‘Lifestyle check’ sa BOC, kailangan

UMAASA tayo na pagkatapos ng termino ni Pangulong Marcos sa 2028 ay mababawasan na ng malaki ang bilang ng mga katarantaduhan sa Aduana.

Sa tingin ng marami, kasama na ang inyong lingkod, “imposible” namang matitigil ang lahat ng mga “milagro” sa tinatawag na “snake-infested waterfront.”

Panahon pa ni ‘Mahoma’ ay nandiyan na ang graft and corruption sa ibat-ibang tanggapan at ahensiya ng gobyerno.

Marami na ngang natanggal sa serbisyo at nakulong pa, pero nandiyan pa rin ang korapsyon at katiwalaan sa pamahalaan,

Ang maganda lang ay tuloy-tuloy ang kampanya laban sa graft and corruption.

Sa totoo lang ay priority ni Bureau of Customs (BOC) Chairman Bienvenido Y. Rubio ang paglaban sa katiwalian at korapsyon.

Alam niya na napakalaki ang epekto ng mga ito sa tax collection performance ng ahensiya.

Kesa mapunta sa kaban ng gobyerno ay napupunta lang sa malalalim na bulsa ng mga tiwaling opisyal at kawani ng BOC kung nandiyan pa rin ang mga kalokohan sa Aduana.

Kailangang matigil o mabawasan man lang ang outright smuggling at technical smuggling.

Dahil sa kakulangan ng tauhan at kagamitan ay nahihirapan ang BOC na patigilin ang outright smuggling.

Ang technical smuggling naman ay kailangan ng mga ismagler ang “tulong”  ng ilang tiwaling kawani ng ahensya.

Kaya ang kailangan ay bantayang mabuti ni Commissioner Rubio ang kilos ng mga taong dinadaanan ng mga dumarating na shipment.

Kung maari lang ay dumaan sa regular na lifestyle check ang mga empleyadong ito para malaman kung bigla silang yumaman.

O magkaroon ng mga undercover agent si Commissioner Rubio para bantayan ang mga transaksyon sa Aduana.

Nandiyan naman ang Intelligence Group ng ahensiya, tama ba, Deputy Commissioner Juvymax Uy?

****

Hanggang ngayon ay wala pang naipapasang anti-political dynasty law ang ating Kongreso.

Ito ay hindi nakapagtataka dahil marami tayong mambabatas ay mga miyembro ng mga kilalang political dynasties sa bansa.

Sa tingin natin ay hindi na kailangang magpasa ng anti-political dynasty law ang Senado at Kamara de Representantes.

Kasi nga, mga botante ang pumipili kung sinu-sino ang mga taong maupo sa gobyerno.

Kaya may mga tinatawag na “bobotante.” “Bobo” dahil kahit alam na trapo at magnanakaw lang sa kaban ng bayan ang kandidato, basta naabutan ng pera kapalit ng kanilang boto sa eleksyon, iboboto pa rin.

Ang kailangan lang ay magising ang taumbayan sa katotohanang hindi dapat sa iilang pamilya lang manggagaling ang ating mga opisyal.

Tayo naman ang pipili ng mga lingkod-bayan mula Presidente hanggang sa mga opisyal ng  mga barangay,

Ang problema ay nasa ating mga botante dahil marami ang nasisilaw sa kinang ng pera tuwing may eleksyon.

***

Ngayon ay ramdam na ng maraming Pilipino, lalo na ang mga magsasaka, ang masamang epekto ng ‘El Niño phenomenon.’

Nalanta na ang kanilang mga pananim na palay, mais at mga gulay dahil sa kawalan ng ulan nitong mga nakaraang buwan. .

Summer na at nandiyan pa ang El Niño. Krisis talaga ang aabutin ng mga kawawang magsasaka sa bansa.

Ginagawa namang lahat ng mga otoridad para matulungan ang mga apektadong pamilya kahit kulang na kulang ang ating financial resources.

Ang maganda lang ay kaibigan natin sa labas ng bansa ay tumutulong na rin para maibsan ang hirap natin.

Pero iba kapag kalikasan na ang ating kalaban. Ibang laban ito.

Sana nga mapaaga ang pagdating ng tag-ulan sa Pilipinas.

Ang problema naman ay handa ba tayo sa pagdating ng malalakas na pag-ulan na magpapalubog naman sa maraming parte ng bansa?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang inyong pangalan at tirahan).