Koleksyon ng BoC, angat na naman sa buwan ng Pebrero

PATULOY na nagbubunga ang mga repormang inilatag ni Commissioner Rey Leonardo ‘Jagger’ Guerrero para lumaki ang revenue collection ng Bureau of Customs (BoC).

Makikita ito sa koleksyon ng BoC sa nakaraang dalawang buwan.

Kagaya noong Enero, muling nalampasan ng BoC ang buwanang collection target noong nakaraang Pebrero.

Ayon record ng BoC-Financial Service, umabot ng P46.14 bilyon ang koleksyon noong Pebrero.

Ito’y lampas ng P3.98 bilyon sa target nitong P42.15 bilyon.

Sampu sa l7 collection districts ng BoC ang nakuhang higitan ang kani-kanilang February collection targets.

Ito ang Ports of Legaspi, Tacloban, Cagayan de Oro, Subic, Batangas, Iloilo, Clark, Davao, Manila at MICP.

Noong Enero, ang tax collection ng ahensya ay P47.14 bilyon, lampas ng 6.9 porsiyento sa target na P44.09 bilyon.

Sa unang dalawang buwan ng 2021, ang total collection ng BoC ay P93.28 bilyon.

Sa kabila ng pananalasa ng COVID-19 ay patuloy ang pagsusumikap ng mga taga-BoC.

Alam nilang kailangan ng gobyerno ang pera para tustusan ang mga proyekto.

Bagsak ang ekonomiya ng bansa dahil sa Covid-19 pandemic.

Kung hindi lang sa pandemya, marami ang naniniwala na kayang-kaya ng BoC na maitala ang ‘record-breaking tax collection’ sa taong ito.

Tama ba, mga miron natin diyan sa Aduana?

***

Noong Linggo, Pebrero 28, ay dumating sa Villamor airbase sa Pasay city ang unang batch ng Covid-19 vaccines na Sinovac.

Galing ng China, ang mga Sinovac vials ay lulan ng isang Chinese military aircraft.

Kagaya ng inaasahan, maayos at mabilis ang release ng mga bakuna na donasyon ng China sa Pilipinas.

Si Pangulong Duterte, Chinese Anbassador to the Philippines Huang Xilian, Sec Carlito Galvez Jr., Sec Francisco Duque at Sen. Bong Go ang ilan sa sumalubong sa mahalagang kargamento

Para masiguro ang mabilis na paglabas ng mga bakuna sa airport ay nandoon din sina Commissioner Jagger, Depcom Edward James Dy Buco at Port of NAIA District Collector Mimel S. Manahan-Talusan.

Sinabi ni Guerrero na handang-handa ang BoC para sa pagdating ng mga bakuna na dadaan asa ating mga airport.

Dahil napaka-sensitive ng mga bakuna, kailangang kailangang madala kaagad sa mga storage facility pagdating sa bansa.

Hindi puwedeng ma-delay ang release ng mga ito.

Buhay ang nakasalalay sa maayos na pagdating at pag-transport ng mga bakuna sa mga storage facility.

Alam ‘yan ng mga taga-BoC.

***

Tatlumpung-bilyong piso daw ang nawawala sa gobyerno taun-taon dahil sa ismagling ng sigarilyo.

Ito ang sinabi ni Albay Rep Joey Salceda, chairman ng House Committee on Ways and Means.

Sa isang hearing ng komite, nanawagan si Salceda sa tatlong ahensya ng gobyerno “to crack down on the illicit trade in tobacco products.”

Sa tingin ng marami, ang patuloy na ismagling ng sigarilyo ay patunay na bigo ang kampanya laban sa paninigarilyo.

Mahirap talagang kumbinsihin ang mga kababayan natin na tumigil na sa paninigarilyo.

Kahit alam nilang taun-taon ay maraming namamatay sa paninigarilyo.

Ganyan katitigas ang ulo ng iba nating kababayan!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email: tingnannatin@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Comments (0)
Add Comment