Kailangan ng gamot, hindi lang bakuna

IBANG klase talaga ang  Corona Virus Disease o Covid-19. Maliban sa mabilis pagkalat nito sa buong daigdig, iba’t ibang variants pa ang sumusulpot.

Ang mahirap at nakakatakot, mas mabangis ang mga bagong variant ng Covid-19.

Kaya dapat bilisan na ang pag-develop ng gamot sa nakakamatay na Covid-19.

Hindi puwedeng bakuna lang ang pinagtutuunan natin nang pansin.

Kailangang makatuklas na ng gamot laban sa sakit na ito.

Malay natin, isang Pinoy ang makatuklas ng gamot.

Marami tayong magagaling na scientists, doctors at researchers.

Ang kailangan lang nila ay pera, kagamitan at pasilidad at siyempre, suporta ng gobyerno.

Tama ba, Senador Bong Go?

***

Mabilis ang paglipas ng panahon.

Sa Hulyo 26, ay ilalahad na sa bayan ni Pangulo Rodrigo Duterte ang kanyang mga nagawa sa nakaraang limang taon

Ito ang kanyang pang-anim at huling State-Of-The-Nation-Address (SONA).

Isasama din niya sa SONA ang mga gagawin niya sa nalalabing labing-isang buwan niya sa Malakanyang.

Ang masakit niyan, marami sa kanyang mga opisyal ay inaasahang magbibitiw sa kani-kanilang puwesto dahil kakandidato sa 2022 election.

Iba syempre ang feeling ng isang elected government official.

Hindi kagaya ng appointed public servant, ang isang halal ng bayan ay hindi basta natatanggal sa puwesto.

Ang mga napapabalitang tatakbo sa darating na halalan ay sina Presidential Spokesman Harry roque, Chief Legal Counsel Sal Panelo at Labor Secretary Bebot Bello .

Ang tatlo ay inaasahang kakandidato sa pagka-senador.

Ang iba ay inaasahang tatakbo sa kani-kanilang probinsya, bayan o siyudad.

***

Mahigit isang libong overstaying containers ang sinira o isinubasta ng BoC sa unang anim na buwan ng taon.

Ang mga ipinagbili sa pamamagitan ng public auction ay kinabibilangan ng bigas at galvanized steel.

Laman ng 636 containers, ang mga produkto ay nagkakahalaga ng P279.4 milyon.

Ang nalalabing 405 containers naman na naglalaman ng ukay-ukay, sirang pagkain, used oil, used furniture at ibang segunda-manong articles ay sinira.

Ayon sa BoC, “these containers were forfeited after seizure or abandonment proceedings.”

Ang ibang abandonado at kumpiskadong produkto ay ibinibigay ng BoC bilang donasyon sa DSWD at iba pang opisina ng gobyerno.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430-email: tingnannatin@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Comments (0)
Add Comment