PAGKATAPOS ng limang araw na “Bakasyon Grande” ay balik trabaho na naman ang ating mga empleyado sa pribado at pampublikong tanggapan ngayong Martes, Abril 11.
Kayod marino na naman ang ating mga kababayan, lalo na ang mga ordinaryong manggagawa dahil talaga namang naubos ang kaunting naipon bago ang limang araw na Holy week vacation.
Ayos rin naman dahil kahit papaano nakapiling nila nang ilang araw ang kanilang mga mahal sa buhay.
Sa mga babalik ngayong Martes sa kani-kanilang trabaho, kaunting ingat sa biyahe at kung maari lang lagi pa rin tayong mag-suot ng face mask kahit hindi na ito mandatory.
Ang pagsusuot ng face mask ay hindi lang proteksyon laban sa nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19).
Proteksyon din ito laban sa iba pang nakahahawang sakit, kagaya ng tuberculosis at ubo.
Huwag natin kalimutan na grabe na rin ang air pollution sa ating kapaligiran.
****
Ipinaliwanag ng Bureau of Customs (BOC) na nagkaroon ng “unintentional errors” sa examination ng isang “aircraft model” na dala-dala ng isang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport.
Dahil dito ay humingi ng paumanhin ang pamunuan ng ahensya sa nasabing babaeng pasahero “for any inconvenience it (physical examination) may have caused (her).”
Ang insidente ay nag-ugat sa isang “suspicious image” na nakita ng x-ray machine operator sa nasabing “aircraft model.”
“Upon close coordination with the PDEA…the “aircraft model” was physically examined, with the consent of the passenger and as witnessed by the parties involved,” ayon sa BOC.
Tinapos ang eksaminasyon nang makumpirmang wala ngang lamang “prohibited or regulated substances” ang nasabing “aircraft model,” ayon pa sa ahensya.
Dagdag pa ng BOC: “In previous instances, those x-ray machines produced the same images on toys…which later yielded positive results for illegal substances concealed inside them.”
Huwag natin kalimutan na seryoso ang mga taga-BOC na pigilan ang pagpasok sa bansa ng “illicit goods” alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Nevertheless, we understand the importance of balancing security and passenger comfort,” sabi ng ahensya.
At nangako ang BOC na ire-review nila ang kanilang procedures para hindi na maulit ang kaparehong “occurrences in the future.”
Mabuti naman at naliwanagan na ang totoong nangyari sa Ninoy Aquino International Airport.
***
Bago ang COVID-19 pandemic ay “happy go lucky” ang mga kababayan natin.
Lalo na kung ganitong panahon ng tag-araw o summer months.
Karaniwan na kasing ginagawa ng marami sa atin ay mag-swimming, mag-piknik, mag-reunion, mag-pista o umakyat sa Baguio City.
Dahil nawala na ang mga COVID-19 restriction, balik sa dati na ang marami sa atin ngayon.
Pero ang isang masakit ay mukhang lumala naman ang krisis sa tubig.
Maraming parte ng bansa ang kinakapos ng inuming tubig at irrigation water dahil sa kawalan ng ulan sa kani-kanilang lugar.
Kailangan pang mag-rasyon ng inuming tubig sa mga lugar na talagang walang tumutulo sa kanilang mga gripo.
Kung minsan pa nga ay kinukulang pa ang inirarasyon na inuming tubig kaya napipilitan ang mga taong bumili ng bottled water.
Okay lang ito sa may pera, pero ang kawawa dito ay ang mga walang-wala, kagaya ng mga walang trabaho, namumulot lang ng mga basura at namamalimos sa kalye.
Ang kailangan ay pag-isipang mabuti ng mga otoridad kung paano i-address ang problemang ito na inaasahang lalo pang titindi sa mga darating na panahon.
Lalo pa at tumitindi pa ang “climate change problem” hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo bunga ng addiction ng lipunan sa “expensive fossil fuels.”
Isip-isip mga kaibigan kasi ibang problema itong tinatawag na “global warming.”
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).