TAPATAN na ito, real talk na tayo! Yorme Francisko “Isko Moreno” Domagoso vs Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan para sa pagka-alkalde ng Maynila sa May 12 midterm elections!
Sino ba talaga ang totoong nagmamahal at magtataguyod ng kapakanan ng Manilenyo?
Ito ang dapat na sagutin ng mga botante: sino kay Yorme Isko at Mayora Honey ang may sapat na karanasan, katapatan at puwedeng pagtiwalaan na pamunuan ang pamahalaang lungsod ng Maynila?
Si Isko, dating three-term city councilor, dating three term vice mayor, one termer mayor at dating DSWD undersecretary.
Naipakita ni Isko na tunay siyang public servant, with impressive track record of real service.
Lumaki-sa-hirap: naging basurero, traysikad driver, at naging estibador-kargador din tulad ng kanyang ama, at nasanay sa pagkaing pagpag na mula sa itinapong pagkain sa restoran na nililinis at masarap na niluluto ng kanyang inang Rosario na labandera at tindera ng kung ano-ano na puwedeng pagkakitaan nang marangal.
Eh, si Mayora Honey, naging city councilor, two time-vice mayor at incumbent Manila mayor nga — pero walang gaanong maipagmamalaking development na nagawa sa Maynila.
Yes, this election, dear Manilenyo, is about trust, accountability, and proven leadership.
Si Yorme Isko ay may katangi-tanging nagawa sa Maynila, ilan dito ay:
Mas pinalawak na programa sa Manilenyo.
Maging si Mayora Honey ay saksi sa hindi malilimutang masigasig na kilos laban sa nakamamatay na COVID-19 sa unang termino ni Yorme Isko.
Maynila ang unang nakakuha ng mga gamot at bakuna laban sa COVID -19; pagpapabuti ng serbisyo at pasilidad ng mga ospital sa siyudad at ang ipinatayong Manila COVID-19 Field Hospital na nagligtas ng maraming buhay.
Financial and educational assistance programs at alawans na P1,000 kada buwan sa mga college students ng Pamantasang Lungsod ng Maynila (PLM) at Universidad de Manila (UDM) at P500.00 sa mga mag-aaral na Batang Maynila.
Tulong pinansiyal sa mga Seniors, PWDs, Solo parents at livelihood grants.
Mas madaling maabot at makamit na serbisyo sa mga barangay, at makakalimutan ba ang mabilis na disaster preparedness na maging ang LGU sa Visayas, Mindanao ay naabot ng tulong ng Manila City Government?
Aber, kahit ang sariling pera na kinita ni Yorme sa product endorsements ay ibinigay bilang donasyon sa mga biktima ng kalamidad, lindol at iba pa.
Kampeon si Isko sa mga polisiya na makamasa, hindi ng mga elitistang politiko.
Lumaki si Isko sa slums ng Tundo, alam niya ang salita at galaw ng mahihirap, pero si Mayora Honey? ‘Disconnected’ siya sa paghihirap ng karaniwang tao, kaya pala nang maupo sa cityhall, walang gaanong galaw upang mapaginhawa ang buhay Manilenyo.
Basura nga lang at trapik ay hindi niya maasikaso, kaya ang Maynila ngayon ay hindi makasabay sa kapwa siyudad sa Metro Manila.
Kung hindi kilala ni Mayora ang galaw, salita at ugali ng maraming Manilenyong lumaki sa hirap, hindi na nakapagtataka na ang dating sigla ng lungsod na pinalakas sa panahon ni Yorme Isko, ang Maynila ngayon ay dugyot, marumi, mabaho at usad pagong.
Malinaw ang pagpipilian: Isko is a trusted leader for he has already served the Manileños!
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com).