Kung may legal na papeles, lusot na nga ba ang kargamento?

SINASABI ng Bureau of Customs (BoC), mahigit sa 90 porsyento ng imported dairy and meat products from China were covered by import permits issued by the Bureau of Food and Drugs and the Bureau of Animal Industry.

So it seems, kung may nakalulusot na contaminated meat at dairy products, walang kasalanan ang BoC. Sa unang tingin – parang ganoon nga, dahil nga, may permit ang marami sa mga inaangkat na mga produktong karne at gatas.

Kung may permit, walang magagawa ang mga opisyal ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz kundi i-release ang mga kargamento, dahil may legal na papeles, at ipinagbabayad naman ng tamang buwis.

Granting na malinis ang mga dokumento, walang hokus-pokus ang mga papeles, permit at iba pang dokumento.

Ganun nga ba, mga suki?  Na kung may legal na dokumento – lusot na?

***

Kahit na nga ligal, nasa maayos at ayos na ayos ang mga dokumento, dapat ay maging istrikto rin ang mga opisyal at tauhan ng Customs. Kasi po, minamahal nating mambabasa, kaya po mayroon tayong Customs laws sa pagpasok at paglabas – sa bansa – ng mga kargamento, mga produkto at iba pa ay upang maproteksiyonan ang kalusugan at ilayo sa panganib ang mamamayang Pilipino.

Ibig sabihin, kung sinusuring mabuti ang mga kargamento, kahit na may mga papeles at legal documents ang mga ito, at naipagbayad ng correct taxes and duties, dapat pigilin, kumpiskahin kung may iba pang regulasyon na nilalabag.

Inyong mapapansin, maraming produkto na galing sa China – na kuno ay may permit from BFAD at BAI – ay ano po: nakasulat ang mga markings o palatandaan ng manufacturers, mga contents at iba pang impormasyon sa kung paano ito ginawa at sinangkapan, sa wikang Mandarin o Cantonese o Fookien.

Mga lengguwahe marami sa atin ay hindi nauunawaan kung ano ang kahulugan ng markings na iyon.  And according to what I know, may karapatang pigilin ang mga ganitong produkto at kung makitang okay naman, matapos na maisalin sa wikang English o Filipino ang markings at makitang ‘ligtas, safe at walang peligro o panganib sa kalusugan ng iinom o kakain ng produktong angkat.

At kasunod niyon, dapat ay may five percent duty pa sa mga produktong nakasulat sa foreign markings na hindi nakasulat sa English o wikang naiintindihan ng consumer.

***

Ang pagkaalam natin, foodstuff shipment should be subjected to 100 percent (repeat: 100 percent) physical examination in the presence (repeat, in the presence) of BFAD and BAI representatives.

Kaya kailangan ang mga kinatawan ng BFAD at BAI bago payagang mailabas ang mga kargamentong pagkain at dairy sa layuning matiyak sa pamamagitan ng laboratory tests na walang sangkap na anomang toxic elements, kemikal na mapanganib sa kalusugan ng publiko, lalo na sa tumatangkilik (consumers) ng mga produktong gawa o yari sa China.

Dapat ay laging pro-active ang mga ahensiya ng pamahalaan,  sa halip na “reactionary” o kumikilos lamang matapos mangyari ang panganib at may namatay na.

The other mandate ng BoC, BFAD at BAI ay proteksiyon ng consumer, ng mga mamamayang Pilipino at ang kaligtasan ng Republika. Iyon po.

***

Kada taon, ilang milyong metriko tonelada (MT) ng bigas ang kinakain ng mga Filipino?

Pangunahing pagkain kasi natin ay kanin. At dahil sa mabilis na paglobo ng ating populasyon, kailangan natin ang maraming bigas na ating kukunsumuhin, at upang may kanin sa bawat hapag ng pamilyang Pinoy, dapat na madagdagan ng ilang porsiyento ng metriko tonelada ng bigas ang anihin sa ating mga palayan.

Pero sa harap ng ganitong banta ng pagkagutom, tulog na tulog ang mga opisyal natin sa agrikultura. Bakit pa magtatanim kung may mabibili namang bigas mula sa Vietnam, China, Thailand, sa United States at sa India. Ito ang dahilan kaya ayaw kumilos ang mga taga Department of Agriculture (DA).

Kung totoo ang estatistika ng mga taga-DA, ibig sabihin, 2.5 to 3.5 milyong ektarya ang dapat na mataniman ng palay. Kung gayon, ilang libong MT ng bigas kada araw na kakaining kanin ng bayan ang dapat na maani, at ilang milyong MT ang dapat na makuha para sa kunsumo natin kada taon?

Kayang-kaya ba ng mga magsasaka natin na makapag-ani ng 10 hanggang 15MT kada ektarya bawat taon kung matapat na tutulong ang pamahalaan at ang pribadong sektor?

***

Di ba kaygandang pangarapin na sana ay muli tayong maging rice exporter?

Pero mas madaling magsalita kaysa ito ay magawa. Sa kupad ng usad ng burukrasyang Pilipino, mananatiling malaking problema ang kagutuman sa ating bansa.

Isa siguro na dapat gawin agad ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ay magpalabas ng isang executive na nagbabawal na gawing residential subdivision, golf courses, resorts o lugar para gawing export processing zones ang mayayamang lupang palayan. Dapat ding isama sa pagbabawal na ito ang mga lupang tinataniman ng mais at ng mga gulay at iba pang uri ng pagkain.

Ano naman ang dapat gawin ng sektor ng negosyo? Maglagay sila ng pera sa corporate farming. Kung magagawa ng 1,000 malalaking korporasyon na bawat isa sa kanila ay magagawang magpagawa ng 500 ektaryang palayan, katumbas ito ng 500,000 ektarya na palay lamang ang itatanim. Mangyayari na lalawak ang lupang palayan sa 3 milyong ektarya.

Dapat din namang tukuyin agad ng gobyerno ang mga lugar na gagawing palayan, at kasabay nito (government owned and controlled corporation and financial institution, GOACCAFI) , pabilisin ang mga proyektong patubig.

Maaari ring iutos sa lahat ng korporasyon, kawanihan o opisinang nasa kontrol ng pamahalaan na magbigay ng isang sakong bigas kada buwan sa kanilang mga empleyado.

Iyong matataas na uri ng bigas ang dapat na bilhin ng mga GOACCAFI upang ang bigas na pantulong ng National Food Authority ay makasapat naman sa mga kapos sa pera na sektor ng ating lipunan.

Kailangan din na ang malalaking pribadong korporasyon ay mag-ambag ng solusyon sa problema ng kagutuman: magbigay sila ng alawans sa pagkain ng mga kawani nila. Isa ito makabayang gawa na dapat nilang gawin upang makatulong sa bansa.

Sa mga maykaya at angat sa buhay, bilhin naman nila ang matataas na uri ng palay na itinatanim ng ating mga magsasaka ng palay. Sa gayon, magsisikap sila na ang ganitong uri ng palay ang itanim at anihin.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment