BAKIT kailangang ibalik si Yorme Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa Manila City Hall sa eleksyon sa Mayo 2025?
“Itinadhana” kasi. Katulad noong 2019 midterm elections nang talunin niya si ‘Mayor-President’ Joseph “Erap” Estrada — at sa unang buwan, agad-agad nilinis niya ang maruruming kalsada ng Maynila.
Tinupad ni Yorme Isko ang pangako niya noon, ang dating amoy-ebak, marumi at magulong commercial district sa lungsod, nilinis niya.
Ang paligid ng Liwasang Bonifacio — na kinaroroonan ng monumento ng “Supremo” ng Katipunan, pinagtiyagaan niyang linisin. Sabi pa nga ni Yorme Kois, “katabi” lang ng dambana ang City Hall pero nagkalat ang dumi, amoy-ebak pa!
Ganito ulit ang kalagayan ng lugar, pinabayaan na, nagbalik sa dating masangsang na amoy ng magkahalong panghi at bantot ng dumi ng tao at nagkalat na ligaw na aso’t pusa.
Nagbalik ang naitaboy na batang-hamog at naging pugad uli ng latak ng lipunan.
Akala ni Isko, nang iwan niya ang Cityhall at ipagkatiwala ito sa dating bise-alkalde niya, si Mayora Honey Lacuna, mapananatili ang ningning at sigla ng paligid at iigpaw ang kabuhayan at buhay ng Manilenyo.
Kung napanatili sana ni Mayora ang iniwang “pamana” ni Isko, talagang Senado ang target ni Yorme, pero ano ang idinadaing sa kanya ng kababayan? “Sana” bumalik na lang siya, sana muling tumakbong alkalde, at ibalik ang ganda at sigla ng Maynila.
Paano matatanggihan ni Isko ang hinaing ng Manilenyo na di nakaramdam ng kalinga sa mga nasa poder ngayon?
Walang maipakikitang maayos na infrastructure program, kapos ang malasakit sa health care, balik ang di-maayos na trapiko. At nasaan ang pangako ni Mayora na trabaho, hanapbuhay, at masiglang turismo?
Magulo na uli, marumi na uli ang Quiapo at Divisoria; balik-sa-dati ang Recto Avenue, Juan Luna at ang mga street vendor, balik sa kalye at matamlay ang dating masiglang turismo ng Maynila.
Napanatili ba ang 47 parke at pook-pasyalang pinaganda ni Yorme upamg may pasyalang maayos at maganda ang mga tao? “Mapait” ang sagot: Hindi!
May naidagdag bang bagong pasilidad at maayang kapaligiran sa loob at labas ng mga paaralang publiko, kolehiyo at unibersidad sa Maynila?
Wala, mga dati pa rin, at hindi na nadagdagan ang mga nailagay na solar panel, rainwater collectors sa mga paaralang publiko para makatipid sa elektrisidad at magamit at di masayang ang tubig-ulan.
Zero, bugok na itlog ang environment projects ng gobyerno ni Mayora Honey.
Huwaran ng ibang bayan at lungsod ang Maynila sa termino ni Isko at sa social media, bumabaha ang pagpuri sa kanya. Sa residente ng ibang lalawigan, ang “wish” pa nga nila, kung “puwede” raw mahiram muna si Yorme Isko upang mapatino, mapaganda, ang takbo ng kanilang pamahalaang lokal.
***
Kapag tinatanong kung ano ang “sekreto” niya sa mabilis na pag-igpaw ng ekonomya ng Maynila, ang sagot ni Moreno, “walang secret formula!”
Kailangan lamang ay makinig, kumunsulta, dinggin ang nais ng taumbayan, at iyon ang gawin at tutulong, magtitiwala ang mamamayan.
“Inakala” ni Yorme, nasa “mabuting kamay” na ang Maynila, at iyon ang inasahan niya. Subalit, ano ang sinasabi ng Manilenyo sa mga miting, caucus at mga mensahe sa kanya?
“Bumalik” na siya, nakikiusap na tumakbo uli bilang alkalde, kaya ang tugon niya:
“Paano ko tatanggihan ang hiling nila? Narinig ko ang daing nila, nararamdaman ko ang hinagpis nila at sino ako para hindi makinig, sino ako para hindi kumilos, sino ako para iwanan sila?”
Kaya nga sa mga miting ni Yorme, masigabo ang katuwaang sigaw, “Babalik na si Yorme, gaganda at sisigla na uli at aasenso na uli tayo,” sabi ng karaniwang tao.
Babalik ang infra projects, babalik ang investments, babalik ang maayos na takbo sa cityhall, at babalik ang paghanga sa Maynila — tulad noon.
At titiyakin ng mamamayang Manilenyo na babalik sa Cityhall si Yorme Isko.
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).