Kampanya ni PBBM laban sa korapsyon, suportado ng BOC

ISANG magandang araw sa lahat ng ating mambabasa, maging sa ibang bansa,  lalo na sa Japan at Oman.
Binabati natin ang mga kababayan natin sa Japan na sina: Ma. Theresa Yasuki, Patricia Coronel, Tata Yap Yamazaki, Lorna Pangan Tadokoro, Winger dela Cruz, Yoshiko Katsumata, Hiroki Hayashi, Roana San Jose at ang kasangga ng mga Pinoy sa Japan, si Hiroshi Katsumata.
Ganun din kay Joann de Guzman at iba pang OFW natin sa Oman. Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan at kalusugan.

Panalangin naman ang ating hiling para kay La Dy Pinky na sasalang sa isang maselan na operasyon sa Pebrero.

Nawa’y gabayan ng Panginoong Diyos ang mga doktor at nars na magsasagawa ng ‘medical procedure.’

***

Sa taong ito, patuloy na magpapatupad ng mga  repormang magpapalakas sa kampanya para ‘accountability’ at integridad sa Bureau of Customs (BOC).

Ito ay alinsunod  sa kampanya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. laban sa katiwalian at korapsyon sa gobyerno.

Hindi lang ‘yan. Ito ay tumutugon din sa ‘nation-building program’ ng PBBM administration na magtatapos sa June 30, 2028.

***

Mula 2023 hanggang 2024 ay inimbestigahan ng BOC ang 120 nitong tauhan sa ilalim ng internal reform program na isinusulong ni Comm. Bienvenido Rubio.

Bunga nito, 14 na customs personnel ay pinatawan ng ‘preventive suspension.’

Naghain din sa Department of Justice (DOJ) ang ahensya ng mga kasong kriminal laban sa mga taong sangkot sa mga iligal na gawain, partikular na sa ismagling.

Ayon pa sa ulat, 135 katao ang kinasuhan kung saan 25 sa kanila ang ‘convicted.’

Ang mga nasentensiyahan ay napatunayang  sangkot sa ismagling.

‘”We are committed in fighting corruption every step of the way,” ayon pa kay Comm. Rubio.

Dagdag pa niya, makaaasa ang publiko “to make Customs an agency they can trust.”

Layon kasi ng gobyerno ni PBBM na pagsilbihan ang taumbayan “with integrity and professionalism.”

Malaki ang naitutulong ng BOC sa pag-unlad ng bayan at mamamayan.

Ito ay sa pamamagitan ng pagkolekta ng tamang  buwis at taripa sa mga dumarating na ‘imported goods,’ kabilang na ang bigas.

***

Maliban sa pangongolekta ng buwis, aktibo rin ang Bureau of Customs (BOC) sa pangangalaga sa kalusugan ng publiko.

Hindi ito papayag na makapasok sa bansa ang mga produktong makasasama sa kalusugan ng taumbayan.

Lalo na ang mga iligal na droga, kasama ang vape products.

Kamakailan nga ay sinira ng ahensya ang 159,839 pirasong vape products na nagkakahalaga ng mahigit P34 milyon.

Kinumpiska ng BOC ang mga produkto dahil sa paglabag sa Republic Act No. 11900 at Customs Modernization and Tariff Act.

Ang condemnation ng mga vape products ay isinagawa sa pagtutulungan ng Auction and Cargo Disposal Division (ACDD), ESS (Customs Police) at CIIS (Customs Intel).

Sinabi naman ni BOC-NAIA District Collector Yasmin O. Mapa na napakahalaga ang ‘close coordination’ ng mga ahensya ng gobyerno.

Tama naman si Collector Mapa dahil kung hindi magtutulungan ang mga ahensiya, hindi magtagumpay ang mga programa ng gobyerno.

***

Simula sa Pebrero 11, puwede nang mangampanya ang senatorial candidates at party-list organizations, ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Sana naman walang kandidatong hihingi ng election campaign fund sa mga opisyal at tauhan ng BOC.

Kawawa naman ang mga kaibigan nating nagtatrabaho sa Aduana.

Tapos na ang panahon na BOC ang hingian ng campaign funds ng mga kumakandidato.

(Para sa inyong pagbati at opinyon, mag-text sa +63 9178624484)