KAILANGAN na lang na makakolekta ng P57.2 bilyon sa huling dalawang buwan ng 2020 para maabot ng Bureau of Customs (BoC) ang kanilang target collection sa taong ito.
Ito ay pagkatapos na makakolekta ng P50.9 bilyong buwis ang BoC noong nakaraang buwan.
Lampas ito ng P2.5 bilyon sa ‘assigned tax take’ ng ahensiya na P48.4 bilyon para sa Oktubre.
Sa totoo lang, limang sunod na buwan – Hunyo, Hulyo, Agosto, Setyembre at Oktubre – naging maganda ang ‘collection performance’ ng Aduana.
Pito sa 17 collection districts ay nagawang lampasan ang kani-kanilang target collection noong isang buwan.
Ang mga ‘performing districts’ ay Port of Batangas, Port of Manila, Port of Zamboanga, Port of Subic, Port of Clark, Port of Limay at Port of Cebu.
Ayon nga sa mga ‘observer,’ lahat ng collection districts ay nagtatrabaho ng husto bilang pagtalima sa utos ni BoC Chief Rey Leonardo Guerrero.
Ang utos ni Guerrero ay lalong pag-ibayuhin ang pagtatrabaho sa Aduana.
Pero alam naman ng lahat na nakasalalay sa dami ng importasyon ang laki ng papasok na buwis sa kaban ng BoC.
Kapag kaunti ang importasyon, siyempre kaunti rin ang makokolektang buwis at taripa ng ahensiya.
Hindi naman salamangkero ang mga taga-BoC.
Tama ba, Sen. Bong Go at Finance Sec. Sonny Dominguez?
***
Marami talagang napapahamak dahil sa maling akala.
Ganyan ang nangyari sa isang importer na sinubukang magparating ng apat na segunda-manong ‘luxury vehicles.’
Akala siguro nitong ‘Blue Core Enterprises,’ ang importer ng mga sasakyan, ay hindi mabibisto ang kanilang kontrabando.
Diyan sila nagkamali dahil bihasa na ang mga taga-MICP sa profiling at examination ng mga shipment.
Ang shipment, na galing ng Kobe, Japan, ay idineklarang naglalaman ng furniture.
Ang laman pala nito’y Porsche sportscar, Bentley luxury car, Mercedes Benz sportscar at Half-cut volkswagen.
Ang apat na sasakyan ay nagkakahalaga ng P20 milyon.
Nag-isyu na si MICP District Collector Romeo Allan Rosales ng Warrant of Seizure and Detention laban sa shipment.
Iniimbestihan na ng BoC ang importer ng mga luxury vehicle.
Banat pa, Collector Rosales at ‘congratulations’ sa iyong bagong promosyon bilang ‘Collector 5.’
***
Bilang pagsunod sa utos ni BoC Chief Rey Leonardo Guerrero, abala ang mga collection district sa pagprocess sa mga kumpiskadong gadget.
Ang gusto ni Guerrero ay i-donate ang mga gadget na ito sa Department of Education (DepEd).
Nangangailangan ang DepEd ng mobile phone, laptop, tablet, pocket wifi, router at iba pang electronic devices.
Ipamimigay ng DepEd ang mga gadget na ito sa mga mahihirap na estudyante na nag-aaral sa mga pampublikong paaralan.
Ang BoC-NAIA nga ay nakatakda na namang mag-donate uli ng mga gadget sa DepEd.
Sinabi ni District Collector Mimel S. Manahan-Talusan na magdo-donate din sila ng mga libro, school bags at sapatos.
Para masiguro na ‘safe for public use’ ang mga gadget ay ikinuha na ng BoC-NAIA ng ‘appropriate clearances’ sa National Telecommunication Commission at Optical Media Board.
“Customs NAIA hopes that the gadgets will be of help in the blended learning program of DepEd,” dagdag pa ni Talusan.
Si Collector Talusan ay anak ni dating Customs Deputy Commissioner Julie Singson-Manahan, kapatid ni Ex-Gov. Chavit Singson ng Ilocos Sur.
Trabaho lang, Ma’am Mimel.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan
at tirahan.)