Kongreso, Senado, “todo pasa” lang sa Meralco

DALAWANG imbestigasyon ng Senado at Kongreso hinggil sa pagiging “abusado” nitong Misteryo Electric, ehek, Manila Electric Company (Meralco) ang nasundan natin, mga kabayan.

Ang una ay noong Huwebes, sa pagdinig ng House Committee on Energy sa pangunguna ni ‘incoming Speaker’ Lord Allan Velasco ng Marinduque.

Ang ikalawa naman ay kanina, Hulyo 6, 2020,  sa pagdinig ng Senate Committee on Energy sa pangunguna naman ni Sen. Sherwin Gatchalian.

At sa mga pagdinig na ito, isa lang talaga ang ating masasabi: puwedeng ihambing sa “pozzolan cement” itong Meralco, kung “tigas” din lang ng “pagmumukha” ang pag-uusapan, ahahay!

Bakit kanyo? Eh, dangan nga kasi, “matigas” sa posisyon ang Meralco na ‘based on actual meter reading’ ang sinisingil nilang konsumo sa kuryente, partikular sa mga buwan ng Mayo at Hunyo.

Eh teka, lang, hindi ba dear readers? Hindi nga ba at itong mga “kagulat-gulat” at “misteryosong” konsumo ng kuryente—na hindi matanggap ng taumbayan—ang dahilan kaya nga kahit may pandemya, nagpatawag ng pagdinig ang dalawang kapulungan ng Kongreso?

At kung mistulang “pozzolan cement” ang pagmamatigas ng Meralco na hindi nito niloloko o “dinudugas” ang kanilang mga kostumer, eh, ano pa ang saysay ng mga pagdinig na ‘yan aber?

Bagaman, malaki ang tama ni Sen. Sherwin ng sabihin niya na “handang magbayad” ang may 7 milyon na ‘residential customers’ ng Meralco basta ba “alam” at “naiintidihan” nila ang kanilang babayaran.

Translation? Paano “masisikmura” ni Juan dela Cruz na bayaran ang singil sa kuryente na alam nilang hindi nila kailanman nakonsumo—kahit noong wala pang pandemya, aber?

Kung susumahin pa rin natin ang dalawang pagdinig, napansin natin na walang kahandaan ang ating mga senador—maliban kay Sen. Risa Hontiveros—, na “singilin” sa patuloy na “panloloko” at “pang-aabuso” itong Meralco.

Kanina kasi, siya lang ang napansin natin na “kinukulit” itong si ERC chairperson, Agnes Devanadera, na “parusahan” ang Meralco sa mga “sablay” nito.

Aniya pa, mas mahalaga sa Meralco ang kita nito (profit) kumpara sa kapakanan ng publiko. Sapul, hehehe!

Ang iba pa, kasama na si Sen. Sherwin, para bang hindi sila “nakahanda” na gisahin itong Meralco at ang kasabwat, ehek, ang ‘regulator’ ng ‘power industry,’ ang ERC.

Bilang mga “paham sa batas” (‘solon’) at palaging mga nagmamagaling na interes ng publiko (translation: mga botante) ang mahalaga sa kanila, ang inaasahan pa nga natin ay ‘ready to throw the book, including the kitchen and toilet bowl’ ang mga mambabatas dito sa Meralco.

Subalit, katulad ng dati, “nganga” ang mga miron, yeheyy!

Dangan kasi, hindi ba naisip ni Sen. Sherwin na ang ginawa ng Meralco na sablay na paniningil ay paglabag na sa mga probisyon ng RA 386 (Civil Code), partikular na sa Section 19 at Section 20—

Section 19: Every person must, in the exercise of his rights and in the performance of his duties, act with justice, give everyone his due, and observe honesty and good faith.

Section 20: Every person who, contrary to law, willfully or negligently causes damage to another, shall indemnify the latter for the same.

Ayon pa rin sa Book 4 ng RA 386 Section 2176, dapat lang magbayad ang Meralco sa ano mang kapabayaan na nagdulot ng perwisyo sa mga kostumer nito.

Subalit, kapansin-pansin, mga kabayan, na walang mambabatas ang “nagbalibag” sa Meralco ng mga paglabag na ito sa Civil Code, tsk,tsk,tsk!

Sa mainit ngayong isyu ng “excessive billing” ng Meralco, inalam din ba ng ating mga mambabatas na dalawang beses na itong natalo sa kaso na nakarating pa hanggang Korte Suprema?

Kung ang tanging alam ng ating mga senador at kongresista ay tanggapin lang ang bawat paliwanag ng Meralco at iba pang mga kumpanya na pag-aari ng mga oligarko;

At kung sa kanilang mga pagdinig ay hindi naman pala sila nakahanda, hindi na tayo magtataka kung “yakang-yaka” ng Meralco na “paikutin” at “palundagin” itong ating mga “honorable,” huhuhu!

Oh well, masasabi natin na ang “mababang kalidad” (low quality) ng ating mga mambabatas ay isang dahilan kung bakit sa pananaw ng karamihan, “inutil” at “todo-pasa” lang sila sa pang-aabuso ng mga kumpanyang katulad ng Meralco.

At siyempre, hindi na natin isasama dito ang ERC na sa termino ni Devanadera ay walang napansin ang publiko kundi maglabas ng mga ‘memo’ at “kauutusan”—subalit wala rin namang ginawa kundi “lunukin” at tanggapin lang ang bawat paliwanag at dokumento ng Meralco.

Madam, ano pa ba ang saysay mo d’yan sa ERC? At wala na ba talagang “mapagpilian” si PDU30, bukod sa mga dating tauhan ni Madam Gloria Arroyo?

Abangan! ###

Comments (0)
Add Comment