HINDI pa man umaabot sa dalawang buwan si Cong. Lord Velasco sa pag-upo bilang ‘Speaker of the House’ ng Mababang Kapulungan, matindi na ang mga “bulong-bulungan” na may grupong nagbabalak umanong “ikudeta” na ito sa puwesto dahil sa anila’y kakulangan ng direksyon at katatagan bilang “lider” ng Kamara.
Kaya naman hindi na nakapagtataka na pinulong niya ang ilan sa mga kongresista para sa sinasabing ‘loyalty check;’ nakarating na umano sa kanya ang napapabalitang kudeta.
At bukod pa ito sa tumitinding girian at ‘internal conflict’ ng mga kaalyadong kongresista ni Velasco.
Matatandaan sa birthday ni Velasco ay nagkasagutan sina Congresswoman Sharon Garin at Congressman Polong Duterte dahil kinuwestyon ni Garin ang pagiging chairman ng kapatid ni Davao City Mayor Sara Duterte sa makaparangyarihang ‘Committee on Accounts’ kahit hindi nito ibinoto si Velasco bilang Speaker.
Kaya nga, sa isang viber message ni Cong Polong ang kumalat sa social media na nagasasabing
dumidistansiya” na siya sa grupo ni Velasco dahil “ipinahiya” siya ni Garin (ipinaaresto na si Garin ng isang korte sa Maynila dahlia sa isyu ng ‘Dengvaxia’).
Inirereklamo rin ng mga kongresista, ayon sa isang impormante, ang kawalan ng palabra de honor ni Velasco dahil tinanggal nito sa puwesto ang mga deputy speakers at committee chairman na sa tingin niya ay hindi niya kaalyado.
Sino ngayon ang walang palabra de honor? tanong ng source. Oo nga naman.
Ang kawalan kasi ng palabara de honor ang bintang na ibinato rin ni Velasco kay Taguig Rep. Alan Peter Cayetano sa isyu ng kanilang term sharing, hindi ba?
Sa mga usap-usapan naman ngayon sa Kamara, mukhang “bumabalik” kay Speaker Lord ang bintang niya kay Cayetano.
“Pumayag” kasi siya noon sa “kasunduan” na hindi magpapalit ng mga committee chairmen pag siya na ang umupo bilang lider ng Kamara.
Kaya wag na tayo siguro magtaka na ganito ngayon ang nangyayari sa Kongreso dahil sa totoo lang, marami nang mga saliwa na galawan ang nangyayari ngayon sa naturang institusyon.
Kasama na d’yan, anang mga miron, ang “todo-depensa” ni Velasco tungkol sa red tagging sa Makabayan Bloc at ang umaalingasaw ngayon na kontrobersiya tungkol sa budget insertions ng mga kongresista sa 2021 national budget na ayon kay Senador Ping Lacson ay hindi bababa sa P620M bawat isa.
Sa nangyayaring ito, baka magising na lamang si Velasco na wala na siya sa puwesto dahil kung tutuusin ay hindi man lang siya makapagpaliwanag tungkol sa inaakusa ni Ping Lacson sa usapin ng “paglobo” ng infrastructure budget ng mga kongresista.
Abangan natin ang mga susunod na pangyayari sa Kamara.
At huwag nating kalimutan na kung ano man ang ginawa mo sa kapwa mo, ay maaari ring gawin sa’yo ng ibang tao pagdating ng araw.
Tumpak!