Kailangang maayos at mabilis ang pamamahagi ng ayuda

SA ating obserbasyon, tiyak nang mahihigitan ng Bureau of Customs ang kanilang collection target sa taong ito.

Ito ay matapos na makapagtala ang BoC ng koleksyon na P58.18 bilyon nitong buwan ng Hulyo.

Ang nakolektang buwis ay lampas ng 8.2 porsiyento sa target na P53.75 bilyon.

Labing-apat na collection district ang nakakuha ng kanilang target.

Ito ang Port of Manila, Ninoy Aquino International Airport, Ports of Aparri, Batangas, Cagayan de Oro, Clark, Davao, Legazpi, Limay, San Fernando, Subic, Surigao, Tacloban at Zamboanga.

Mula Enero hanggang Hulyo 2021, ang koleksyön ng BoC ay umabot na ng P359.93 bilyon.

Kaya meron na lang natitirang P256.8 bilyon para maabot ng ahensiya ang P616.7 bilyong target collection sa 2021.

Kailangan na lang nila ng average na monthly collection na P51.36 bilyon sa nalalabing limang buwan ng 2021.

Kayang-kaya ito ng BoC, kahit pa malalagay na naman sa Enhance Community Quarantine ang NCR Plus magmula bukas Agosto 6 hanggang Agosto 20.

Ilang linggo na lang ay September na, ang una sa apat na “ber months” ng taon.

Inaasahang lalaki ang volume ng importasyon dahil parating na ang tinatawag na Christmas items.

Ang kailangan lang ay paigtingin ng BoC ang kampanya laban sa ismagling.

Siguradong may mga magtatangka na namang magpuslit ng mga kargamento.

Pero bistado na sila ng mga taga-BoC.

Tsambahan na lang ang kanilang ginagawa.

Tama ba kami, BoC Chief Jagger Guerrero?

***

Noong Biyernes, Agosto 6, 2021, ay balik-ECQ ang NCR Plus (kasama ang mga lalawigan ng Batangas, Laguna, Rizal, Cavite at Bulacan).

Huwag na tayong pahirap sa mga otoridad.

Sumunod na lang tayo sa lahat ng mga protocol dahil dalawang linggo lang naman ito na magtatapos sa Agosto 20.

Pero dapat siguruhin naman ng gobyerno na may sapat na ayuda sa mga “poorest of the poor.”

Kailangan maging maayos at mabilis ang pamamahagi ng ayuda.

Walang dapat na magutom sa panahon ng lockdown.

Sobra na ang hirap na inaabot ng ating mga kababayan.

Hinda ba, Senador Bong Go?

***

Mahalaga ang May 9, 2022

election

Huwag nating kalimutan na pipili tayo ng bagong pangulo at bagong pangalawang pangulo ng bansa.

Anim na taong uupo sa Malakanyang  ang mga opisyal na ito.

Napakahabang panahon nito para sa mga hindi karapat-dapat na maluklok sa kapangyarihan.

Kilala na natin ang mga politiko na nagbabalak kumandidato sa darating na halalan.

Nasa atin na kung tayo’y magpapaloko sa mga politikong ito.

Naniniwala ako na matatalino na ang mga botante ngayon.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0969) 037 7083/email: tingnannatin@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Comments (0)
Add Comment