistant buildings sa buong bansa.

Mas magastos siguro ang mga gusaling ito pero sulit naman ang gastos dahil hindi na tayo laging magpapa-repair.

Huwag natin kalimutan na lagi tayong binabayo ng mga malalakas na bagyo na may kasamang matinding pag-ulan na napapabaha sa maraming lugar.

Isa pa, apektado ang pag-aaral ng mga bata kung lagi na lang nasisira ang kanilang mga silid-aralan.

Naniniwala tayo na pagtutuunan ito ng pansin ni Vice President Sara Z. Duterte.

At sana gumawa rin ng paraan ang Kongreso para mabigyang-solusyon ang problemang ito.

Hindi pa huli ang lahat.

***

Isa na namang shipment na naglalaman ng shabu ang nasakote ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Clark sa Pampanga.

Tumitimbang ng 1.14 kilograms, ang iligal na droga ay nagkakahalaga ng P7.87 milyon.

Ang nakasakote sa shabu ay mga operatiba ng Port of Clark at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang law enforcement arm ng Dangerous Drugs Board.

Sa isang controlled delivery operations sa Bacoor City sa Cavite noong September 28 ay inaresto rin ng mga operatiba ang dalawang claimants ng nasabing shipment.

Dumating sa bansa ang shipment na galing ng Victoria, London noong September 26. Deklarado itong naglalaman ng “gift-baby soft toys for personal use.”

At nang idaan ito sa x-ray scanning ay nakitaan ito ng “suspicious image” ng x-ray inspector.

Kaya nagsagawa kaagad ng physical examination sa shipment na nagresulta sa pagkakatuklas ng tatlong plastic containers na naglalaman ng white crystalline powder.

Dumaan pa sa K9 sweeping ang shipment. Pagkatapos nito ay kumuha sila ng representative samples na ibinigay sa PDEA for chemical laboratory analysis.

Nang magpositibo nga na shabu ang resulta ng laboratory analysis ay nagkasa na ang BOC-Port of Clark at PDEA ng isang controlled delivery operation sa Bacoor.

Ang pagkakasakote ng shabu at pagkakaaresto ng dalawang claimants ng shipment ay nagpapatunay lamang na hindi natutulog sa pansitan ang mga lingkod-bayan.

Hindi ba, Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz?

***

Malilinis pa kaya ng gobyerno at pribadong sektor ang historic na Manila Bay?

Ito ang tanong ng marami nating kababayan pagkatapos na magsagawa ang DENR ng isang clean-up drive sa Manila Baywalk Dolomite Beach sa Maynila.

Umaabot kasi sa 4,500 sako ng basura ang nakuha ng mahigit 4,000 volunteers na sumama sa clean-up drive na isinagawa ng DENR sa nasabing lugar.

Ang mga nakolektang basura ay kinabibilangan ng plastic wastes, mga tuyong water lily at marine debris.

Ang isinagawang paglilinis ay parte ng selebrasyon ng “International Coastal Cleanup (ICC) Day 2022.”

Sa tingin ng marami ay mahihirapan talagang linisin ang makasaysayang Manila Bay dahil sa lawak nito at imposibleng mabantayan ito 24 hours a day.

Hindi lang ang mga residenteng nakatira malapit dito ang nagtatapon ng basura.

Naniniwala tayo na pati mga pasahero at tripulante ng mga sasakyang dagat ay ginagawang basurahan ang Manila Bay.

Napapadpad na lang sa dalampasigan ng Manila Bay ang mga basurang itinatapon sa dagat.

Tama ba kami, Pangulong Bongbong Marcos?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Comments (0)
Add Comment