PATULOY ang magandang “performance” ng Bureau of Customs (BOC), ang pangalawang pinakamalaking revenue-generating agency ng gobyerno.
Lalo na kung ang pag-uusapan ay ang pangongolekta ng tamang buwis, taripa at iba pang charges, kampanya laban sa katiwalian at paglaban sa ismagling.
Noon lang nakaraang buwan (Pebrero) ay umabot ng tumataginting na P70.601 bilyon ang koleksyon ng ahensya, ayon kay Commissioner Bienvenido Y. Rubio.
Ito ay lampas ng P4.393 bilyon sa target nitong P66.207 bilyon.
Sa unang dalawang buwan ng taon (Enero at Pebrero) ay nakakolekta ang BOC ng Pl43.930 bilyon kumpara sa target nitong P137.987 bilyon.
Sinabi ni Rubio na patuloy ang magandang performance ng BOC dahil sa “improved system of determining the value of imported goods.”
Isa pa, “the BOC has optimized its procedures and trade facilitation efforts,” ayon kay Commissioner Rubio, na isang tagas-Ilocos Norte.
Dagdag niya: “We remain committed to our mission of excellence, fiscal responsibility, and service to the Filipino people.”
Hindi biro ang napakataas na revenue collection target ng ahensya sa taong ito. Ang daming challenges ang kinakaharap ng bansa ngayon.
Pero naniniwala tayo na “may concrete plan of action” ang ating gobyerno para mapagtagumpayan natin ang iba’t bang challenges na ito.
***
Kapag gabi hanggang madaling araw ay ramdam pa rin ang lamig ng panahon.
Pero sa araw ay sobrang init na ng panahon, lalo na pagkatapos ng pananghalian hanggang sa paglubog ng araw.
Sa totoo lang, marami na naman ang nagkakasakit ng sipon at ubo, karamihan ay bata, dahil sa lamig sa gabi at init pagdating ng hapon.
Ang kinatatakutan nga ng marami ay ang maaaring paglobo ng bilang ng mga tatamaan ng tigdas.
Usong-uso pa naman ang nakakahawang sakit na ito kapag panahon ng tag-init sa Pilipinas, na nagsisimula sa buwan ng Marso.
Ang problema ay hanggang sa Mayo pa ang pasok sa mga paaralan sa buong bansa.
Kawawa dito ay ang mga batang nag-aaral sa mga pampublikong eskuwelaan na karamihan ay wala man lang electric fan ang mga kuwarto.
Mabuti sa mga pribadong paaralan, naka-aircon ang mga ito.
Kaya tama ang plano ng gobyerno na ibalik sa dating schedule ang bakasyon ng mga estudyante para walang pasok kapag Abril at Mayo.
Hindi lang mga bata ang kawawa kung Hunyo at Hulyo ang bakasyon. Pati mga guro ay umaangal din sa init sa loob ng mga silid-aralan.
***
Heto na naman tayo, mga kaibigan. Para na tayong sirang plaka.
Sana naman linisin na ng mga otoridad, kasama na ang mga taga-barangay, ang mga baradong daluyan ng tubig lalo na Metro Manila.
Kailangang maalis ang mga tone-toneladang basurang nakabara sa lahat ng waterways sa buong bansa.
Huwag natin kalimutan na ang pangunahing dahilan ng malawakang pagbabaha sa Metro Manila ay ang mga baradong ilog, drainage canal, at estero.
Madaling umapaw ang mga ito dahil sa mga basurang itinatapon ng taumbayan sa kung saan-saan.
Kapag malakas ang ulan ay napupunta sa mga daluyan ng tubig ang mga basurang ito, lalo na ang mga naglalakihang plastik at foam.
Linisin na natin ang lahat ng waterways bago magsimula ang tag-ulan.
Tama ba kami, Pangulong Marcos at DILG Secretary Benhur Abalos?
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong panglan at tirahan).