Kay ‘Yorme Isko,’ panalo ang Maynila!

SA PANGAKONG aayusin at ibabalik ang respeto sa pamahalaang lungsod ng Maynila, ramdam na ramdam na ang todong paglilinis kontra katiwalian na sobrang tinutukan ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’’ Domagoso.

Marami-rami na rin ang pulis-Maynila na kinastigo at kinasuhan sa pagkakasangkot sa maraming tiwaling gawain – tulad ng pangongotong at pagkasangkot sa ilang krimen.

Ani Yorme Isko, walang lugar sa Maynila ang tiwaling pulis.

Bukod sa pulisya, ang buong burokrasya sa city hall ay dumadaan sa reorganisasyon, at pagdaraos ng mga pagsasanay sa gitna ng pandemya upang mapabilis ang daloy ng transaksiyon sa city government.

“Dapat ay magpakita tayo ng mabubuting halimbawa upang ang taumbayan ay makita na ang Maynila ngayon ay nagbabago at hindi na ito magbabalik sa dating gawi,” sabi ng alkalde.

Ang trapiko ay nasa ayos na at ang maliliit na vendor ay may pagkakakitaan na dahil inayos na ang Divisoria, Blumentritt area at iba pang mga lugar na walang nanggigipit na kotong cops at tiwaling city employees at opisyal ng barangay.

At ang lahat ng insentibo para maakit ang negosyante ay nailagay na sa maayos na paraan.

“Maniwala kayo, sa susunod na mga taon, ang siyudad ng Maynila ay titingalain at hahangaan ng ibang karatig na lungsod at ng buong mundo!” pangako ni Yorme Isko.

***

Sino itong angkan ng pamilya na ginagawa nilang semento ang mayayamang lupa para magtayo ng subdibisyon at kahit mayroon pang mga nakatira?

Naman, pwede po ba na sabihan n’yo ang mga tao nyo na ‘wag silang palayasin nang hindi sila binabayaran sa lupa.

E ang paratang ng mga pinalalayas ng mga armadong goons nýo, e kinakamkam ang lupa nila na kasabwat ang mga taga Agrarian, Agriculture, at may mga tao kayo sa Korte at sa mga Register of Deeds at sa Land Registration Authority.

Harinawang hindi totoo.

***

Sa Las Pinas… sawang-sawa na ang mga tao sa mga Aguilar.

Wala na bang matinong Las Pineros na kayang magpatakbo sa siyudad na ito. Sobrang dinastiya na ‘yan.

Ang dami na n’yong kayamanan…

***

Milyon na naman ang mga magtatapos sa kolehiyo? Nadagdagan na naman ang unemployed o mga “diablo” o jobless.

Asan ang pangakong milyon-milyong trabaho, Pangulong Rodrigo Roa Duterte … Pangako sa iyo… Hehehe-he. Promises are made to be broken …daw?

***

Marami ang nagsasabi na mainit ang magiging labanan para mayor ng Maynila sakaling tumakbong pangulo ng bansa si Yorme Isko.

Pero sa tingin natin ay di basta kayang talunin ang anak ng dating Vice Mayor Danny Lacuna na si incumbent VM Dra. Honey Lacuna dahil mahal na mahal ito ng mga Batang Maynila.

Lalo pa ngang sumikat ito, dahil laging kasama at katuwang ito ni Yorme Isko sa lahat ng iba’t ibang gawain.

Pupulitin raw sa kangkungan ang lahat ng babangga kay VM Lacuna? Naloko na!

***

Dapat ay magpakita ang Pangulo Digong ng kamay na bakal sa lahat ng kanyang mga hinirang na dapat na magpatupad ng batas para sa proteksyon ng lahat, hindi lamang ng mga babae at mga bata at matatanda.

Alam naman natin na mabagsik ang “kalupitan” ng kahirapan.

Ang mga pamilyang nagugutom ay alam naman natin na kumakapit sa patalim at ito ay pabrika ng paghihimagsik.

Tamang sugpuin ang korapsiyon, tama na patatagin ang ating lakas pambansa laban sa nagkukunwaring kaibigan pero lihim na kaaway na China.

Tama ang mga programa kontra sa kahirapan at kawalan ng hanapbuhay.

Pero ang mga ito ay pantapal lamang at hindi permanenteng solusyon sa mga problema.

***

Sa loob ng unang buwan ng taong ito – mula Enero hanggang Mayo – nakapagtala ng malaking koleksiyon ang BoC, ayon mismo sa ulat ng Department of Finance.

Ikinatuwa ito ni Commissioner Rey Leonardo ‘Jagger’ Guerrero na tinukoy ang pakikiisa at madisiplinang pagtupad sa mga bagong reporma at programa na ipinatutupad ngayon sa Customs, ayon sa itinakda sa kanya na na mga gagawin ni Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III.

“Ang magandang koleksiyon natin ay hindi po bunga ng magaling na performance ng iisang tao kungdi ito po ay nangyari dahil sa tayo pong lahat ay nagtulong-tulong, dahil po tayong lahat ay nagkakaisa sa paniniwalang ang anomang mahirap na target collection natin ay magagawa nating gumaang kung tayo ay sama-sama,” sabi ni Jagger.

“Ang ganitong balita po ay tunay na nakapagbibigay ng inspirasyon sa ating lahat, at ito po ay lalong magpapasigla sa ating pagtatrabaho upang makuha natin ang target collection ngayong taon,” dagdag pa ni Guerrero.

Aniya pa, bunga ng pagkakaisang makapaglingkod nang matapat, naibabalik na ang malaking tiwala ng taumbayan, lalo na ang mga may transaksiyon sa BoC.

Congratulations!

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment