Koleksiyon ng BoC mula sa auction umabot ng P237-M

HINDI maikakaila na malaki  talaga ang naitutulong ng “public auction” ng mga kumpiskado at abandonadong produkto para madagdagan ang perang pumapasok sa kaban ng Bureau of Customs (BoC).

Ayon sa record, mula Enero hanggang Agosto, 2022 ay tumataginting na P237.3 milyon ang kinita ng BoC sa pagsubasta ng 318 containers na naglalaman ng iba’t ibang produkto.

Sa kaparehong panahon (walong buwan), sinira ng ahensiya ang laman ng 519 containers, samantalang ang mga produktong laman ng 56 containers ay ipinamahagi ng BoC sa iba pang ahensiya ng gobyerno.

Ang tumanggap ng mga donasyon ay mga ahensiya at opisina din ng gobyerno, kasama na ang mga paaralan.

May programa ang BoC, na pinamumuan ngayon ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz, na madaliin ang pag-dispose ng mga overstaying containers para maiwasan ang tinatawag na port congestion.

Ang port congestion ay isa sa mga dahilan kung bakit naaantala ang paglabas ng mga kargamento sa mga pantalan, lalo na sa panahon ng Kapaskuhan na nagsisimula ngayojng buwan ng Setyembre.

Sa 893 disposed containers, 262 dito ay sa Port of Manila (PoM). Ayon pa sa report, 87 containers ay isinubasta at ang natirirang 175 containers ay sinira (condemned).

Sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), ang mga abandonado at forfeited na imported goods ay puwedeng isubasta, sirain o ibigay na donasyon.

Naniniwala tayo na mapapabilis ni Commissioner Ruiz ang pag-dispose ng mga overstaying  containers. Tama ba, Finance Secretary Benjamin Diokno?

***

Kamakailan lang ay nakadiskubre ang BoC-Port of Clark sa Pampanga ng ‘kush marijuana’ sa isang shipment na galing  ng Pennsylvania, United States of America.

Tumitimbang ng 35 gramo, ang kush marijuana ay nagkakahalaga ng  P52,500.

Nadiskubre ang marijuana sa tulong ng Customs Anti-Illegal Drug Task Force, Enforcement and Security Services, CIIS, X-ray Inspection Project at Philippine Drug Enforcement Agency.

Nang idaan sa x-ray scanning ang shipment, nakakita ang mga taga-Port of Clark ng “suspicious images.”

Dahil dito ay idinaan din sa K9 sweeping ang shipment na nagpatibay sa hinalang may laman itong illegal drugs.

At pagkatapos ng physical examination ay napatunayang naglalaman ito ng walong cannisters na may palaman na “dried buds and leaves.”

Kumuha ang mga otoridad ng “representative samples” na ibinigay naman sa PDEA “for chemical laboratory analysis.” Napatunayang nagtataglay ng tetrahydro cannabinol/marijuana ang samples.

At noong September 13 ay nagkasa na ang mga otoridad ng isang controlled delivery operations sa Malabon City kung saan hinuli ang claimant ng shipment.

Nag-isyu naman si Port of Clark District Collector Alexandra Lumontad ng warrant of seizure and detention laban sa shipment dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 at CTMA.

Good job, Port of Clark!

****

Pinag-aaralan na ng gobyerno ang pagpapasara sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.

Marami kasing sakit ng ulo ang ibinibigay ng mga POGO sa mga otoridad at taumbayan.

Sa tingin nga ni Senador Imee R. Marcos, mas malaki ang kita ng “under the table” kaysa sa ibinabayad na buwis ng POGO operators sa gobyerno.

Naniniwala tayo na kahit na ipasara ni Pangulong Marcos ang mga POGO sa Pilipinas ay hindi maaapektuhan ang relasyon natin sa Tsina.

Bawal naman talaga kasi sa Tsina ang sugal.

Ang masakit, maraming pamilya sa Pilipinas, lalo na ang mga mahihirap sa kanayunan ang nasisira ang buhay.

Marami ring mag-asawa ang naghihiwalay dahil sa pagkalulong sa sugal.

Heto pa, ang sunod-sunod na kidnapping at iba pang krimen na kinasasangkutan ng POGO ay puwedeng makaapekto sa kampanya ng gobyerno para hikayatin ang mga dayuhan na mag-invest sa bansa.

Siyempre, matatakot ang mga dayuhan na magtayo ng mga negosyo sa Pilipinas kung nandiyan ang mga POGO.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawagvo mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Comments (0)
Add Comment