KATULAD ng mga iligal na droga, ang mga produktong “unsafe and hazardous” ay hindi dapat makapasok sa bansa.
Iyon nga lang may mga produktong ipinagbabawal ang nakapapasok pa rin dahil sa ismagling.
Mabuti na lang alerto ang mga taga-Bureau of Customs (BoC).
Katulong ang iba pang ahensya, maraming kontrabando ang natitimbog sa mga paliparan at daungan.
Kagaya na lang diyan sa BoC-NAIA na pinamumunuan ni District Collector Carmelita ‘Mimel’ Manahan-Talusan.
Kamakailan ay pinangunahan ni Collector Mimel ang pagsira sa dalawampu’t-isang toneladang “unsafe and hazardous” goods sa Trece Martires, Cavite.
Ang mga sinira ay kinabibilangan ng vape products, expired food items, gamot, medical kits and devices at glutathione products.
Ang mga produktong ito ay inangkat ng walang mga kaukulang permit at clearances.
Dahil sa tinatawag “health hazards” ng vape products, ang paggamit at importasyon ng mga ito ay “highly regulated” ng Food and Drug Administration.
Ang agarang pagsira sa mga mapanganib at hindi ligtas na inangkat na produkto ay ayon sa utos ni BoC Chief Rey Leonardo Guerrero.
Ayaw ni Guerrero na mapasakamay pa ng mga mandurugas ang mga kumpiskadong produktong ito.
Determinado naman sina Collector Talusan na pigilan ang pagpasok sa bansa ng mga ipinagbabawal na produkto.
Kahit nga may Covid-19 pandemic ay patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng mga tauhan ni Ma’am Mimel sa NAIA.
Sabi nga ilang examiner, “mahirap nang mapalusutan ng mga player.”
“Mahirap ng masibak lalona’t malapit na ang Pasko.”
***
Sa Port of Zamboanga naman sa Mindanao, sinira din ng mga tauhan ng BoC ang mga puslit na sigarilyo.
Nagkakahalaga ng P195 milyon ang halaga ng sinirang sigarilyo sa bakuran ng isang bodega sa Barangay Baliwasan sa syudad ng Zamboanga.
Kasama sa sinira ang raw materials sa paggawa ng sigarilyo na nagkakahalaga ng P350 milyon.
Ayon kay District Collector Sigmundfreud Barte Jr., ang mga sigarilyo ay nakumpiska sa mga magkakahiwalay na anti-smuggling operation sa Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu at Tawi-tawi.
Sinabi ni Barte na nag-turn over din sila sa BIR ng mga pekeng internal revenue stamps na nagkakahalaga ng P1 bilyon.
Ang mga sigarilyo ay binasa ng ‘pressurized water’ ng mga bumbero bago dinala sa isang sanitary landfill sa Barangay Salaan.
Maihirapan talagang pumorma ngayon ang mga ismagler sa mga opisyal at tauhan ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero.
***
Kahit niluwagan na ang mga quarantine protocol ay matumal pa rin ang maraming negosyo.
Maraming tao ang takot pa ring gumala dahil takot silang mahawahan ng salot na Covid 19.
Nandyan pa rin ang pagbabawal sa mga senior citizen at bata na lumabas.
Isa pa, wala o kapos sa pera ang mga tao dahil sa kawalan ng trabaho.
Sana magkaroon na ng bakuna laban sa Covid-19.
Kung hindi, baka tuloy-tuloy ang kalbaryo ng taumbayan.
Lalong-lalo na ang mga mahihirap.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)